Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Kampanyang militar laban sa Abu Sayyaf: Naghahasik ng lagim sa Basilan

 Read this article in English

Gaya-gaya sa among imperyalista, naghahasik ng lagim sa Basilan ang gubyernong Macapagal-Arroyo ay sa ngalan ng "digma laban sa terorismo" na nagtatarget at bumibiktima sa libu-libong karaniwang mamamayan. Malupit at barbaro ang kondukta ng "crackdown" ng militar sa bandidong Abu Sayyaf. Laganap ang pambobomba, pamamaslang, panonortyur, pagsosona, sapilitang ebakwasyon at pagnanakaw.

Hunyo 2 pa lamang ay inilunsad na ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo ang sariling teroristang kampanya, isang malawakang "opensibang militar" na kinasangkutan ng mahigit walong batalyon laban sa bandidong Abu Sayyaf sa Lamitan, Basilan. Hawak noon ng Abu Sayyaf ang 21 hostages na dinukot nila mula sa isang resort sa Palawan.

Nitong nakaraang buwan, 23 na mga Amerikanong "tagapayo" ang bumase sa Basilan upang sanayin ang mga tropang Pilipino sa gera laban sa "terorismo" at idirihe ang mga operasyon upang iligtas ang dalawang bihag na Amerikano. Nitong Nobyembre, nang dumaan sa Mindanao si Adm. Dennis Blair, hepe ng pwersang militar ng US sa Asia-Pacific, ininspeksyon niya ang mga operasyon ng AFP sa Basilan.

Noong Hulyo 13, mistulang panahon ng Hapon nang ang mga komunidad, moske at pinagtatrabahuhan ng mamamayan sa Isabela City, Basilan ay sinona ng mga elemento ng 103rd Brigade, kasama ang mga nakamaskarang nagtututuro ng diumano'y mga tagasuporta ng Abu Sayyaf o mga kriminal.

Walang dala-dalang mga mandamyento de aresto ang mga militar. Ang iwinasiwas lamang nila ay isang memorandum ng Department of Justice na nag-aatas ng pag-aresto sa lahat ng elemento at tagasuporta ng Abu Sayyaf. Ang mga pinagtuturo ay dinala sa himpilan ng 103rd Brigade at pinapirma ng mga dokumentong nagsasabing mahusay silang trinato. Pagkapirma sa mga dokumento, piniringan sila at tinortyur. Makaraan ang tatlong araw, dinala sila sa korte at laking gulat nila nang sila pa ang sinampahan ng kasong kidnapping at serious illegal detention. Umpisa lamang ito ng pang-aaresto at panonortyur sa mamamayan ng Basilan na nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan.

Sa aktwal ay batas militar ang nakapangyayari sa Basilan. Naglipana ang mga sundalo. Tadtad ng mga tsekpoynt ang iisang malaking daang nag-uugnay sa lahat ng anim na bayan at isang syudad sa prubinsya. Laganap ang pagririkisa ng mga gamit at pag-aresto sa mga walang ID. Kahit ang mga bangkang papunta ng Zamboanga ay kailangang may eskort na mga sundalo. Natigil din ang pag-aaral ng mga bata dahil ang mga paaralan ay ginagawang baraks ng AFP o kaya'y evacuation center kung nagkataong hindi pa ito nawawasak ng bomba at mortar. Ginawang upisyal ni Macapagal-Arroyo ang pag-iral ng batas militar sa Basilan sa pamamagitan ng pagdedeklara ng "state of lawlessness" dito.

Ang 103rd Brigade ang nakatalagang yunit ng AFP sa Basilan. Ang yunit nitong naatasang humabol sa Abu Sayyaf na pinangalanang Task Force Comet ay hinati sa tatlong Task Group: Task Group Thunder sa ilalim ni Col. Hermogenes Esperon; Task Group Lightning sa ilalim ni Col. Pedro Ramboanga at Task Group Tornado sa ilalim ni Col. Renato Miranda.

