Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga maniobra ni Macapagal-Arroyo hanggang 2004 at lampas pa rito

 Read this article in English

Ang biglaan at madramang pag-anunsyo ni Macapagal-Arroyo na hindi siya tatakbo sa eleksyong 2004 ay isang desperadong hakbangin. Layunin nitong makabawi mula sa matarik na pagbulusok ng kanyang popularidad, maiwasan ang pagkalampaso sa eleksyong 2004 at bago pa ito, ang posibilidad na mapabagsak ng isang malawakang pag-aalsang bayan at malikha ang isang klimang pampulitikang paborable para sa todo-largang pagsasakatuparan ng neoliberal na mga patakaran sa ekonomya at ng todo-todong teroristang digma.

Ang deklarasyon ni Macapagal-Arroyo ay ginawa niya isang araw matapos ang isang mabilisang pagkonsulta kay US Ambassador Richard Ricciardone. Ipinakikita lamang nito na ang US ang siya pa ring nasa likod ng ganitong maniobra ng papet na presidente.

Isa itong tahimik na pag-amin na ngayon pa lamang ay talo na siya sa eleksyong 2004. Ngunit ang hakbang paatras niyang ito ay may kasunod na planong dalawang hakbang pasulong. Hangad pa rin niyang patuloy na maghari at, para rito, tusong binabago-bago niya ngayon ang mga tuntunin sa laro sa reaksyunaryong pulitika.

Ang mga tagatambol ng papet na rehimen ay nangangarap na biglang magbabago ang ihip ng hangin. Nais nilang maagaw ang inisyatiba at mapahupa ang mga batikos kay Macapagal-Arroyo bunsod ng pag-aasta niya ngayong "angat sa pulitika."

Ngunit hindi binabago ng bagong asta ni Macapagal-Arroyo ang patuloy na tumitinding girian ng iba't ibang paksyon ng naghaharing uri para maagaw ang poder sa 2004 o bago pa man nito. Maging sa hanay ng naghaharing pangkatin mismo'y umiigting ang maniobrahan at pag-aagawan sa inisyatiba at pamumuno.

Si Speaker Jose de Venecia ang pinakaaktibo sa mga maniobra sa bagong sitwasyon. Ang kanyang mga panukala ay nagbibigay kay Macapagal-Arroyo ng maluwag na atrasan sa harap ng lalong nagigipit na tayo niya at, sa gayon, siyang kinakagat ngayon ni Macapagal-Arroyo. Magkasabay na iniabante niya ang konstitusyon ("charter change" o cha-cha) at panukalang "gubyerno ng pambansang pagkakaisa." Para bigyang-diin ang kanyang panukala, nagbabala si De Venecia na kailangang tanggapin na ang kanyang mga panukala upang maiwasan ang kudeta.

Ang panukalang cha-cha ay maaaring may kasabay pa ring eleksyon sa 2004, o kaya magtatanggal na sa eleksyon sa 2004 "No Elections" (No-el) at magpapairal na muna ng isang gubyernong transisyunal hanggang sa 2007. Sa panahong ito'y mananatiling presidente si Macapagal-Arroyo upang makaiwas na sumugal sa eleksyong 2004 na malamang ay di rin naman niya maipagwawagi. Maluwag pa ang mga opsyon kaakibat ng cha-cha, matuloy man ang eleksyon sa 2004.

Bagamat hindi tahasang sinabi ni De Venecia, sa panukalang pagbabago ng konstitusyon ay litaw ang ambisyon niyang maging prime minister sa ilalim ng panukalang sistemeng parlamentaryo.

Para makuha rin ang basbas ng US, nilalaman din ng panukalang cha-cha ang pagdaragdag ng mga probisyong magpapasahol sa imperyalistang dominasyon sa Pilipinas, kabilang na ang pagpapahintulot sa mga dayuhan na makapag-ari ng lupa sa bansa.

Ayon naman sa panukalang "gubyerno ng pambansang pagkakaisa," palalahukin sa gabinete ang iba't ibang grupong pulitikal, kabilang ang oposisyon, mga grupong "civil society" at pati "mga grupong nasa Kaliwa, Kanan at mga sesesyunista," upang magkaroon ng mas malawak na base ang gubyerno at masuhayan ang dumadaudos na tiwala sa gubyerno.

