Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga Balita

 Read this article in English

Istasyon ng PNP, detatsment ng militar sa Agusan Sur, sinalakay

Nireyd nitong Oktubre 8 ng 25 Pulang mandirigma sa ilalim ng Fr. Frank Navarro Command ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang himpilan ng PNP sa Doa Maxima, San Luis, Agusan del Sur at isang kalapit na detatsment ng Philippine Army. Ayon sa Lingkawas, rebolusyonaryong pahayagang masa sa Hilaga-Silagang Mindanao, matagumpay na naisagawa ang reyd sa himpilan ng PNP sa loob ng 20 minuto nang hindi man lamang nagpapaputok ang BHB. Pagkatapos nito ay tumungo ang BHB sa detatsment ng militar na noo�y walang bantay.

Sinimulan ang reyd sa istasyon ng PNP sa pagdisarma ng mga Pulang mandirigma sa mga gwardya sa labas habang ginaganap ang flag ceremony. Pagkatapos nito ay mabilis na pinaligiran ng BHB ang istasyon at dinisarmahan ang iba pang tropa ng PNP. Nasamsam mula sa istasyon ng PNP ang siyam na M16, dalawang M14, dalawang .45, isang pistolang 9 mm, mga bala, isang kamera at isang radyong pangkomunikasyon.

Hindi kaagad nakapagtawag ng reimporsment ang mga nadisarmahang pulis dahil kinumpiska rin ng mga Pulang mandirigma ang gamit pangkomunikasyon sa himpilan.

5 sundalo patay, 2 sugatan sa ambus sa Bukidnon

Limang sundalo ang napatay at dalawa ang sugatan nang tambangan ng mga gerilya ng BHB ang isang platun ng 10th Special Forces Company ng Philippine Army. Kabilang sa mga napatay ang mismong kumander ng naturang kumpanya na si Capt. Apollo Palasula. Nagpapatrulya ang mga sundalo nang ambusin sila sa Upper Balaas, Barangay Mabuhay, San Fernando, Bukidnon nitong Oktubre 27.

Hepe ng PNP Tarlac, inambus ng BHB

Matagumpay na inambus ng BHB ang hepe ng Police Mobile Group ng prubinsya ng Tarlac na si Chief Supt. Arturo Tabustan nitong Oktubre 29. Papunta si Tabustan sa kanyang upisina nang tambangan ng mga Pulang mandirigma sa La Paz, Tarlac, bandang alas-7 ng umaga ng araw na iyon.

Plantasyong multinasyunal pinarusahan

Pinarusahan ng BHB nitong Oktubre 20 ang Stanfilco, isang dambuhalang plantasyon ng mga saging na pang-eksport, sa Barangay Buhay, Makilala, North Cotabato. Ang Stanfilco ay pag-aari ng Dole Philippines, isa sa pinakamalalaking multinasyunal na pang-agribisnes sa buong mundo. Sinunog ng BHB ang isang bodegang may lamang 80 kahon ng mga saging na pang-eksport, tatlong timbangan at isang traktora.

Major ng AFP, patay sa sariling reyd sa Nueva Ecija

Isang upisyal ng AFP ang namatay matapos niyang pamunuan ang pagkubkob sa hinihimpilan ng mga Pulang mandirigma nitong Oktubre 8 sa Barangay Conversion, Pantabangan, Nueva Ecija.

Malubhang nasugatan hanggang sa tuluyang namatay si Maj. Roger Eligino, upisyal sa operasyon at paniktik ng 54th IB at myembro ng Philippine Military Academy Class 1984.

Matapos mamatayan ng pinuno, nagwala ang mga kawal ng 54th IB at pinagbalingan ng galit ang mga mangingisda sa naturang barangay.

NDFP, bumati sa ika-73 anibersaryo ng Communist Party of Peru-Patria Roja

Binati ng NDFP ang Communist Party of Peru (Patria Roja o Red Fatherland) sa ika-73 anibersaryo nito nitong Oktubre 7. Ayon sa pahayag ng NDFP, walang pinag-iba ang sitwasyon sa Peru at Pilipinas. Ang mamamayan ng dalawang bansa, anito, ay kapwa nag-aadhika na magtagumpay na ang pambansa-demokratikong rebolusyong tumatanaw sa sosyalismo, gayundin ang paglaban sa imperyalismong US. Pinuri ng NDFP ang mga komunistang Peruvian sa matatag na pagsusulong ng rebolusyon.

Mga magsasaka at mangingisda, kumilos laban sa WTO

Inilunsad ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang "Buwan ng mga Magsasaka" ngayong Oktubre sa pamamagitan ng serye ng mga aksyong masa sa buong kapuluan na tumuligsa sa imperyalismo bilang dambuhalang salot sa mga magsasaka�t mangingisda.

