Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Balita

 Read this article in English

Mga tropa ng 14th IB, inambus sa Eastern Samar

Inambus ng mga Pulang mandirigma ang isang grupo ng mga sundalo ng 14th IB noong Abril 27. Ang taktikal na opensiba ay inilunsad sa Barangay Can-iray, Can-avid, Eastern Samar. Isang sarhento ang namatay sa ambus.

Kumpanya ng bus pinarusahan sa Capiz

Pinarusahan ng Coronacion Chiva-Waling-Waling Command ng Panay ang Ceres Bus Lines dahil sa di nito pagtalima sa patakaran ng rebolusyonaryong kilusan hinggil sa pagbubuwis. Isinagawa ang pagpaparusa sa Barangay Banate, Pontevedra, Capiz noong Abril 19 sa pamamagitan ng pagsunog sa isang pampasaherong bus ng Ceres na nagkakahalagang P2.4 milyon.

Pagkamatay ng 15 sibilyan sa Oriental Mindoro, kinundena

Mariing kinundena ng Karapatan sa Timog Katagalugan ang pagkamatay ng di bababa sa 15 sibilyan at pagkasugat ng marami pang iba nang kanyunin ng militar ang Barangay Carumaguit, Naujan, Oriental Mindoro nitong Mayo 16. Ayon sa Karapatan, kinanyon ng howitzer ng mga elemento ng 2nd Scout Ranger Company ang barangay mula madaling araw hanggang pagkatanghali habang tinutugis ang isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan. Anito, umabot na rin sa mga kalapit na barangay ng Komunal at Balinggayan sa Calapan City ang nagpapatuloy na operasyong militar.

Dadalawang bangkay pa lamang ng mga biktima ang nababawi dahil pinagbabawalan ng militar na pumasok sa lugar ang mga kagawad ng midya at myembro ng mga grupong nagtatanggol sa karapatang-tao. Iniulat din ng Karapatan ang pagkasawi ng tatlong Pulang mandirigma sa mabangis na operasyon.

Harasment ng CAFGU, kinundena sa Surigao del Sur

Kinundena ng mga myembro ng Bad-as Integrated Stewardship Development Cooperative (Bisdeco), isang organisasyon ng mga magsasaka sa Lianga, Surigao del Sur, ang harasment sa kanila ng mga elemento ng CAFGU. Ayon sa Bisdeco, habang sila�y nagtatanim ng mga punongkahoy sa Barangay Manyayay ng naturang bayan noong Abril 20 ay pinuntahan sila ng mga elemento ng CAFGU sa ilalim ng 28th IB, tinutukan ng baril, binantaang sasaktan at pinaratangang mga tagasuporta ng BHB. Iginiit ng Bisdeco sa isang petisyong isinampa sa Sangguniang Bayan ng Lianga, na pagbawalan ang CAFGU na pumasok sa Manyayay.

Masinloc Power Plant, binarikadahan

Mga 2,000 mamamayan ng Barangay Bani, Masinloc, Zambales ang sumugod at nagbarikada sa Masinloc Coal-fired Thermal Power Plant bago maghatinggabi nitong Mayo 5 para igiit na bigyan sila ng kumpensasyon dahil sa sapilitang pag-okupa ng planta sa kanilang lupain. Binarikadahan ng mga residente ang mga mayor na daan papunta sa planta habang 20 bangkero naman ang nagpatrol sa daan sa pagitan ng planta at dagat. Pansamantalang naparalisa ang operasyon ng planta dahil sa aksyong masa. Ang Masinloc Coal-fired Thermal Power Plant ang isa sa pinakamalalaking suplayer ng kuryente sa buong Luzon.

Operasyon ng Malampaya, tinutulan

Tinututulan ng Buklurang Lakas ng Mangingisda, isang grupo ng mga mamamalakaya sa Mindoro, ang operasyon ng Malampaya oilfields dahil sa pagwasak nito sa kanilang kabuhayan. Anila, halos kalahati ang nabawas sa dami ng nahuhuli nilang isda mula nang magsimula ang operasyon ng naturang proyekto sa Palawan.

