Bagong Trotskyistang Pangkat
Nitong Hulyo, isa pang dating galamay ni Lagman ang nagsarili at nagtayo ng sariling paksyon, bagay na nagpapatunay ng ganap nilang pagkabangkarote at malinaw na naglalarawan sa Trotskyistang diwa ng "kalayaan ng mga paksyon".
Si Sonny Melencio ang pinakamasugid na ahenteng lokal ng internasyunal na Trotskyismo. Mula sa pagiging hepeng tagapagpasunod ni Lagman, si Melencio ngayon ang pinuno ng Trotskyistang grupong tinawag niyang Liga Sosyalista.
Malaki ang papel ng dayuhang isponsor sa paglitaw at pagtayo ng bagong grupong Trotskyista. Si Max Lane, operatiba ng Trostkyistang Socialist Workers' Party ng Australia, ang prinsipal na taga-alaga, isponsor at tagatustos ni Melencio at mga proyektong Trotskyista nito.
Ang pagbubuo ng ligang Trotskyista ay resulta ng pagkabigo ng pangarap ni Max Lane na makatipon ng kahit anong anyo ng isang partido mula sa paghahalu-halo ng kultong Lagman, gangster na barkadang Tabara, "ABB" ni Sergio Romero at ilan pang grupong itiniwalag sa Partido at rebolusyonaryong kilusan noong 1992-93.
Ngayon, kasama ng mga Trotskyistang pinuno ng BISIG na matagal na ring aali-aligid at nangangarap na makapang-agaw ng pwersa at baseng masa ng huli, naobliga silang tumayo sa sarili at ilantad ang tunay nilang kulay�kahit ang mga elementong kanilang pwedeng angkinin ay hindi lamang mangilan-ngilan kundi labis-labis pa ang panghihina ng loob.
Higit pang kalunus-lunos ang pangkat ng ito kung ihahambing sa iba pang nag-astang tagapagligtas ng rebolusyon. Ang mga artikulo at pahayag nila sa kanilang pahayagang Progresibo ay malinaw na sumasalamin ng sala-salabat na magkakasalungat na teorya at pananaw tungkol sa kanilang grupo at mga layunin, huwag nang pag-usapan pa ang mga saligang katangian ng kasalukuyang lipunan at rebolusyong Pilipino.
Ang kanilang paksyon diumano ay produkto ng matitinding tunggalian sa loob ng kultong Lagman hinggil sa "patuloy na papakanang direksyon" ng pulitika ni Lagman. Matatandaang si Melencio, na ngayo'y umaastang tagapagtanggol ng Kaliwa, ay isa sa pinakamasugid na tagapagpalaganap ng Kanang oportunismo, sa partikular, ng Gorbachovismo noong katapusan ng dekada '80 at umpisa ng dekada '90.
Ipinagmamalaki nina Melencio ang kanilang pagtatakwil kay Lagman dahil diumano sa "indibidwalista at legalistang balangkas at aktibidad" ng huli. Pero sila mismo ngayon ay lulong sa parlamentarismo: ang kanilang kakarampot na pwersa ay tinitipon nila sa Liga Sosyalista, isang "lantad na pormasyong sosyalista" na "direktang makikialam sa larangan ng pulitika". Ang kanilang "kaliwang" partido, muli ay isang ligal na partidong pangeleksyon.
Mukhang hindi malinaw maging kay Melencio kung ligal o iligal sila. Inaangkin ng kanyang grupo ang ngalan ng "Metro Manila-Rizal Regional Party Committee" at "Alex Boncayao Brigade," na diumano'y "mangunguna sa pagpapanibagonglakas sa ideolohiya at paggawa ng programa ng partido sa balangkas na pulitiko-militar." Pero kaalinsabay, idinedeklara ng kanilang pahayagan na ang nasabing grupo ang siya ring nakatipon ngayon sa Liga Sosyalista, isang ligal na organisasyong nakaanunsyo ang mga lider, gayundin ang punong tanggapan.
Sa iba't ibang dako ng daigdig, ang mga Trotskyista ay bantog na mga manggugulo, mananabotahe at manghahati. Mahilig silang mag-astang mas kaliwete pa sa Kaliwa para pagtakpan at ilusot ang pinakamasahol na kolaborasyon at pakikipagsabwatan sa imperyalismo at reaksyon, laban sa tunay na proletaryong rebolusyon.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|