Sa Metro Manila, tangan ang islogang "JUNK WTO", naglunsad ng isang demonstrasyon ang halos 2,000 myembro ng KMP, Pambansang Samahan ng mga Mamamalakaya (PAMALAKAYA) at iba pang mga grupong magsasaka mula sa Cagayan Valley, Gitnang Luzon at Timog Katagalugan nitong Oktubre 18 sa tapat ng tanggapan ng Department of Agriculture (DA). Tinutulan nila ang masugid na pagsunod ng Pilipinas sa mga patakaran ng World Trade Organization (WTO) na nagreresulta sa dislokasyon ng daan-daan libong magsasaka�t mangingisda, nagsisilbing banta sa seguridad sa pagkain ng bansa, kumikitil sa lokal na produksyon sa agrikultura at nagdudulot ng iba pang anyo ng pasakit sa mga magbubukid.

Kinabukasan, nagmartsa patungong Morayta ang mga magsasaka upang sumanib sa mas malaki pang bilang ng multisektoral na pormasyon. Tumuloy sila papalapit sa Malakanyang at itinambol ang pagtutol sa WTO at ang panawagan para sa pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo. Pagkatapos, dumiretso ang mga nagmartsa sa embahada ng US upang iprotesta ang imperyalistang pandarambong at ang digmang agresyon laban sa Afghanistan.

Nitong Oktubre 18 at 19, inilunsad rin ang ikalawang Church Peasant Conference kung saan sa kauna-unahang pagkakatao�y aktibong lumahok ang mga obispo, pari�t madre ng Kamaynilaan sa pagtalakay ng mga isyung kinakaharap ng mga magsasaka sa bansa.

Nagdaos din ng mga aksyong masa ang mga magsasaka, mangingisda at iba pang mga sektor sa iba�t ibang rehiyon:

Cagayan Valley. Naglunsad ng Dalawang Linggong Protesta ng mga Magsasaka ng Cagayan Valley Laban sa Pangangamkam ng Lupa, Militarisasyon at Imperyalistang Pandarambong sa Agrikultura.

Nitong Oktubre 10, ginanap sa Barangay Sta. Maria, Cauayan, Isabela ang dayalogo ng Anti-Coal Mining Movement of Isabela, DENR at lokal na gubyerno hinggil sa panibagong iskema ng pagmimina ng karbon sa mga bayan ng Cauayan, Benito Soliven at Naguilian, Isabela. Sa dayalogo na dinaluhan ng mahigit 350 magsasaka, guro, estudyante at taong simbahan mula sa tatlong bayan, muling inirehistro ng mamamayang Isabeli�o ang pagtutol sa mapanirang proyektong ito.

Nitong Oktubre 16, nagdaos ng rali ang mga 500 taong simbahan, magsasaka at iba pang militante laban sa pagtatanim ng Monsanto (isang imperyalistang kumpanyang agribisnes) ng Bt-corn sa Isabela. Sinundan ito ng mobilisasyon nitong Oktubre 23 sa tapat ng mga upisina ng DAR at DENR na dinaluhan ng 1,000 katao.

Inilunsad rin ang Unang Kongreso ng Danggayan dagiti Mannalon ti Cagayan Valley (Danggayan CV) noong Oktubre 20-22 sa St. Ferdinand College, Ilagan, Isabela. Dinaluhan ito ng 45 na mga delegado mula sa Cagayan, Isabela at Nueva Vizcaya. Nakipagdayalogo rin ang 15 lider magsasaka ng Danggayan CV sa mga upisyal ng pambansang upisina ng DAR at DENR. Naghapag sila ng 11 matitingkad na kaso ng problema sa lupa. Kabilang dito ang malawakang pangangamkam ng lupa sa Sandoval Estate, Hacienda San Antonio-Sta. Isabel, Cagayan Economic Processing Zone Authority, Dimzon-Zulueta Estate at Roque Estate; at ang patuloy na pagkait ng karapatan sa lupa ng mga magsasaka sa malalaking asyenda sa Benito Soliven at Roxas, Isabela at sa Sto. Ni�o at Baggao, Cagayan.

Nagrurok ang kampanyang magbubukid sa Cagayan Valley sa isang piket-rali at dayalogo sa DAR at DENR Region 2 na ginanap sa Tuguegarao City nitong Oktubre 23. Mahigit sa 120 na mga magsasaka mula sa Cagayan, Isabela at Nueva Vizcaya ang lumahok sa pagkilos.

Gitnang Luzon. Naglunsad ng Sakbayan nitong Oktubre 18 ang may 1,300 myembro ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon mula sa Angeles City hanggang sa tanggapan ng Department of Agrarian Reform sa Quezon City. Ipinanawagan nila sa rehimeng Macapagal-Arroyo ang pagdagdag nang P15 sa subsidyo sa palay.

