Mga tropa ng AFP, CAFGU sa Agusan del Sur, sumanib sa BHB
Kinumpirma ni Jorge "Ka Oris" Madlos, tagapagsalita ng NDF-Mindanao, ang paglipat sa BHB ng dalawang sundalo ng Philippine Army at ng pinamumunuan nilang dalawang platun ng CAFGU sa Agusan del Sur noong Agosto 7. Bago umugnay sa BHB, sinamsam nila ang mga sandata sa tatlong detatsment sa Barangay Binakalan at Mahayahay, bayan ng San Luis.
Sina Cpl. Edward Querante at PFC Boboy Abdulhasad, mula sa "C" Company ng 29th IB, at pitong elemento ng CAFGU ay tinulungan ng milisyang bayan na makapasok nang ligtas sa teritoryo ng BHB. Dala nila ang isang M203, dalawang M16, dalawang M14 at apat na garan. Ang iba pang hindi nakaugnay sa BHB ay nadakip ng militar.
Ayon kay Ka Oris, tumiwalag sa serbisyo ang mga sundalo at mga elemento ng CAFGU dahil hindi na nila masikmura ang pagbabanta at pagmamaltrato ng kanilang mga upisyal; pagbalam o di pagbibigay ng kanilang mga suplay na pagkain at kagamitang militar, sweldo at alawans; at pang-aabuso sa kababaihan.
Magugunitang noong Hulyo ay isang iskwad naman ng mga MNLF integree at grupo ng CAFGU mula rin sa naturang kumpanya ang tumiwalag sa kanilang mga yunit dahil sa gayon ding mga hinaing.
Nanawagan si Ka Oris sa lahat ng sinsero at patriyotikong sundalo at upisyal ng AFP, PNP at CAFGU na makiisa sa mamamayan at ilantad ang kabulukan ng AFP. Dagdag niya, maaari rin silang makipagtulungan nang lihim sa masa o sa mga yunit ng BHB o di kaya'y tuluyang sumapi rito.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|