Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ulat Koresponsal:
Cassava Plantation Project:
Higit pang pahirap at pagsasamantala sa mga magsasaka

 Read this article in English

Walang idinulot kundi kawalan ng lupa, kahirapan, malawakang kagutuman at ibayong militarisasyon ang "Proyektong Kasaba" (Cassava Plantation Project) na pwersahang ipinatupad ni Eduardo "Danding" Cojuangco sa timog-kanlurang Isabela. Sa ilalim ng proyekto, itrinansporma ang maliliit na sakahan sa Isabela tungo sa isang malaking plantasyon ng kamoteng kahoy para sa gamit ng iba't ibang negosyo ni Cojuangco.

Kasabwat ang warlord-burukratikong angkan ng mga Dy, inagaw ni Cojuangco ang 150,000 ektaryang lupa sa 11 bayan ng Isabela (Mallig, Quezon, Sta. Maria, Cabagan, Delfin Albano, Quirino, Sto. Tomas, Ilagan, Aurora, Gamu at Burgos) para gamitin sa "proyektong kasaba". Ito na marahil ang pinakamalaking kaso ng pang-aagaw ng lupa sa kasaysayan ng papet na republika. Sa kagyat, balak ni Cojuangco na pasaklawin sa 250,000 ang plantasyon. Sa hinaharap, hindi malayong umabot pa ito sa isang milyong ektarya. Sa ngayon, mayroon na itong kontrata sa mga magsasaka at lokal na pamahalaan sa Quirino at Cagayan para magtanim din ng kasaba.

Sa Isabela pa lamang, aabot ng 100,000 magsasaka ang maapektuhan sa proyektong ito. Sa kagyat, mawawalan ng lupa ang mahigit 30,000 magsasaka. Karamihan sa kanila ay ilang dekada nang nagbubungkal sa lupang kinategoryang mga pampublikong lupaing "tiwangwang". Buu-buong sinaklaw ang mga ito ni Cojuangco. Sa Mallig, sinaklaw din nito ang 817 ektaryang relokasyon ng mahigit 100 pamilyang biktima ng pagsabog ng Pinatubo at itinalaga roon noong 1991.

ISKEMANG KORPORATIBA. Upang lubusang mapailalim sa kontrol ni Cojuangco ang mga lupain, ipinaiilalim ng Department of Agrarian Reform sa "corporative scheme" ang lahat ng 250,000 ektarya. Para sa iskemang ito, itinayo ang isang bogus na kooperatiba, ang Valley Planters Development Corporation (VAPDECO), na sumaklaw sa lahat ng umaangkin at nagmamay-ari ng lupain. Bagamat sa papel ay nasa pangalan pa rin ng mga indibidwal na magsasaka ang kanilang lupain, sa katunaya'y ipinasuko na sa San Miguel Corporation-Cassava Plantation Project (SMCCPP) ang kanilang indibidwal na karapatan sa lupa kapalit ng pagiging myembro sa VAPDECO. Kapalit nito, tatanggap sila ng kakarampot at walang kwentang sapi (shares) ng VAPDECO. Ang SMCCPP ang tatayo bilang solong kasosyo ng VAPDECO.

Bagamat sa pangunahin ay proyekto ito ng isang pribadong kumpanya, manggagaling sa gubyerno sa pamamagitan ng Land Bank of the Philippines ang pondong ipauutang sa mga magsasaka. Babayaran ng mga magsasaka ang mga utang na ito sa napakataas na interes na 36% tuwing anihan. Awtomatikong aawasin sa ibabayad ng SMCCCP sa VAPDECO ang mga utang ng magsasaka. Ang matitirang pondo na lamang ang paghati-hatian ng bawat magsasaka.

Tanging kamoteng-kahoy ang pwedeng itanim sa sasaklawing lupain. At lahat ng ani ay sa SMCCPP lamang pwedeng ibenta. Ang kamote ay iproproseso ng SMC para sa arina, sangkap ng ice cream at alak, sangkap para sa paggawa ng pakain sa manok, baboy at isda na kalakhan ay para sa eksport. Magtatayo ng apat na flour mills at feed mills sa Isabela para sa pagpoproseso nito. Ipinaubaya naman sa mga lokal na yunit ng gubyerno ang paggawa ng mga imprastruktura tulad ng mga kalsada at patubig.

