![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Mataas na militansya ang ipinamamalas ng mamamayan sa harap ng matinding terorismo ng AFP sa Occidental Mindoro. Buong-tapang nilang pinaninindigan ang kanilang mga karapatang-tao, tinututulan ang panggigipit ng AFP at ginagawa ang lahat ng paraan upang isiwalat ang nagaganap na karahasang-militar doon. Sa harap ng mga pananakot, pagsagka at pamamasistang militar, mahigpit ang pagpupursige ng KARAPATAN-Southern Tagalog upang maalalayan ang taumbaryo; at maimbestigahan, maisiwalat at maibsan ang mga pang-aabuso at pandarahas sa kanila ng mga militar. Mahigpit na nakipag-ugnayan at mainit na sumalubong ang mga Mangyan doon sa KARAPATAN-ST upang isiwalat ang katotohanan tungkol sa mga pang-aabusong militar at makipagkoordina para makatakas mula sa pagkukulong sa kanila sa impyernong ginawa ng mga militar sa kanilang mga komunidad. Palipat-lipat ang mga Mangyan sa iba't ibang nilikasan dahil di sila tinantanan ng mga militar. Binagtas nila ang mas mahirap, mas mahaba at mas masalimuot na mga daan dahil sa mga pagbabanta at paghaharang ng mga militar. Pagdating sa poblasyon ng Paluan, sa tulong ng KARAPATAN-ST ay nakasukob sila sa simbahang Katoliko. Pero di pa rin sila tinantanan at pilit pa ring pumapasok ang militar para kunin ang mga bakwit upang interogahin, takutin at gamiting giya sa mga operasyong militar ng AFP. Ngunit matatag silang tumutol at tumanggi. Sa kabiguang duruin ang mga bakwit at sa sobrang kahihiyan, naglabas ang militar ng bulaang istorya sa midya na "idinedetine ng mga komunista ang mga Mangyan." Salamin lamang ang Paluan sa tindi ng brutalidad at panlilinlang na kaakibat ng kontra-rebolusyonaryong digmang inilulunsad ng rehimeng Arroyo sa buong kapuluan. Subalit higit pa rito, salamin din ang Paluan ng paglaban. Di magkandatuto ang pasistang militar sa tatag ng paninindigan at kapasyahang makibaka ng mamamayan doon. Ito ang tatag at kapasyahang ipinamamalas din sa ibang dako ng bansa ng sinumang mamamayang api at pinagsasamantalahan na namulat na sa katotohanan at ngayo'y naninindigan. Matingkad ring inilalarawan nito ang malalang pagkainutil ng rehimen at buong naghaharing sistema na supilin ang mamamayan at rebolusyonaryong kilusan. Upang labanan ang militarisasyon sa isla, naglunsad ang Bagong Hukbong Bayan ng taktikal na opensiba laban sa 19th Special Forces Coy sa Bongabon, Oriental Mindoro noong Enero 25. Nanawagan ang Partido sa BHB sa iba't ibang bahagi ng bansa na patindihin ang mga taktikal na opensiba laban sa mga sandatahang pwersa ng gubyerno para masamantala ang sobrang konsentrasyon ng mga pasistang pwersa sa ilang lugar na tulad ng Mindoro at pagbayarin nang mahal ang AFP sa matitinding pang-aabuso nito sa karapatang-tao. Samantala, nananawagan ang Partido sa gubyernong Arroyo na kagyat na ihinto ang matinding militarisasyon at tantanan na ng AFP ang mamamayan sa Paluan at sa mga bayan ng Abra de Ilog at Mamburao. Higit itong makakatulong sa muling pagbubukas ng pormal na usapang pangkapayapaan. Nananawagan din ang Partido sa gubyernong Arroyo na makipagtulungan sa National Democratic Front upang pabilisin ang pagbubuo ng Joint Monitoring Committee para mangasiwa sa implementasyon ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL), at dinggin at siyasatin ang mga reklamo tungkol sa paglabag sa karapatang-tao. ![]()
| |||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|