Timog Katagalugan. Naglunsad ng piket ang may 550 kasapi ng Kalipunan ng Samahan ng mga Magsasaka sa Timog Katagalugan noong Oktubre 18 sa harap ng Department of Defense sa Quezon City. Iginiit nila ang paghugot ng Task Force Banahaw mula sa rehiyon. Kinagabihan ay lumahok sila sa rali sa Malakanyang at sa embahada ng US.

Bikol. Lumahok ang may 500 myembro ng KMP-Bikol sa tatlong-araw (Oktubre 16-18) na pagkakampo sa labas ng upisina ng DA sa Camarines Sur. Pagsapit ng Oktubre 19, umabot sa 5,000 ang nagrali sa tapat ng naturang upisina.

Kabisayaan. Noong Oktubre 19-21, inilunsad ng 5,000 myembro ng KMP-Cebu ang Lakbayan/Sakbayan. Nagkaroon ng "Lugaw alang sa kalinaw" (lugaw para sa kapayapaan) noong Oktubre 20. Ang huling araw ng mga aktibidad ay kinatampukan ng isang saklaw-rehiyong dayalogo ng mga pesante. Naglunsad ng mga martsa-rali mula sa iba�t ibang dako ng Cebu. Nagtipun-tipon ang mga nagrali upang tunghayan ang pinakahuling aktibidad�isang dula na nagsalarawan ng makasaysayang pakikibaka ng mamamayang Pilipino laban sa mga kolonisador at mga mangangamkam-lupa ng kasalukuyang panahon.

Samantala, 1,000 myembro ng FIFA ang nagpiket sa tapat ng upisina ng DA sa Iloilo City.

Mindanao. Nitong Oktubre 19, nagrali ang may 1,500 kasapi ng KMP-Cotabato sa tapat ng upisina ng DENR sa sentro ng Cotabato City. Naglunsad naman ng martsa-rali ang may 2,000 myembro ng KASAMA Bukidnon sa Valencia, Bukidnon. Nitong Oktubre 17, nagtipon ang may 2,000 myembro ng KMP, Masipag, Bagong Alyansang Makabayan at iba pang militanteng grupo sa Central Mindanao University sa Maramag, Bukidnon upang tutulan ang field-testing ng Bt-corn doon. Binuo nila ang isang alyansa laban sa pagpapapasok o pagtatanim ng genetically modified organisms (GMO) sa kanilang lugar. Bago nito, 500 kasapi ng KASAMA Bukidnon ang nagpiket sa tapat ng upisina ng DA sa Cagayan de Oro.

P30 cost-of-living allowance kinundena ng mga manggagawa

Nagsagawa ng malaking protesta nitong Oktubre 25 ang libu-libong manggagawa at kawani ng gubyerno upang kundenahin at itakwil ang inaprubahang P30 karagdagan Cost of Living Allowance (COLA) sa Metro Manila. Anila, isa itong insulto sa mga manggagawa at kawani sa harap ng pagtindi ng kahirapan at kawalan ng hanapbuhay.

Ang kakarampot na umento sa sahod ay iniutos sa harap ng pagharang ng mayorya sa Kongreso at Senado at ng mismong Malakanyang sa panukalang batas para sa P125 across-the-board na dagdag sa sahod (HB No. 2605). Ito�y sa kabila ng pag-apruba ng House Committee on Labor and Employment noong Oktubre 24 sa HB No. 2605 na isinampa ng mga kongresistang kinatawan ng Bayan Muna.

Nagmartsa ang mga manggagawa patungo sa Mabuhay Rotonda ng Quezon City kung sila saan sinalubong ng mga maralitang-lunsod, kababaihan, kabataan-estudyante at iba pang demokratikong sektor. Tangan ng mga demonstrador ang mga bandila, plakard at istrimer na pumaligid sa isang dambuhalang effigy na nagpapakita kay Gloria Macapagal-Arroyong sumasakay sa isang tangkeng militar. Anila, mas binibigyang-halaga pa ng rehimen ang mapanalantang kampanyang militar ng US sa halip na makinig sa hinaing ng mga manggagawang Pilipino.

Napakaliit na nga ng P30 COLA, hulugan pa ang pagbibigay nito�kalahati sa Nobyembre at ang ikalawang hati sa Pebrero 2002. Itinakda rin na ang susunod na pagtataas sa sahod ay sa Pebrero 2003 pa.

At napakalayo na nga sa P125 na makatarungang dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa, inireklamo pa ng Employers� Confederation of the Philippines ang P30 na umento. Nagbanta ito ng karagdagang tanggalan ng mga manggagawa bago mag-Disyembre.

