![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Ang naganap na eleksyon para sa presidente nitong Nobyembre 7 nina Al Gore (Democratic Party) at George W Bush (Republican Party) ang isa sa pinakamahihigpit sa kasaysayan ng US. Ang sarisaring mga maniobrang ligal at pakanang niluluto ng magkalabang partido upang mailuklok ang kanilang kandidato sa poder gayundin ang mga kritisismo at hinaing ng mamamayan sa prosesong elektoral sa US ay nagbunsod ng malawak n a kalituhan at kaguluhan ng takbo ng pulitika doon. Ganoon na lamang ang pukpukan ng Republican at Democratic Party dahil ang pinagpapasyahan ay kung sino ang magiging kinatawan at tagapangasiwa ng estado ng monopolyong burgesya sa US. Subalit kung tutuusin, bagamat may ilang pagkakaiba sa paraan at mga patakaran, nagkakaisa ang dalawang partido sa lahat ng pangunahing patakaran ng malaking burgesya laban sa proletaryo at mamamayang Amerikano at tungo sa lalong pagpapasidhi ng imperyalistang pang-aapi sa mamamayan sa buong mundo. Sa larangan ng kalakalan, kapwa nananawagan ang dalawa para sa ibayong "globalisasyon". Buung-buo ang kanilang pagsuporta sa North America Free Trade Agreement at sa mga pang-ekonomyang blokeng pinaghaharian ng US. Kapwa silang nanawagan para sa pagbubukas ng pamilihan ng Tsina upang malayang makapagtambak ng sobrang produkto mula sa US. Nagkakaisa rin silang maglaan ng subsidyo sa mga produktong agrikultural kahit labag sa GATT, upang maibaba ang presyo nito at patayin ang lokal na sektor ng agrikultura ng Tsina at iba pang bansang pinagtatambakan nito. Bagamat mas agresibo ang tono ni Bush hinggil sa patakarang panlabas ng kanyang magiging administrasyon, pareho ang kanilang magiging pakikitungo sa North Korea, Iraq, Russia, Palestine at iba pang estadong itinuturing ng imperyalismong US na "nakababahala". Nagkakasundo silang ibayong palakasin ang kanilang militar upang epektibong "makapagpulis" sa mundo, supilin ang mamamayan at estadong sumusuway sa mga imperyalistang dikta at muling pagkalooban ng bilyong dolyar na mga kontrata ang malaking negosyong industriyal-militar. Walang pagkakaiba ang kanilang patakaran ng pang-uupat, panggugulo at lantarang panghihimasok sa mga bansang nakataya ang kanilang imperyalistang interes. Bilang mga kinatawan ng monopolyong burgesya ng US, todo-todong sinusuportahan ng dalawang partido ang mga dambuhalang monopolyong korporasyon sa pamamagitan pangunahin ng pagbawas sa buwis habang pinaiigting ang pagsasamantala ng mga ito sa proletaryong Amerikano at mga inaaping mamamayan sa buong mundo. Sa pangkalahatan, walang iminumungkahing malaking paglihis ang dalawang partido sa kasalukuyang patakaran ng administrasyong Clinton. Parehong kinikilala ng dalawa ang "walang kaparis" na pag-unlad ng ekonomyang US at kapwa nilang ipinapangako sa mamamayan na patuloy nilang itataguyod ang mga patakarang nagbunsod dito. Ito ay sa kabila ng katotohanang palalim nang palalim ang krisis na ibinunga ng mga ito at dumaranas ng masidhing karukhaan ang bilyun-bilyong mamamayan hindi lamang sa US kundi pati sa mga neokolonya nito. ![]()
| ||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|