Inirekomenda ni De Venecia si Kasamang Jose Ma. Sison para kumatawan sa Kaliwa. Ang panukalang isama si Sison ay tahasan nang ibinasura ni Macapagal-Arroyo.

Anu�t anupaman, kinakailangang magkaroon ng malinaw na prinsipyadong batayan ng pagkakaisa. Gayundin, kailangan ng malaking pagbabago sa mga patakaran ng gubyerno sa direksyong mas katanggaptanggap at kapaki-pakinabang sa masa ng sambayanan. Kung wala ito, ang paglahok sa tinatawag na "government of national unity" ng mga lider rebolusyonaryo ay makapagbibigay lamang sa gumegewang na gubyernong Macapagal-Arroyo ng kredibilidad, karagdagang buhay at puwang upang ipagpatuloy at pag-ibayuhin pa ang mga papet, mapanupil at bulok na mga patakaran at palakad nito.

Makabubuti kung ang panukala para sa "government of national unity" ay magbibigay-daan sa muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Tungo rito, kailangan niyang baligtarin ang mga patakaran at palakad ng kanyang gubyerno na sumagasa sa usapang pangkapayapaan. Kabilang sa mga ito ang todo-todong gera laban sa BHB at rebolusyonaryong baseng masa; pagbawi nito at ng US sa bansag na "terorista" sa Partido, NDF, kay Kasamang Sison at iba pang rebolusyonarong lider at myembro ng NDF peace panel; muling pagpapatibay at pagpapatupad ng mga kasunduan sa pagitan ng NDFP at GRP; pagbasura sa burador na dokumento ng pagsuko na nasa anyo ng "isang-prosesong komprehensibong paketeng pangkapayapaan" at sa halip ay tumuloy na sa seryosong pagtalakay at pagsisikap na kamting muli ang pagkakaisa sa dati nang napagkaisahang apat-na-bahaging batayang adyendang pumapaksa sa mga reporma para sa kapakanan ng mamamayan.

Hindi pa rin pinapawi ng deklarasyon ng di-pagtakbo ang malaki pa ring posibilidad na "magbabago ang isip"ni Macapagal-Arroyo at babawiin niya ang kanyang deklarasyon � batay umano sa "kahilingan" ng kalagayan, tungkulin o mamamayan.

Habang nakaupo si Macapagal-Arroyo sa Malakanyang at walang nakikitang dramatikong pagbabago sa patakarang pakikinabangan ng bansa at malawak na masa, ang naturang deklarasyon ni Macapagal-Arroyo ay lalo pang magbubunsod ng pag-igting ng krisis ng naghaharing sistema, pag-iibayo ng mga protesta at pagtuligsa sa labis na antinasyunal, antidemokratiko at antimasang mga patakaran at palakad niya.

 


Previous articleBack to topNext article

Enero 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Lahatang-panig na isulong ang rebolusyon!

Rebolusyonaryong pagbubuwis:
Isang lehitimong gawain sa paggugubyerno

Matatagumpay na opensiba ng BHB
(ero)Planong 747:
Bagong bansag sa lumang gimik

(ero)Planong 747:
Bagong bansag sa lumang gimik

Mga pantastikong laman ng Plan 747

Krisis pang-ekonomiya:
Ilang estadistika ng krisis

Krisis pang-ekonomiya:
Salbabida

Krisis pang-ekonomiya:
Mahirap ang buhay ng mga DH sa Hongkong

Mga maniobra ni Macapagal-Arroyo hanggang 2004 at lampas pa rito
Karanasan sa Maynilad:
Kabulukan ng patakarang pribatisasyon

Karanasan sa Maynilad:
Mga pangakong napako

Pasismo ng Estado
Pasismo ng Estado:
"Huwarang berdugo"

Pasismo ng Estado:
Pagkamatay ng mga peryodista, pinaiimbestigahan ng Amnesty International

Pasismo ng Estado:
UN Rapporteur, nagulantang sa laganap na paglabag sa mga karapatan ng mga pambansang minorya

Lumalaganap ang mga kritikal na dokumentaryong video
Mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.