Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Ilantad at labanan ang mga maka-imperyalista at anti-mamamayang patakaran at hakbangin ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo

 Read this article in English

Higit na nalalantad ang reaksyunaryong katangian ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo sa magkakasunod na maka-imperyalista at anti-mamamayang hakbanging ipinatupad nito sa loob lamang ng nakaraang dalawang buwan. Kabilang sa mga isinagawa ng rehimen sa utos ng International Monetary Fund at World Bank ang mga sumusunod:

(1) Pagsasabatas nitong Hunyo 8 ng Power Reform Act. Itinatakda nito ang deregulasyon ng serbisyo sa kuryente at pagsasapribado ng National Power Corp. (NAPOCOR). Ipinaiilalim nito ang serbisyo sa kuryente sa kontrol ng mga pribadong dayuhan at kumprador na kumpanya. Ang napakalaking utang at pagkalugi ng NAPOCOR, at ang malaking tutubuin ng mga pribadong kumpanya sa kuryente ay ipapapasan nito sa mamamayan sa anyo ng karagdagang buwis at papataas na singil sa kuryente. Ang itinatakda ng batas na 30-sentimo bawat kilowatt-hour na pagbaba ng singil sa kuryente ay maliit na pampalubag-loob na madali ring mababawi oras na malubos ang deregulasyon.

(2) Pagpapahintulot na muling itaas ang presyo ng langis. Nagtaas ng presyo ang kartel sa petrolyo noong Mayo 25 at nagbabadya ang muling pagtataas ng presyo ng petrolyo. Sa pagsabing "hindi ako makikiusap sa mga kumpanya ng langis", tahasang sinuportahan ni Macapagal-Arroyo ang Oil Deregulation Law na nasa likod ng walang-tigil na pagtataas sa presyo ng langis.

(3) Pagpapahintulot na itaas ang singil sa tubig ng Maynilad Water Services. Ito ay upang bigyang-pagkakataon ang huli na makabawi sa malaking pagkakautang at makapagpalaki ng tubo. Pinalalabas na binawi ng Malakanyang ang Hunyo 9 Memorandum of Cooperation na sumang-ayon sa biglaang pagtataas sa singil ng Maynilad nang P5 bawat metro kubiko. Bunga ito ng matinding protesta ng mamamayan. Itutuloy pa rin ang pagpayag rito, pero gagawing unti-unti na lamang.

(4) Pagsasapribado ng pamamahala sa pondo ng Social Security System (SSS). Dulot nito, ang pinaghihirapang impok ng mga manggagawa at empleyado para sa kanilang seguridad at kagalingan ay magsisilbing palabigasan na lamang ng mga bwitreng malaking kapitalistang dayuhan at lokal na mamamahala sa pondong ito.

Ipinagpaliban ni Macapagal-Arroyo ang mga hakbanging ito noong eleksyon upang hindi itakwil ng mamamayan ang kanyang mga kandidato. Kagyat makaraan ang eleksyon, sunud-sunod nang isinagawa ng Malakanyang ang mga ito.

Ang mga hakbanging ito ay tanda ng pagiging masugid na tagapagtaguyod ni Macapagal-Arroyo sa mga interes ng malalaking kapitalistang dayuhan at mga utos ng IMF-WB. Kung tutuusin, pawang pagpapatuloy lamang ang mga ito ng anti-mamamayang programang pang-ekonomya ng rehimeng US-Estrada at iba pang sinundan nilang rehimen. Alinsunod ang mga ito sa imperyalistang patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon na ipinapataw ng IMF-WB sa mga neokolonya tulad ng Pilipinas. Ginamit na pamain ng IMF-WB ang ibinibiting pagpapautang nila ng Asian Development Bank at ng Export-Import Bank of Japan ng halos isang bilyong dolyar. Desperado ang rehimen para sa utang na ito upang mapunan ang kasalatan sa pondo at ang patuloy na lumalaking depisit sa badyet ng gubyerno.

Ang tindi ng krisis pang-ekonomya na lumiligalig sa rehimen ang nagtulak dito na madaliin ang nasabing mga hakbangin.

Ngunit lalo lamang palalalain ng mga ito ang krisis. Isinasakripisyo ng mga ito ang interes ng mamamayan. Sa kapinsalaan ng mamamayan, sobra-sobrang tubo ang kakamkamin ng malalaking dayuhan at lokal na kumpanyang makikinabang sa mga hakbanging ito. Namemeligro rin ang seguridad sa trabaho ng laksa-laksang manggagawa at empleyado sa mga isinasapribadong ahensya ng gubyerno.

Ibayong tumitingkad ang militarismo at pagkapapet ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo. Sa gabay ng imperyalistang amo nito, pinakawalan ang mga pasistang tropa upang sugpuin ang paglaban ng mamamayan at hadlangan ang mabilis na lumalakas na rebolusyonaryong kilusan. Libu-libong mamamayan ang binibiktima ng kontra-rebolusyonaryong digma ng rehimen.

