Pandarambong ng mga Marcos, ibinabaon na sa limot
Napawalang-saysay na ang halos lahat ng mga kasong isinampa laban sa pamilyang Marcos at mga kroni nila. Nanganganib na mabawi rin nila ang kanilang nakaw na yaman. Dahil ito sa pagkukutsabahan sa pagitan ng mga Marcos at ng gubyerno, sadyang kapabayaan at katiwalian sa panig ng mga nasa gubyerno at mga tagausig at mga maniobra ng kampo ng mga Marcos.
Nagbabagal-bagalan ang Presidential Commission on Good Government (PCGG), ang komisyong binuo noong 1986 upang pangasiwaan ang pagbawi sa mga nakaw na yaman ng mga Marcos. Karamihan naman ng mga kaso laban kay Imelda Marcos at mga kroni ng kanyang asawa ay ibinasura na ng Ombudsman.
Dahil umano sa kakulangan sa mga ebidensyang magpapatunay na nakuha sa kriminal na pamamaraan ang mga yaman, binawi na ni Dieter Jann, district attorney at investigating magistrate sa Zurich, Switzerland, ang pag-ipit sa mga nakaw na yaman na idineposito ng tatlong kroni ni Marcos sa mga bangkong Swiss. Bagamat ang pagbawi ng restriksyon sa paggalaw sa mga deposito ay wala pang basbas ng Swiss Federal Council na siyang nagpataw ng pag-ipit sa mga deposito sa bangko, dalawang ulit na itong ipinatupad ni Jann - noong Enero 6 at Marso 12. Saklaw nito ang di bababa sa $17 milyong deposito ng dating Energy minister ni Ferdinand Marcos na si Geronimo Velasco, ang pamangkin niyang si Alfredo de Borja at ang kanyang sekretaryang si Carmencita Clavecilla. Nawawala sa upisina ng PCGG ang mga dokumentong ebidensya laban kay Velasco.
Dahil sa kabi-kabilang batikos, dali-daling naghabol ang PCGG ng mga petisyon upang ibalik ang mga restriksyon sa mga deposito ng tatlong kroni ni Marcos.
Umaabot na sa 92 kaso ang ibinasura ng Ombudsman mula sa 111 kasong kriminal na isinampa ng PCGG laban kay Imelda Marcos, kabilang ang mga ibinasura ni Ombudsman Aniano Desierto sa ilalim ng kasalukuyang rehimen. Batay ito sa pinagsamang listahan ng Overall Deputy Ombudsman at ng Head Executive Assistant of the Ombudsman.
Nitong huli, si Imelda Marcos at tatlo pang upisyal ng nabuwag nang Ministry of Human Settlements (MHS) ay pinawalang-sala ng Sandiganbayan sa dalawang kaso ng pangungurakot ng P97.95 milyon mula sa P100 milyong pondo ng MHS na nakalaan sa Kilusan Para sa Sariling Sikap. Kabilang sa mga napawalang-sala sa kasong isinampa noon pang 1987 ay sina MHS Dep. Minister Jose Conrado Benitez, assistant manager for finance Gilbert Dulay at assistant manager for regional operations Roberto Zagala. Ni hindi man lamang tumutol ang Ombudsman sa petisyon ng mga Marcos na ibasura ang kaso dahil kulang umano ang ebidensya upang mahatulan ang nasasakdal.
Nadismis din ang kaso ng mag-asawang Bakunawa sa Masbate, mga dating tauhan ni Imelda, kaugnay ng 100 ektaryang lupain na ibinigay noon ni Imelda sa kanila na inaangkin naman ng mga magsasaka roon.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|