GMA: Desperadong kumakapit sa poder
�Parang bayawak na ayaw magpahila mula sa kanyang lungga.� Ganito ang paghahambing na ginawa ni Gregorio �Ka Roger� Rosal, tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas sa pagmamatigas at desperadong pagkapit sa poder ni Gloria Macapagal-Arroyo sa harap ng lumalaganap at lumalakas na panawagan para sa kanyang pagpapatalsik.
Sa panayam ng Ang Bayan, tinuligsa ni Ka Roger ang ala-Marcos na pambubuwag sa mga aksyong protesta na naggigiit na ilabas ang katotohanan tungkol sa kaso ng milyun-milyong pisong deposito ni �Jose Pidal� at nananawagan para sa pagpapatalsik kay Arroyo mula sa Malakanyang.
Kasalukuyang iniimbestigahan sa senado ang kasong kinasasangkutan ni Miguel Arroyo, asawa ni Gloria, na pinaghihinalaang gumamit sa pangalang �Jose Pidal� upang itago ang milyun-milyong nakukulimbat ng mag-asawang Arroyo mula sa korapsyon at mga kontribusyon sa nakaraang eleksyon. Dalawang linggo matapos ibulgar ni Sen. Panfilo Lacson ang kaso, lumitaw sa publiko si Ignacio Arroyo, na nagsabing siya si �Jose Pidal� upang pagtakpan ang kanyang kapatid.
�Nanginginig ang tuhod ni Gloria sa tuwing naririnig ang yabag ng mga nagmamartsang mamamayan at sa takot na tumungo ang kilusang anti-korapsyon sa isang higanteng pag-aalsa na magpapatalsik sa kanya sa poder.� Ayon kay Ka Roger, ipinatutupad ngayon ang patakarang �minimum tolerance� o hindi pagbibigay ng puwang sa mga demonstrasyon. Plano rin ng pulisya na gumamit ng rubber bullets laban sa mga demonstrador, ayon kay Gen. Ricardo de Leon ng PNP Community Relations Office. �Ang walang habas na pambabatuta ng mga pulis laban sa mga demonstrador ay pagsunod sa tuwirang utos mula sa Malakanyang,� ani Ka Roger. Nitong mga nagdaang araw, halos lahat ng rali sa Makati at Maynila ay marahas na binuwag ng mga pulis na nagresulta sa pagkasugat ng maraming mga demonstrador.
�Nagkakamali si Arroyo sa pag-aakalang ang ganitong marahas na pagsupil sa mga demonstrasyon ay makapipigil sa lumalakas at lumalaganap na kilusan laban sa korapsyon. Habang lalong pinatitindi ni Arroyo ang pagsupil sa demokratikong karapatan ng mamamayan na magtipon at magpahayag, lalo ring titindi ang kanilang kapasyahan na patalsikin si Arroyo sa poder,� ani Ka Roger.
Binatikos din ni Ka Roger ang iba�t ibang mga hakbangin at maniobra ni Arroyo na busalan ang ginagawang imbestigasyon tungkol sa mga kaso ng korapsyong kinasasangkutan nilang mag-asawa. Noong nakaraang linggo, ibinulgar ng ilang mga senador na pinepresyur sila ng Malakanyang na itigil na nila ang imbestigasyon sa kasong �Jose Pidal�. Subalit tinututulan ng mga senador ang presyur na ito ng Malakanyang sa harap ng mas malakas na panawagan na ituloy ang imbestigasyon at pagnanais ng mamamayan na malaman ang katotohanan tungkol sa kasong �Jose Pidal�.
Bago ito, iginiit ni Ignacio Arroyo ang kanyang karapatan sa �privacy� o karapatang hindi ibulgar sa publiko ang kanyang pribadong buhay at mga negosyo. Dahil malinaw kahit sa bulag ang mga gustong pagtakpan ni Ignacio Arroyo lalo lamang napaghahalata na maraming itinatagong katiwalian ang magkapatid at mag-asawang Arroyo.
Samantala, nagkukumahog si Gloria Arroyo na kunin ang suporta ng US. Naghahanda ito ngayon ng magarbong salubong sa pagdating ni Presidente George W. Bush ng US sa darating na Oktubre 18. Muling pinatatampok ni Arroyo ang kanyang walang kahihiyang pagkatuta sa US at bulag na pagsuporta sa pananalakay ng US sa Iraq at Afghanistan at sa lumalalim at lumalaganap na armadong interbensyon ng US sa Pilipinas.
Ayon kay Ka Roger, nais ni Arroyo na gamitin ang darating na pagbisita ni Bush upang basbasan ang pananatili niya sa poder at pagtibayin ang kanyang balak na tumakbo sa darating na halalan. �Nais ni Arroyo na ipakita kay Bush na sa lahat ng tuta ng imperyalismong US, siya pa rin ang karapat-dapat na suportahan ng imperyalismong US.�
|