Mahigpit na katulong ng AFP ang mga CAFGU at civilian volunteer organization (CVO) na inorganisa at inarmasan nila sa halos lahat ng baryo ng Basilan. Ginagamit ang mga CAFGU at CVO upang pag-alabin ang mga alitang relihiyoso at pantribo. Naghahasik sila ng pagdududahan sa hanay ng mamamayan, lalo pa at may mga pabuyang ibinibigay sa mga makapagtuturo sa mga tagasuporta ng Abu Sayyaf.

Dinagdagan pa kamakailan ng AFP ng tatlong batalyon ang pwersa militar upang tugisin daw ang Abu Sayyaf. Subalit sa kabila ng napakalaking bilang ng mga tropang militar na nagsasagawa ng tuluy-tuloy na operasyon sa isla, walang nangyayari sa pagyayabang ni Macapagal-Arroyo na pupulbusin ng mga tropa ng gubyerno ang diumano'y lumiit nang bandidong grupo. Nabunyag kamakailan ang kutsabahan sa pagitan ng Abu Sayyaf at ng pinakamatataas na upisyal ng militar na inatasang tumugis sa bandidong grupo. Kapalit ng kanilang bahagi sa ransom o pantubos na ibinabayad sa Abu Sayyaf, pinalilihis ng naturang mga upisyal ang mga tropang militar mula sa mga rutang atrasan ng mga bandido. Kaya sa halip na madurog ang bandidong grupo, nagpapatuloy at dumarami pa ang dinudukot at pinapatay ng mga ito.

Subalit mga sibilyang Moro ang tunay na binibiktima ng malawakang mga operasyong militar sa Basilan.

Sa rekord ng DSWD hanggang Setyembre 23, may 13,421 nang pamilya (78,736 indibidwal) ang napilitang lumikas dahil sa tindi ng operasyong militar sa Basilan. Sa halos lahat ng bayan ng Basilan ay may ebakwasyon. Pinakamarami ang mula sa Lamitan, Sumisip at Tuburan. Ayon sa fact-finding mission na isinagawa ng Karapatan at 25 pang kasama nitong organisasyon, pwersadong nagsilikas ang libu-libong mamamayan anang simulan ang pambobomba at pagmortar sa mga baryo ng Lamitan, Sumisip, Tuburan, Maluso, Tipo-Tipo at Lantawan. Marami ring kaso ng pagnanakaw mula ng "sa mga bahay na inalisan ng mga nagbakwit.Ikinukulong at tinotortyur ang mga pinagsususpetsahang sumusuporta sa Abu Sayyaf. Sampung sibilyan ang sinalbeyds ng naninibasib na mga tropa. May dalawang nakaligtas sa pagkakasalbeyds subalit sugatan. Lahat halos ng mga sinalbeyds ay may marka ng tortyur gaya ng pagkapaso. Mayroong mga pinugutan ng ulo. Karamihan sa kanila'y pinagdadampot lamang sa mga pagsosona at tsekpoynt ng militar. Mas masahol pa, marami sa mga ito ay nauna nang biniktima ng Abu Sayyaf.

 


Previous articleBack to topNext article

Nobyembre 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal: Ibayong isulong ang pakikidigmang gerilya sa buong bansa!
Ilang aral mula sa mga kamalian at kabiguan ni Misuari
Mga punto hinggil sa itinakbo ng mga kasunduan sa pagitan ng MNLF at GRP
Kulang na kulang ang pagbaba ng presyo ng langis
Mga ulat koresponsal: Pagtindi ng militarisasyon sa TK
Kampanyang militar laban sa Abu Sayyaf: Naghahasik ng lagim sa Basilan
Ilang matitingkad na kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng mamamayan sa Basilan
Pinakamatitinding operasyong militar sa Cagayan Valley sa loob ng kalahating dekada
Paglakas ng rebolusyonaryong kilusan sa Catanduanes: Nang masa�t Hukbo�y magkaisa
Ilang kwento sa likod ng mga taktikal na opensiba sa Bikol
Bagong papet na pasistang rehimen sa Afghanistan at ang estratehikong interes ng imperyalismong U.S.
Mga balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.