![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Ang digmang anti-Moro ay binubuo pangunahin ng todo-largang armadong opensiba sa mga teritoryo kung saan umiiral ang armado at pampulitikang kapangyarihan ng Moro Islamic Liberation Front-Bangsamoro Islamic Armed Forces (MILF-BIAF). Bahagi rin ng digmang ito ang paglalarga ng kampanya ng paninirang-puri sa relihiyon at kulturang Moro upang lumikha ng isteryang anti-Moro at anti-Muslim at bigyang-matwid ang patakaran ng henosidyo sa pagtarget sa mga sentro ng sibilyang populasyon at lansakang paglapastangan sa kanilang mga karapatang sibil. Malawakang pinsala sa kabuhayan at pagyurak sa interes at kagalingan ng mamamayang Moro ang dulot ng todo-largang digma ng rehimeng Estrada. Ibinuhos ng reaksyunaryong rehimen ang 60% ng tropa ng AFP na gumagamit ng mabibigat na kagamitang pandigma. Layunin nitong gapiin o pasukuin ang armadong paglaban ng MILF-BIAF at maghasik ng takot sa mamamayang Moro. Nais ng rehimeng Estrada na lumuhod ang mamamayang Moro sa reaksyunaryong kapangyarihan at isuko ang kanilang karapatan at pakikibaka para sa pagpapasya-sa-sarili. Ang pinasidhing anti-Morong digmang ito ay pagpapatuloy ng istorikong pang-aapi sa mamamayang Moro ng mga lokal na mapagsamantalang uri at ng kanilang dayuhang amo mula pa noong panahon ng kolonyalismong Espanyol. Sa kasaysayan, nagapi pansamantala ang mga paglaban ng mamamayang Moro matapos lamang na gumamit, pangunahin, ng superyor na armadong pwersa ang mga reaksyunaryong kapangyarihan kaakibat ng kooptasyon sa mga mabuway na lider Moro. Muling ginagatungan ng reaksyunaryong rehimen ang apoy ng digmang anti-Moro matapos ipamalas ng MILF-BIAF ang kapasyahang isulong ang interes ng mamamayang Moro. Muling iwinagayway ng MILF-BIAF ang bandila ng armadong pakikibaka para sa pagpapasya-sa-sarili ng mamamayang Moro matapos itong ipagkanulo at isuko ng Moro National Liberation Front (MNLF). Nabigo ang rehimeng Ramos at Estrada na iligaw ang MILF-BIAF tungo sa landas ng kapitulasyon sa pamamagitan ng negosasyong pangkapayapaan. Kung kayat ang MILF-BIAF ay tuluytuloy na nakapag-iipon ng papalawak na suporta sa hanay ng mamamayang Moro at nakapagpapalakas sa larangang pampulitika at armadong pakikibaka. Layunin ng digmang anti-Moro na ipailalim sa lubusang kontrol ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal ang mayamang rekurso ng Mindanao. Kabilang sa mga pangunahing sumusuporta sa malakihang opensibang militar ng rehimeng Estrada ang malalaking dayuhang korporasyon sa pagmimina na interesado sa malalawak na lupain sa Gitna at Kanlurang Mindanao. Nais ni Estrada na sa pamamagitan ng todo-largang digma laban sa MILF-BIAF ay mailarawan nitong matatag ang katunaya'y gumegewang-gewang niyang rehimen. Inaakala nitong sa pamamagitan ng malaking mga operasyong militar ay magagapi nito ang pakikibaka ng mamamayang Moro at ito'y makatutulong sa pagpapakitang matatag at nasa kontrol ang rehimen. Subalit dahil sa bagsik ng digmang ito, higit lamang nagiging malinaw ang katwiran at kawastuan ng pakikibaka ng mamamayang Moro para sa pagpapasyasa-sarili. Hindi rin makakamit ng mamamayang Moro ang kanilang interes sa ilalim ng kasalukuyang mapangaping sistema, anupamang pangako ng awtonomya kaunlaran ang ialok sa kanila. Dahil dito, napapanday ang pagkakaisa ng mamamayang Moro, kabilang ang kanilang mga lider-relihiyoso, na labanan ang reaksyunaryong rehimen at militanteng ipagtanggol ang kanilang interes. Mabilis silang umaani ng papalawak na suporta kahit sa hanay ng mamamayang di-Moro. Matapos na aktibong magdepensa at maglunsad ng mga kontra-opensiba, ginagamit ngayon ng MILF-BIAF ang mga pamamaraang gerilya upang labanan ang armadong pwersa ng reaksyunaryong rehimen. Patuloy silang nagdudulot ng papalaking pinsala sa AFP na nagreresulta sa pagbagsak ng moral ng mga pasistang tropa. Napakalaking rekurso ng rehimeng Estrada ang araw-araw na nilulustay sa pagpapatuloy ng mga operasyon ng AFP laban sa MILF-BIAF. Lalong nagiging mapangahas ang mga anti-Estradang paksyon sa loob ng militar na bumatikos at magpahayag ng disgusto laban sa naghaharing rehimen. Ngayon, higit kailanman, kailangang magkaisa ang mamamayang Pilipino at mamamayang Moro. Magsisilbing matibay na pundasyon nito ang kasunduan sa pagtutulungan sa pagitan ng MILF at NDFP. Sa batayan o inspirasyon nito ay maaaring magkaisa sa iba't ibang anyo at pagkakataon ang iba't ibang organisasyong masa ng mga Moro at Pilipino upang tipunin ang pinakamalawak na pwersa para labanan ang naghaharing rehimeng US-Estrada. Pangunahing magbibigkis sa pagkakaisang ito ang pagpapaigting ng mga taktikal na opensiba ng Bagong Hukbong Bayan laban sa mga tropa ng reaksyunaryong kaaway. Muli nating idiin ang panawagang samantalahin ang pagnipis ng pwersa ng AFP-PNP sa maraming lugar sa pamamagitan ng pagtuon ng superyor na pwersa laban sa maliliit at nahihiwalay na armadong yunit ng kaaway at mabilis na pagpapalawak ng rebolusyonaryong baseng masa sa kanayunan, kasabay ng patuloy na pagsasagawa ng mga angkop na hakbang sa pag-iingat. Sa pamamagitan nito at ng malawakang paglaban ng mamamayan, ang todo-largang digma ni Estrada laban sa MILF-BIAF ay lalo lamang magpapabilis sa paghina at pagbagsak ng kanyang rehimen. ![]()
| |||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|