Sumisirit ang presyo ng langis
Kailanma't naisin ng mga dambuhalang kumpanya ng langis na magtaas ng presyo ng kanilang mga produkto, may mga pirmi na silang sangkalan. Madalas, sinasabi ng mga ito na marapat ang pagtaas ng presyo dahil palugi umano ang kumpanya. Di kaya naman, ibinubunsod umano ito ng pagtaas ng presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan. Karaniwan din nilang idinadahilan ang mga pagbaba ng halaga ng piso, pagtaas ng mga gastos nila sa operasyon at kung anu-ano pa.
Pawang kasinungalingan ang mga ito. Una, wala pang pagkakataon sa kasaysayan na nalugi ang pinakamalalaking dayuhang multinasyunal na nagmamay-ari ng pinakamalalaking kumpanya ng langis sa Pilipinas. Nitong mga huling pagkakataon, di lamang dumodoble ang taunang tinutubo ng mga kumpanyang kabilang sa internasyunal na kartel sa langis.
Noong 2002, halimbawa, 298% (halos triple) ang abereyds na inilaki ng tubo ng limang pinakamalalaking kumpanya ng langis sa daigdig. Nakakalulang halos sampung beses (926%) naman ang inilobo nito nitong 2003, bunsod ng nag-ibayong kontrol ng imperyalismong US at UK sa industriya ng langis nang sakupin ng mga ito ang Iraq. Kabilang sa mga kumpanyang naturan ang Royal Dutch Shell na may-ari ng Pilipinas Shell at ang Chevron-Texaco na may-ari ng Caltex Philippines.
Ikalawa, tumaas man o bumaba ang pandaigdigang presyo ng langis, kadalasa'y itinataas pa rin ng mga kumpanyang ito ang presyo ng kanilang mga produkto. Mas mabilis nga lamang ang kanilang pagsunggab sa pagkakataon kapag may kahit bahagyang pagtaas sa presyo ng krudong langis. Gayong lagi silang may pandalawang buwang imbak na langis na sa lumang presyo pa nabili, agad silang nagtataas batay sa pinakahuling pagtaas ng pandaigdigang presyo ng krudong langis. Sa kabilang banda, kapag bumababa naman ang pandaigdigang presyo ng langis, bihirang-bihira ang mga pagkakataong nagbababa sila ng presyo.
![](../../angbayan/images/040607/koboy.gif) | PRESYO NG MGA PRODUKTONG PETROLYO SA ILALIM NG DEREGULASYON (1996-2001) | Taon | Abereyds na presyo (piso kada litro) | 1996 | 6.07 | 1997 | 6.71 | 1998 | 7.19 | 1999 | 8.44 | 2000 | 11.52 | 2001 | 13.52 |
|
Matingkad na halimbawa ang pinakahuling mga pangyayari. Noong Mayo 14, piso kada litro ang agad na idinagdag ng Caltex at Shell sa presyo ng kanilang mga produkto nang umabot sa $41.83 (pinakamataas sa nakaraang 21 taon) ang presyo kada bariles ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan. Dadalawang linggo lamang ang pinalipas, nagdagdag na naman ng piso ang Shell sa kada kilo o P11 sa kada tangke ng liquefied petroleum gas (gas na panluto).
Nitong Hunyo 4 at 5, dinagdagan na naman ng 90 sentimo ang presyo kada litro ng mga produktong petrolyo. Balak pa ng mga kumpanya ng langis na magtaas uli ng presyo sa susunod na linggo. Inaasahang P1.25-P1.80 ang idaragdag sa presyo ng kanilang mga produkto. Sinasamantala ng kartel ang pagsirit ng presyo ng krudong langis bunsod ng magulong sitwasyon sa Middle East.
Bagamat mula't sapul ay ganito na ang kalakaran, lalo itong bumwelo mula nang ipatupad ng reaksyunaryong gubyerno ang deregulasyon ng industriya ng langis noong 1996. (Tingnan ang tsart.)
Anu't anuman, ang mga isinasangkalan ng lokal na kartel sa langis tuwing magtataas ng presyo ay gasgas na gasgas na. Hindi na nito napagtatakpan ang katotohanang kahayukan sa tubo ang nagtutulak pataas sa presyo ng mga produktong petrolyo. Ang mga ganid na kumpanya ng langis ay mga eksperto na sa lahat ng klase ng pandaraya para tugunan ang kanilang makasariling mga interes. (Para sa mas malalim na pagtalakay sa usapin, sumangguni sa praymer na "Monopolyo atbp." na inilabas ng Kawanihan sa Impormasyon noong Mayo 2002.)
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|