|
Balita
Mga hukom, naglunsad ng aksyong protesta
Pansamantalang natigil ang serbisyo ng mga korte sa Maynila at sa iba pang lunsod at bayan ng bansa noong Oktubre 6 nang maglunsad ng mga aksyong protesta ang mga hukom. Iginigiit ng mga mahistrado at empleyado ng korte ang pagpapatibay sa nabinbing Senate Bill 2018 na nagsasaad ng 25% pagtaas sa kanilang sweldo at alawans. Sa Cebu City, sinuspindi ng mga huwes ang pagdinig sa mga kaso sa naturang araw. Nagpahayag naman ng suporta sa kanila ang Integrated Bar of the Philippines-Cebu City at prubinsyal na tsapter nito. Sa Negros Occidental, nagsara ang mga korte sa pitong syudad at sa sampung iba pang bayan.
GSIS, niyanig ng mga protesta
Niyanig ng malawakang protesta noong Oktubre 6 at 8 ang Government Service Insurance System (GSIS) dahil sa malakihang mga kaso ng katiwalian sa pamunuan nito. Sa pamumuno ng Confederation for the Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE), naglunsad ng martsa-protesta noong Oktubre 8 sa Maynila ang mga kawani. Umabot ng 5,000 ang nagtipon sa harapan ng punong upisina ng GSIS sa Pasay City para igiit ang pagpapatalsik kay Winston Garcia, presidente at general manager ng GSIS.
Sa Baguio City at San Fernando City, La Union, pinamunuan ng COURAGE ang mga kilos protesta at ganundin sa Lucena City. Mga 400 kawani ng 26 na iba't ibang ahensya ng gubyerno sa Tacloban City ang naglunsad ng protestang pinamunuan ng COURAGE-Eastern Visayas. Nagsagawa ng caravan sa Bacolod City ang 500 kasapi ng COURAGE. Nagmartsa ang lokal na alyansa ng mga empleyado ng gubyerno na Protect Our Funds at COURAGE sa rehiyunal na tanggapan ng GSIS sa Iloilo City bago magsagawa ng noise barrage.
Rehimeng Sanchez-Lozada ng Bolivia, ibinagsak ng mamamayan
Sa kabila ng pagsuporta ng gubyernong US, tuluyang bumagsak ang rehimen ni Pres. Gonzalo Sanchez de Lozada ng Bolivia noong Oktubre 17 pagkatapos ng isang buwang madugong pag-aalsa ng mamamayan sa pamumuno ng Bolivian Workers Central. Pumalit sa kanya si Bise Pres. Carlos Mesa. Nag-iwan ang rehimen ng 86 na patay at mahigit isandaang sugatang mamamayan. Nagbunyi sa mga lansangan ang mga minero, estudyante, titser, magsasaka, katutubong Indian at relihiyosong Katoliko nang mabalitaan ang pagbibitiw ng kinamumuhiang pangulo. Ang isang buwang pag-aalsa ay bunsod ng tumitinding pabigat sa mamamayan ng imperyalistang "globalisasyon ng malayang pamilihan" at lumalalang karalitaan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|
|
![](../../angbayan/images/ab_banne-2.gif) 21 Oktubre 2003 Edisyong Pilipino
|
|
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.
AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.
Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here. |
|