Anti-minoryang kautusan, binatikos ng mga Ibaloi

Binatikos noong unang linggo ng Mayo ng mga Ibaloi sa Benguet ang Administrative Order No. 3 (AO 3 series of 2002) ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP). Ang AO 3 ay gagamitin sa pagbili ng mga lupaing ninuno ng mga Ibaloi upang mapaalis na sila at maipilit ang implementasyon ng $1.1 bilyong San Roque Multipurpose Dam Project sa Itogon, Benguet. Ayon sa bagong kautusan, ang NCIP na ang may pinal na karapatang magbigay ng pahintulot sa mga korporasyon na gamitin ang mga likas-yaman sa mga lupaing ninuno, kahit na tumututol ang mga apektadong komunidad ng minorya.

Pagsupil sa Bayan Muna, iimbestigahan sa kongreso

Sinuportahan ng 114 na kongresista ang resolusyon upang imbestigahan ang panunupil ng estado sa partidong Bayan Muna (BM). Ang resolusyon para rito ay unang inihapag ni Satur Ocampo, kinatawan sa kongreso ng BM.

Ayon kay Ocampo, mayroon nang 64 dokumentadong kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng mga myembro at tagasuporta ng BM mula Pebrero 2001 hanggang Abril 2002. Karamihan sa mga kaso ay naganap sa Timog Katagalugan, Silangang Kabisayaan, Kanlurang Kabisayaan, Gitnang Luzon at Kabikulan. Mahigit 70% sa mga paglabag ay ginawa ng militar, pulisya at mga elemento ng CAFGU.

Pagdawit sa BAYAN sa pambobomba, kinundena

Kinundena ng Karapatan ang tangka ng militar na idawit sa pambobomba sa General Santos City noong Abril 21 ang tatlong inosenteng sibilyan at ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN). Ayon sa Karapatan, isang araw bago maganap ang pambobombang ikinamatay ng 15 katao at ikinasugat ng 60 iba pa, sinugod ng mga nakamaskarang armadong kalalakihan ang Pasa Sambao Clinic na kinaroroonan nina Jejhon Macalinsal, Abubakar Amilhasan at Arsul Ginta at nagsisilbi ring hedkwarters ng BAYAN sa General Santos City. Tinutukan at pinwersa si Macalinsal na itawag sa upisina ng Bayantel ang banta ng pambobomba. Isang araw pagkaraan ng pambobomba, inianunsyo ng pulisya na ang pagbabanta ay nagmula sa himpilan ng BAYAN, at inaresto ang tatlo. Subalit nitong Mayo 9, inianunsyo muli ng pulisya nang walang paliwanag, na nadakip na raw nila ang mga tunay na salarin.

Mga kongresista nag-agawan sa pondo

Garapalang ipinakita ng mga kongresista nitong Mayo ang kanilang kahayukan nang pag-awayan nila ang hatian sa pondo para sa imprastruktura. Iginiit ng mga kongresista na hatiin nang pantay-pantay ang P34.8 bilyong pondo ng Department of Public Works and Highways sa halip na ipamahagi ito batay sa partikular na pangangailangan ng mga distrito. Nang aprubahan na ito, muli nilang iminungkahi na dagdagan pa ito ng P3 bilyon mula sa pondong pang-imprastruktura ng Department of Agriculture at Department of Agrarian Reform. Gayon na lamang ang paggigiit ng mga kongresista dahil umaabot sa mahigit 50% ang kikbak na nakukuha nila mula sa badyet pang-imprastruktura ng kanilang mga distrito.

Kaso laban sa mga Marcos natalo dahil sa teknikalidad

Dahil sa teknikalidad lamang, natalo nitong Mayo 6 ang 15-taong kaso laban sa mga Marcos hinggil sa pagmamay-ari ng Philippine Long Distance Telephone Co. (PLDT). Hindi mapatunayan sa Sandiganbayan na ang mga Marcos nga ang tunay na nagmamay-ari ng mayorya ng mga sapi sa PLDT dahil mga photocopy lamang at hindi mga orihinal na dokumento ang inihaing ebidensya ng Philippine Commission on Good Government (PCGG). Mariing binatikos ng Karapatan ang PCGG dahil sa kapabayaan nito.

Eksport ng mga damit, bagsak

Bumagsak ang eksport ng mga damit mula Enero hanggang Abril dahil nabawasan nang halos 25% ang inaangkat na damit ng US mula sa Pilipinas. Ito�y dahil ang mas binibili na ngayon ng mga Amerikano ay mga mumurahing damit at tela. Bunga nito, maraming magsasarang pabrika at aabot sa 400,000 manggagawa ang mawawalan ng trabaho pagsapit ng 2004.