Kinakitaan ng malakas na tunguhing militarista ang rehimeng US-Macapagal-Arroyo sa kasalukuyan nitong kampanya laban sa Abu Sayyaf, nang pinalutang nito ang panukala ng pagdedeklara ng batas militar o state of emergency sa prubinsya ng Basilan (at maging sa mga kanugnog na isla) kung saan nagaganap ang mga sagupaan sa pagitan ng AFP at ng bandidong grupo. Tahasan ang paghikayat ng mga upisyal ng gubyerno at lider-militar ng mga bayarang impormer, pribadong hukbo at mga grupong vigilante. Walang pakundangan sa kapakanan ng masa ang lupit ng mga operasyong militar laban sa bandidong grupo. Palatandaan ang mga ito ng patuloy na pamamayani ng mga militarista sa loob ng rehimen at ng papalaking pagkiling ng rehimen sa solusyong militar.

Kinakasangkapan ng rehimen ang popular na galit ng masa laban sa bandidong grupong Abu Sayyaf upang tangkaing ilusot ang mga militaristang patakaran at mga pasistang "espesyal na hakbanging ligal". Kabilang dito ang lalong pagpaparami at pagpapalakas ng CAFGU at muling pagpapanukala ng sistemang National ID. Ang mga hakbanging ito ay itinutulak ng rehimen upang gamitin, hindi lamang sa pagsugpo sa kriminal na Abu Sayyaf, kunaldi laluna, laban sa rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan.

Ang kampanyang militar laban sa Abu Sayyaf ay ginagamit din upang engganyuhin at bigyang-katwiran ang panghihimasok ng gubyernong US. Mahigpit ang koordinasyon ng AFP at ng mga ahente ng Federal Bureau of Investigation sa mga operasyong inilulunsad sa Basilan.

Walang pangingiming itinataguyod ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang neokolonyal na katayuan ng Pilipinas sa relasyon nito sa imperyalismong US. Aktibo nitong ipinatutupad ang mga di pantay na kasunduang nagpapatibay sa ganitong relasyon, kabilang ang Mutual Defense Treaty at ang Visiting Forces Agreement.

Sa ngalan ng "pagtutulungan", ginamit ng libu-libong tropang Amerikano ang Pilipinas bilang lunsaran ng kanilang dalawang magkasunod na malalaking pagsasanay-militar - ang Balikatan 2001 noong Mayo at CARAT 2001 nitong Hunyo.

Ang matinding pananalakay ng AFP at PNP sa mga larangang gerilya ng Bagong Hukbong Bayan ay nagbubunga ng maraming kaso ng paglabag sa mga karapatang-tao, pati na sa mga makataong alituntunin ng digma,� sa iba't ibang bahagi ng bansa.

Tampok ang malawakang operasyon at pang-aabusong militar na inilulusad ng AFP at PNP sa malaking bahagi ng Timog Katagalugan. Lalo ito sa Mindoro at mga kanugnog na lugar kagyat pagkatapos ng pagpapalaya ng Bagong Hukbong Bayan sa bihag ng digmang si Army Maj. Noel Buan. Gayundin sa Gitnang Luzon, kung saan naglunsad ang AFP ng mababangis na operasyong militar upang hawanin ang lugar para sa katiwasayan ng mga tropang US na kalahok sa nabanggit na mga pagsasanay-militar. Sa isang operasyong militar sa Tarlac, minasaker ng AFP ang tatlong sibilyang pinaratangang mga Pulang mandirigma.

Ang paglalantad ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo sa sarili ay naghahatid ng isang mahalagang aral na dapat ipabatid sa mamamayan: Walang pinag-iba ang kasalukuyang rehimen sa pagkapapet at pagka-reaksyunaryo. Wala sa pagsasalin-salin ng mga reaksyunaryo at papet na rehimen ang kalutasan ng malaon na nilang dinaranas na kahirapan at pagkaapi. Bagkus, ito'y nasa saligang pagbabagong panlipunan na makakamtan lamang sa pamamagitan ng rebolusyonaryong paglaban.

Bilang kasalukuyang pangunahing tagapagtaguyod sa interes ng imperyalismo at ng lokal na mga mapagsamantalang uri, nasa rehimen ngayon ang mabigat na pananagutan sa higit na kahirapan at kaapihang pinapasan ng mamamayan. Kaugnay nito, kailangang puspusan at tuluy-tuloy na ilantad at labanan ang mga maka-imperyalista, reaksyunaryo at anti-mamamayang katangian, mga patakaran at hakbangin ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo.

 


 Back to topNext article

Hunyo 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ilantad at labanan ang mga maka-imperyalista at anti-mamamayang patakaran at hakbangin ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo
Power Reform Act:
Nagbibigay-daan sa higit na dayuhang dominasyon sa ekonomya

Singil sa serbisyong tubig, tataas
Pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo:
Patuloy na pagkakamal ng superganansya ng mga dambuhalang kumpanya ng langis

Pananalanta ng pasistang estado:
Sa ikalawang kwarto ng taon

Mga Ulat Koresponsal:
Tinuligsa, tumitinding militarisasyon sa Oriental Mindoro

Mga Ulat Koresponsal:
Makatarungan ang pagpaparusa kina Mayor Platon at Rep. Punzalan -- Melito Glor Command

Pagsuspinde ng GRP sa usapang pangkapayapaan, binatikos ng NDFP
Bwitre ng Cagayan
Col. Aguinaldo, pinarusahan ng BHB

Hudyat sa pag-iibayo ng pandaigdigang pakikibaka:
Pandaigdigang liga sa pakikibaka ng mga mamamayan, itinatag

Mga balita ng pakikibaka
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.