Mahigit 100 kaso, isinampa sa JMC
Mahigit 100 kaso na ng paglabag sa karapatang-tao ang naisampa sa Joint Monitoring Committee (JMC) nitong Hulyo laban sa mga armadong pwersa ng GRP. Sangkot sa halos 90% ng mga kasong ito ang mga pwersang militar at pulis. Sa kabilang banda, wala pang kahit isang kasong natatanggap ang JMC laban sa BHB.
Sa isang porum ng Pilgrims for Peace at Karapatan, iniulat ni Atty. Edre Olalia, legal consultant ng NDFP Nominated Section ng JMC Joint Secretariat, na ang mahigit isang daang reklamong ito ay kinabibilangan ng 3,333 paglabag sa karapatang-tao at may mga biktimang mahigit 100,000. Kabilang sa mga kaso ang iligal na pang-aaresto, pananalbeyds, masaker at pagdukot na kagagawan ng mga elemento ng militar at pulisya.
Dagdag na mga kaso
Dalawang magkakahiwalay na kaso ng brutalidad at paglapastangan sa mga bangkay ng mga mandirigma ng BHB noong nakaraang buwan ang nakaambang ihapag ng mga grupo sa karapatang-tao sa JMC.
Cavite: Tatlong mandirigma ang natagpuang patay at tadtad ng mga bala noong Hunyo 16 matapos maganap ang isang sagupaan sa pagitan ng isang yunit ng BHB at ng pinagsanib na pwersa ng militar at pulis sa Barangay Mabacao, Maragondon, Cavite. Ayon sa Cavite Ecumenical Movement for Justice and Peace (CEMJP), halos di na makilala ang mga bangkay nina Ka Gary, Ka Ivan at Ka Nira nang matagpuan nila ang mga ito sa isang punerarya sa Nasugbu, Batangas. Tadtad ng bala ang mga katawan ng mga biktima at putol ang kanang paa ni Ka Gary.
Zamboanga del Sur: Isang mandirigma ang nasugatan at pinabayaang mamatay ng militar sa isang labanan na naganap sa pagitan ng mga Pulang mandirigma at ng 10th IB sa Barangay Maya-maya, Tambulig, Zamboanga del Sur noong Hunyo 15. Ayon sa imbestigasyon ng Karapatan-Western Mindanao, tinortyur bago iniwan upang mamatay si Rey Gulane (Ka Titing), 32. Tinapyas din ng mga sundalo ang kanyang kanang tainga. Hinukay ng mga kasapi ng Karapatan at mga kamag-anak ni Gulane ang kanyang mga labi noong Hunyo 16 at dinala sa upisina ng National Bureau of Investigation sa Pagadian City para sa medico-legal examination.
Mga kaso mula sa Cordillera
Isinumite nitong unang linggo ng Agosto ng Cordillera Human Rights Organizations (CHRO) ang unang bungkos ng mga kaso laban sa pang-aabuso ng militar sa Cordillera. Kabilang sa mga ito ang:
- Pagbaril ng mga elemento ng 41st IB kay Bernabe Banguey noong Hulyo 24 sa Abra. Inaakusahan ng militar si Banguey at isa pa niyang kasama na mga kasapi ng BHB. Tinamaan si Banguey sa binti at sa halip na lapatan ng paunang lunas, hinayaan siyang maubusan ng dugo at mamatay.
- Pagpaslang ng mga tropa ng Northern Luzon Command ng Philippine Army kina Etfew Chadya-as sa Mountain Province at Victor Balais sa Pinukpuk, Kalinga noong 2002; at kay Efren Agsayang sa Mankayan, Benguet noong 2003.
Patuloy na hinihikayat ng NDFP ang pagsasadokumento at pagsasampa ng mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao na kagagawan ng AFP, PNP at iba pang armadong pwersa ng rehimen.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|