Libya, Syria at Cuba idinagdag ng US sa mga target na estado

Idinagdag ng US sa listahan ng pangunahing tinatarget na mga estado ang Libya, Syria at Cuba nitong unang linggo ng Mayo. Nauna rito, pinaratangan nang "sentro ng kasamaan" at mga pangunahing target ng mga atake at panunupil ng US ang Iraq, Iran at North Korea dahil sa kanilang anti-US na paninindigan.

Pandaigdigang hukuman, ibinasura ng US

Pormal na tumanggi ang administrasyong Bush nitong Mayo 6 na suportahan ang International Criminal Court, isang permanenteng pandaigdigang hukuman na lilitis sa mga taong gumawa ng mga krimen sa digma, henosidyo at iba pang krimen laban sa sangkatauhan. Lantarang sinabi ng US na hindi ito makikipagtulungan sa korte dahil nangangamba ito na magagamit ang korte para litisin ang mga nagkasalang upisyal at tauhang militar ng US.

Marami nang nauna ritong pandaigdigang tratadong ibinasura ng US dahil apektado ang mga pang-ekonomya at pangmilitar na interes nito. Kabilang sa mga kasunduang tinalikuran ng US kamakailan lamang ang ballistic missile non-proliferation treaty at ang Kyoto Accord (tratado para sa pagbabawas ng inilalabas na mga kemikal na nagiging dahilan ng pag-init ng temperatura ng daigdig o global warming).

Mamamayang Pranses, kumilos laban kay Le Pen

Nitong Mayo 1, mahigit isang milyon ang dumagsa sa lansangan sa iba�t ibang bahagi ng France laban sa kandidatura ni Jean-Marie Le Pen, isang ultra-kanang lider, at laban sa lumalakas na pasistang tunguhin na kinakatawan niya. Sa Paris, mahigit 250,000 ang nagrali habang umabot sa 900,000 ang nagtipon sa iba pang syudad sa France. Kabilang dito ang mga grupo sa paggawa na nakiisa sa panawagan ng mamamayan laban kay Le Pen at laban sa kapitalismo at pasismo. Nangamba ang mamamayan sa France sa nakagugulat na pagkapanalo ni Le Pen sa unang yugto ng eleksyong presidensyal sa bansa. Nagsagawa rin ng katulad na mga demonstrasyon sa Switzerland at Belgium. Dahil sa lakas ng sentimyentong antipasista at antirasista, natalo ni Jacques Chirac si Le Pen sa ikalawa at huling yugto ng eleksyon.

Israel, napilitang iatras ang tropa sa Gaza Strip

Nitong Mayo 13, napilitan si Ariel Sharon, prime minister ng Israel, na iatras ang nakaambang atake sa Gaza Strip matapos magrali ang mahigit 60,000 Israeli laban dito. Ang nakaambang pagsalakay ay reaksyon ng pasistang gabinete ng Israel sa pinakahuling suicide bombing sa Tel Aviv.

Gayundin, matapos ulanin ng batikos at pagkundena, napilitan ang Israel na makipagkasundo sa Palestine at palayain ang mga kinubkob nitong mga armado at sibilyang Palestino sa loob ng Church of the Nativity sa Bethlehem. Nitong Mayo 9, sumang-ayon ang Israel sa kasunduan sa kundisyong ididistyero sa Europe ang 13 wanted ng Israel mula sa mga Palestinong nasa loob ng simbahan. Malayang nakalabas ang iba pa.

Sa kabila ng malakas na pagkundena ng mundo sa pananalakay ng Israel, nitong Mayo ay ipinasa sa senado at kongreso ng US ang isang resolusyong sumasang-ayon sa mga "hakbang kontra-terorismo" ng Israel at naglalaan ng karagdagang ayudang militar dito.

 


Previous articleBack to top 

Mayo 2002
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Paghandaan at labanan ang tuluy-tuloy at papataas na antas ng interbensyong militar ng US sa Pilipinas

Panghihimasok ng imperyalismong US
Walang habas na paglabag sa karapatang-tao sa Sulu
Usapang pangkapayapaan, isinara ng rehimen
Samantalahin ang tumitinding mga hidwaan ng mga reaksyunaryo
Tungkol sa planong Constitutional Convention
Langis, Kuryente, Tubig:
Protesta ng mamamayan sa pagtataas ng presyo at singil

Pagpapatalsik kay Macapagal-Arroyo iginiit nitong Mayo Uno
Mga pagkilos sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa
Rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa Nepal
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.