Kasunduang ilibre ang US sa pag-uusig sa ICC, kinundena
Mariing kinundena ng Partido Komunista ng Pilipinas ang kasunduan ng US at rehimeng Arroyo na huwag iharap ang sinumang mamamayan ng US sa pag-uusig sa International Criminal Court (ICC) o anumang "third country" para sa mga krimen laban sa sangkatauhan. Ang kasunduan, na tinaguriang "Article 98," ay nilagdaan nina Foreign Affairs Secretary Blas Ople at US State Secretary Colin Powell bago pa man tumulak papuntang US si Arroyo noong Mayo.
Sa isang pahayag sa midya nitong Hunyo 3, sinabi ni Gregorio "Ka Roger" Rosal, tagapagsalita ng Partido, na ang Article 98 ay tiyak na kunektado sa layuning paigtingin at palawakin pa ang saklaw ng interbensyong militar ng US sa bansa. Dahil hindi papanagutin ang mga tropa at operatiba ng US sa kanilang mga krimen, aniya, lalong lalakas ang loob nilang maglunsad ng walang pakundangang agresyon.
Sinabi rin ni Ka Roger na ang Article 98 ay labag sa 1998 Rome Statute na pinirmahan ng Pilipinas noong Disyembre 2000. Ang Rome Statute ay internasyunal na kasunduang pirmado ng 139 na bansa at nagtatag sa ICC. Ang ICC ang inatasang maglitis sa mga krimen tulad ng henosidyo, mga krimen sa digma at krimen kaugnay ng agresyon ng mga dayuhang tropa.
Dating pinirmahan na rin ito ng US subalit umatras ito rito noong Mayo 2002. Mula noon, patuloy nang iniipit ng US ang iba't ibang bansa upang tumiwalag o huwag pumirma rito. Sa ngayon, umaabot na sa 39 na bansa ang napalagda ng US sa Article 98 bunga ng pangangampanya nitong uk-ukin ang bisa ng Rome Statute. Hanggang Hulyo 1 ang ibinigay na taning ng US sa mga bansang pumirma sa Rome Statute na kumalas dito, kundi'y pagkakaitan sila ng US ng ayuda militar.
Sa kaugnay na balita, iginiit ni Vice President Teofisto Guingona kay Foreign Affairs Secretary Blas Ople na dapat ihayag na sa publiko ang buong kasulatan ng Article 98. Ipinahayag niya ang pangamba na sasaklawin nito maging ang mga tropang Amerikanong gumawa ng mga ordinaryong krimen. Sinabi rin niya na ang Article 98 ay isang tratado na dapat talakayin at ipaubaya sa senado at lagpas na sa saklaw ng ehekutibo.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|