Mga salot sa Leyte, pinarusahan ng BHB
Laban sa PASAR. Noong Pebrero 28, sinunog ng mga Pulang mandirigma mula sa Mt. Amandewin Command ng BHB sa Leyte ang isang sasakyan ng PASAR, isang kumpanyang nagpoproseso ng tanso. Pinarusahan ang PASAR dahil sa patuloy nitong paglabag sa mga karapatan ng mga manggagawa nito at walang pakundangang pagtatapon ng mga nakalalasong kemikal sa dagat at mga karatig-lugar.
Ayon kay Ka Dodong Malaya, tagapagsalita ng kumand, mula nang itayo ang PASAR sa Isabel, Leyte noong 1983, naging pusakal na ito sa paglabag sa karapatan ng mamamayan. Limandaang pamilya ang pinalayas para maitayo ang planta. Sinusupil nito ang karapatan ng mga manggagawa sa pag-oorganisa at pinananatiling mababa ang kanilang sahod. Wala rin silang katiyakan sa trabaho.
Ilang ulit na binalaan ng BHB ang PASAR na baguhin ang pamamalakad nito, subalit hindi ito tumugon. Ang pagsunog ng Mt. Amandewin Command sa sasakyan ng PASAR ay paunang parusa na hahantong sa mas mabibigat pang parusa kung patuloy na magmamatigas ang kumpanya.
Laban sa druglord: Noon ding Pebrero, pinarusahan ng mga espesyal na operatiba ng Mt. Amandewin Command si Inaki Guljuran (kilala rin sa ngalang Aqui Goluran), isang pusakal na druglord. Si Guljuran, na pinarusahan sa Ormoc City, ay isa sa pinakamalaking druglord sa buong Leyte, laluna sa Ormoc at mga karatig-bayan nito.
Noong Enero 5, 2001, si Guljuran ay hinatulan ng kamatayan ng hukumang bayan sa Leyte. Hindi pinansin ni Guljuran ang paulit-ulit na babala sa kanya na itigil ang kanyang mga kriminal na aktibidad kaya ipinatupad na ng mga operatiba ng Mt. Amandewin Command ang hatol.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|