MALAKING GASTOS. Hindi nagkatotoo ang pangako ng SMCCPP na kikita ng malaki ang mga magsasaka sa proyekto. Sa halip, nabaon sila sa utang dahil sa laki ng gastos sa produksyon. Malayo sa realidad ang sinasabing P26,000 pinakamababang netong kikitain ng mga magsasaka kada ektaryang tatamnan ng kamoteng kahoy.

Abot langit ang presyo ng mga kinakailangang mga gamit at binhi. Malaki rin ang kinakailangang pasahod para sa dagdag na lakas-paggawa sa manomanong pagtatanim at pag-aani ng ekta-ektaryang kamoteng kahoy. Para sa 5.4 ektaryang lupain, aabot na sa P76,000 ang kakailanganing utangin ng isang magsasaka. Wala pa sa halagang ito ang gastos para sa batayang pangangailangan ng magsasaka at ng kanyang pamilya.

Dagdag dito, malaking bahagi ng ani ang nasira dahil sa tagtuyot at pagkabalam ng pag-ani sa maraming lugar. Sa unang taon pa lamang ng proyekto, nabaon na sa napalaking utang ang mga magsasaka.

Sa bayan ng Luna at Santiago, lampas na sa P1 milyon ang utang ng mga magsasaka sa LandBank. Pinalalaki pa ito ng napakataas na sinisingil na interes. Wala ni isang sentimo rito ang napunta sa pangangailangan ng mga magsasaka at kanilang mga pamilya.

Lalong naghirap ang mga magsasaka nang tumanggi ang Land Bank na ilabas ang pondong pasahod sa mga kakatulunging manggagawang bukid sa pag-ani ng kamoteng kahoy. Umabot na sa P57,000 pasahod ang hindi naibibigay ng Land Bank. Dahil dito, nabulok sa ilalim ng lupa ang sangkatlo ng kabuuang ani.

TUMITINDING MILITARISASYON. Upang sugpuin ang pagtutol ng mamamayan sa proyektong kasaba, ginagamit ni Cojuangco at ng kanyang mga kasabwat ang reaksyunaryong militar at pulis sa rehiyon upang maghasik ng lagim at pananakot. Nakapagtala na ng 11 kaso ng malubhang pagbabanta ng militar at pulis ang lokal na samahan ng mga magsasaka roon.

Dalawang batalyon ang itinalaga at nagtayo ng mga kampo ang mga bayan ng Delfin Albano, Santiago at Mallig. Isa pang kampo ang itatayo sa Sta. Isabel, Ilagan. Sa timog-kanlurang Isabela, batas militar ang nananaig. Dito, ipinataw na ang curfew at itinayo ang mga tsekpoynt. Walang anumang karapatan ang mga magsasaka na mag-ipon. Tinitiktikan, tinatakot at binabantaan ang sinumang nangangahas magpahayag ng pagtutol.

Gayunman, buo ang loob ng mga magsasaka roon na paigtingin ang mga protesta laban sa pangangamkam ni Cojuangco at kanyang mga kasapakat. Noon pa ma'y tutol na ang mga magsasaka sa proyekto. Handa rin silang harapin ang anumang panggigipit ng militar at pulis.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Abril 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Mga mananakop sa Iraq, layas!

Madugong pananalakay at pananakop sa Iraq
Mga patriyotikong grupo, tuluy-tuloy na nagprotesta
Mga pambobomba sa Davao
Ulat Koresponsal:
Nandito na naman ba si Michael Meiring?

Ulat Koresponsal:
Presyo ng saging, napataas

Ulat Koresponsal:
Isang tagumpay sa propaganda at edukasyon

Ulat Koresponsal:
Cassava Plantation Project:
Higit pang pahirap at pagsasamantala sa mga magsasaka
Matatagumpay na opensiba ng BHB
Pasada sa mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.