![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Sinasabotahe ng rehimeng US-Estrada ang paglaya ng mga bihag ng digma na sina Philippine Army Maj. Noel Buan at P/Chief Insp. Abelardo Martin. Sa halip na hawanin ang daan para sa maayos na pagpapalaya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa mga bihag ng digma, iniutos ni Estrada ang lalong pagpapatindi ng mga operasyong militar sa Timog Katagalugan. Nitong Enero 12, pinirmahan ng NDFP negotiating panel at ng humanitarian and peace mission nina Sen. Loren Legarda, Bishop Jesus Varela at Supreme Bishop Tomas Millamena ang isang Memorandum ng Paguunawaan kaugnay ng mga bihag. Nilalaman nito ang mga hakbangin para sa maayos na pagpapalaya sa mga bihag, kabilang ang suspensyon ng paglilitis ng Panrehiyong Kumand sa Operasyon ng Timog Katagalugan ng BHB kina Buan at Martin; at pagkuha ng humanitarian and peace mission mula sa Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) ng kautusang itigil ang mga operasyong militar at pag-urong ng pwersa mula sa ilang lugar sa rehiyon. Sa halip na bigyang-pabor itong Memorandum ng Pag-uunawaan at kamtin ang madaling solusyon para sa pagpapalaya ng mga bihag ng digma, iniutos ng GRP ang walang patumanggang mga operasyong lakingbrigada sa ilalim ng Southern Luzon Command at ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army. Bukod sa hinahadlangan nito ang maayos na pagpupulong ng Pambansang Komiteng Tagapagpaganap ng NDFP para bigyang-kunsiderasyon ang Memorandum ng Paguunawaan, sinasalanta nito sa malakihang paraan ang kabuhayan at mga karapatan ng mamamayan sa Timog Katagalugan. Pinakilos ng GRP sa tinaguriang mga operasyong pagliligtas ang Task Force (TF) Banahaw, TF Seagull at TF Panther at ng 201st Bde ng 2nd Infantry Division. Direktang kabaligtaran ng mahusay na pagtrato ng BHB kina Buan at Martin, at kontra sa mga alituntunin sa digma, walang awang pinahirapan at pinatay ng mga pasistang aso ng 5th Scout Ranger Coy at 49th IB si Ka Sixto (Armando Cerna Jr., 45) matapos madakip sa isang labanan sa Victoria, Oriental Mindoro noong Enero 29 (tingnan ang kaugnay na artikulo). Ang pagdakip kina Buan at Martin ay isang makataong hakbangin ng BHB. Taliwas sa patakaran ng GRP ng pagkulong at pagsampa ng mga gawagawang kasong kriminal o pagpapahirap at pagpatay sa kanilang mga nadakip, patakaran ng BHB na arestuhin bilang mga bihag ng digma ang sinumang madadakip o susuko sa mga labanan. Binibigyang-galang ng BHB ang karapatan ng mga bihag ng digma alinsunod sa mga internasyunal na makataong batas at mga alituntunin sa digma. Kinikilala ang kanilang karapatang magtanggol sa sarili sa isang makatarungang paglilitis. Ang desisyong palayain ang mga bihag ay maaaring buuin batay sa mga kunsiderasyong makatao at pulitikal. Dahil sa pagmamatigas ng rehimeng US-Estrada na lutasin ang suliranin ng mga bihag ng digma sa pamamagitan ng walang rendang mga operasyong militar, sa halip na sa madaling paraan ng negosasyon, ang pagpapalaya kina Major Buan at P/Chief Inspector Martin ay maaantala nang husto. Responsibilidad ni Estrada kung dahil sa mga operasyong ito ay masaktan ang mga bihag ng digma pati na ang mga nag-aalaga sa kanila. Habang hindi positibong tinutumbasan ng reaksyunaryong rehimen ang mga hakbangin ng NDFP, maaaring bawiin ng NDFP negotiating panel ang pag-endorso nito sa kahilingan ng humanitarian and peace mission. Habang nasa pangangalaga ng BHB ang mga bihag ng digma, nananatili ang karapatan ng BHB na patuloy na imbestigahan ang mga ito para sa posibleng paglilitis. ![]()
| ||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|