Mga indikasyon ng krisis sa ekonomya

Tanggalan sa trabaho. Mula Enero hanggang Setyembre ng taong ito, 41,785 manggagawa ang tinanggal sa kanilang trabaho at 37,239 ang ipinailalim sa job rotation o pakikipagsalitan sa iba para sa iisang trabaho.

Utang ng gubyerno. Lumobo mula P2.26 trilyon ($43.68 bilyon) noong Hunyo tungong P2.3 trilyon ($44.4 bilyon) noong Hulyo ang pangkabuuang utang ng gubyerno. Ang P1.146 trilyon nito ay utang sa labas ng bansa.

Pagbagsak ng Philippine Stock Exchange (PSE). Ibayo pang bumagsak ang index (palatandaan sa halaga ng mga sapi) ng PSE sa 988.04, pinakamababa mula noong Oktubre 11, 1991. Bago nito, bumagsak nang 30% ang halaga ng pamilihan noong Oktubre 9. Itinuturing ngayon ang PSE bilang ikalawa sa pinakamatumal sa buong rehiyon ng Southeast Asia.

Lumalaking depisito sa badyet. Umabot sa P122.152 bilyon ang depisito sa badyet ng Pilipinas hanggang noong Setyembre. Lampas ito nang 1.6% sa target na depisito sa badyet ng Pilipinas para sa unang siyam na buwan ng 2001. Kumita ang bansa ng P405.982 bilyon o 0.9% mas mababa kaysa sa target, samantalang ang gastos ay umabot sa P528.134 bilyon.

Imbestigasyon kay Miguel Arroyo, inumpisahan

Nag-umpisa nitong Oktubre 10 ang imbestigasyon ng Senado kay Jose Miguel Arroyo, asawa ng presidente. Si Arroyo ay inaakusahang tumanggap ng P50 milyong suhol para bawiin ng kanyang asawa ang naunang pag-veto (o pagtanggi) sa isang panukalang batas na ipinasa ng Kongreso na nagpapahintulot sa pagkakaroon ng monopolyong prankisa para sa pangangasiwa sa interkuneksyon ng mga serbisyong pang-telekomunikasyon.

Iniimbestigahan din si Arroyo sa pagpapasimuno sa iligal na pagkuha ng P250 milyon mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office upang pondohan ang kampanya ng apat na kandidato ng People Power Coalition nitong nakaraang eleksyon.

Imelda Marcos, nakalusot na naman

Muling nakalusot sa pagkakakulong si Imelda Marcos. Nitong Oktubre 17 ay ipinadakip na ito ng Sandiganbayan sa kasong katiwalian subalit siya�y nakalaya kapalit ng pyansang P120,000. Kaugnay ito ng pagtatatag ng mga huwad na pundasyon noong dekada 1980 upang paglagakan ng may $230 milyong nakaw na yaman na nasa mga bangkong Swiss.

Bukod rito, ipinahayag ni Haydee Yorac, pinuno ng Presidential Comission on Good Government, na bukas na bukas itong makipag-areglo sa mga Marcos, ayon sa kahilingan ng mga ito. Inamin din mismo ni Macapagal-Arroyo, pagkaupong-pagkaupo pa lamang niya bilang presidente, na payag siyang makipagkompromiso sa mandarambong na pamilyang Marcos hinggil sa mga nakaw na yaman.

 


Previous articleBack to top 

Oktubre 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal: Pag-ibayuhin ang mga rebolusyonaryong pagkilos sa harap ng gerang agresyon ng US at ng tumitinding reaksyon
Ang digmang agresyon ng US sa Afghanistan
Ano ang Northern Alliance?
Tuluy-tuloy ang protesta sa Pilipinas laban sa digmang agresyon at reaksyon
Nagngingitngit na galit laban sa gubyernong US at UK
Mga Ulat Koresponsal: Mga suliranin ng mga magsasaka�t manggagawang bukid sa mga niyugan sa Kabikulan
Mga Ulat Koresponsal: Mga pakikibaka ng mamamayan laban sa Lepanto Mines
Mga Ulat Koresponsal: Rebolusyong agraryo sumusulong sa Cagayan Valley
Mga Ulat Koresponsal: Paglalabas ng Kalatas habang nasa gawaing masa
Sagot sa tuluy-tuloy na atake ng kaaway sa Gitnang Luzon: Puspusang pagtangan at pagpapakahusay sa pakikidigmang gerilya
Pagpaparami at pagpapalaganap ng Ang Bayan: Kumbinasyon ng kilusang masa at paggamit ng modernong teknolohiya
Pananalanta ng pasistang estado: Mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao (Hulyo-Oktubre 2001)
Naghuhuramentado ang mga terorista at mersenaryong AFP at PNP ni Macapagal-Arroyo sa kanayunan:
Pahayag ni Gregorio "Ka Roger" Rosal, Tagapagsalita, Partido Komunista ng Pilipinas

Mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.