Hinggil sa rebolusyonaryong pagbubuwis
Bunga ng papalawak na saklaw ng rebolusyonaryong kapangyarihang pampulitika at ng wastong paggamit ng karapatang pang-estado, matagumpay na naisasakatuparan ang patakaran ng rebolusyonaryong pagbubuwis sa maraming larangang gerilya sa buong bansa.
Kaya naman nanggagalaiti ang reaksyunaryong estado. Sa desperasyong siraang-puri ang Partido at Bagong Hukbong Bayan (BHB), nililibak ni Estrada at ng kanyang pasistang kampon ang rebolusyonaryong pagbubuwis bilang "ekstorsyon" o "pagpapahirap sa masa". Nais nilang itangging may umiiral na kapangyarihang pang-estado bukod sa reaksyunaryong gubyerno na kinikilala kahit ng mga dayuhang monopolyo-kapitalistang empresa at buong-pusong sinusuportahan ng masang api.
Lehitimong gawain ang rebolusyonaryong pagbubuwis
Isang lehitimong gawain ng demokratikong gubyernong bayan ang rebolusyonaryong pagbubuwis. Isinasakatuparan ito saanman umiiral at maaaring pairalin ang Pulang kapangyarihang pampulitika. Ang salapi at rekursong natitipon mula sa gawaing ito ay ipinanunustos sa administrasyon ng gubyernong bayan at mga proyektong tumutugon sa kagalingan ng mamamayan; at sa kolektibong pangangailangan ng Partido, BHB at mga organisasyong masa.
Ang rebolusyonaryong buwis na ipinapataw sa mga kaaway sa uri ay makatwirang bayad sa pribilehiyo o kunsesyong ibinibigay sa kanilang negosyo o anumang empresa sa loob ng saklaw ng gubyernong bayan. Kaakibat ng pagbabayad ng buwis ang pagsunod sa mga patakaran at batas ng gubyernong bayan na pangunahing nakatuon sa pangangalaga sa kagalingan ng mamamayan at rebolusyonaryong kilusan.
Boluntaryo o obligadong kinikilala ng paparaming mga panginoong maylupa, reaksyunaryong pulitiko at ng mga empresa ng malalaking kumprador ang rebolusyonaryong pagbubuwis. Dahil dito, sa mga nakaraang taon, ang nalilikom na rekurso sa rebolusyonaryong buwis ang bumubuo ng malaking bahagi ng pondong pangoperasyon ng rebolusyonaryong kilusan.
Mga katangian ng rebolusyonaryong pagbubuwis
Sa mahigpit na patnubay ng Partido, ipinatutupad ng BHB ang patakaran ng rebolusyonaryong pagbubuwis na may sumusunod na katangian alinsunod sa mga kundisyong itinatakda ng kasalukuyang antas ng pakikidigmang gerilya:
Una, may istrukturang makauri at progresibo, ibig sabihin, mas malaki ang buwis ng malalaking mapagsamantalang empresa kaysa sa mas maliliit;
Ikalawa, may simple at natatanging sistema, istruktura, batayan at paraan ng koleksyon at may natatangi ring mga hakbangin sa pagpapatupad at paggawad ng parusa sa mga lumalabag;
Ikatlo, pangunahing pinagkukunan ng buwis ang mga empresang may operasyon sa kanayunan at sa naaabot ng pakikidigmang gerilyang nakabase sa mga lugar na ito;
Ikaapat, desentralisado at pleksible ang pag-asikaso at pagpapatupad ng pagbubuwis at ang pagtatakda ng mga tantos nito sa ilalim ng sentralisadong gabay at mga patakaran at ilang antas ng koordinasyon; at
Ikalima, maaaring isakatuparan ang pagbubuwis sa pambansa at inter-rehiyunal na antas bukod sa antas rehiyon at lokal.
Ang rebolusyonaryong buwis ay ipinapataw natin pangunahin sa mga operasyon o empresang pag-aari ng mga dayuhang malaking kapitalista, malalaking burgesyang kumprador, burukratang kapitalista at mga panginoong maylupa. Nasa prayoridad ring singilan ng buwis ang mga partikular na proyekto o operasyon ng reaksyunaryong pamahalaan. Sekundaryong kabilang din sa maaaring patawan ng rebolusyonaryong buwis ang mga operasyon ng panggitnang burgesya at mayayamang magsasaka.
Ginagamit ang makauring pamumwersa laban sa mga operasyon at negosyo ng mga mapagsamantalang uri kung tumanggi ang mga itong tuparin ang kanilang mga obligasyong buwis sa rebolusyonaryong pamahalaan. Subalit sa mga negosyo ng mga panggitnang burges at mayamang magsasaka, ginagamit natin ang paraang mapanghimok kaysa mapamilit.
Magkaiba bagamat magkaugnay na proseso ang pagsingil ng rebolusyonaryong buwis sa kaaway sa uri at ang paggiit ng mga manggagawa at magsasaka ng kanilang pang-ekonomyang interes sa kapitalista o panginoong maylupa. Sa pagsasakatuparan ng pagbubuwis, sinusuportahan ng Partido o gubyernong bayan ang adyenda ng mga manggagawa at magsasaka; bagamat ang tagumpay sa pagkamit ng kanilang interes ay nakasalalay pangunahin sa kanilang kolektibong pagkilos.
Hinggil sa usapin ng mga kontribusyon
Sa kasalukuyang antas ng digmang bayan, ang pondong nakakalap mula sa hanay ng batayang masa ay itinuturing nating kontribusyon at iniiba sa rebolusyonaryong buwis. Kabilang dito ang tulong na boluntaryong ibinibigay ng masa pati na ang makatwirang bahagi ng benepisyong natamo sa rebolusyong agraryo o pakikibakang unyon na demokratikong pinagpapasyahan ng organisasyong masa at boluntaryong ibinibigay sa Partido, sa kanilang rebolusyonaryong organisasyon o sa pamahalaang bayan.
Sa pamamagitan ng pagturing sa mga ito bilang kontribusyon sa halip na buwis, natitiyak na ang kalakhan ng pondong panustos sa mas mataas na antas ng gubyernong bayan ay nagmumula sa pagbubuwis sa kaaway sa uri at sa mga may malaking kakayahang tumupad sa obligasyon. ISANG LEHITIMONG GAWAIN NG DEMOKRATIKONG GUBYERNONG BAYAN ANG REBOLUSYONARYONG PAGBUBUWIS. ISINASAKATUPARAN ITO SAANMAN UMIIRAL AT MAAARING PAIRALIN ANG PULANG KAPANGYARIHANG PAMPULITIKA. |
Ang pagbubuwis sa hanay ng masa, kaiba sa kaaway sa uri, ay hindi bayad sa kunsesyon o mga pribilehiyo. Sa halip, ito ay bahagi ng sistematikong paglikom ng pondo para sa pagsasakatuparan ng mga tiyak na serbisyong panlipunan. Dahil hindi pa ito sistematikong matutugunan, ang pagbubuwis sa masa ay maisasagawa lamang sa mas mataas na antas ng digmang bayan at matapos maitatag ang mga kinakailangang istruktura ng rebolusyonaryong gubyernong bayan.
Ang kinakalap na kontribusyon mula sa masa ay tinitiyak na hindi pabigat o nakasasagasa sa interes nila. Sinisiguro na sa paraan ng pangangalap, mahigpit na isinasaalang-alang ang kakayahan at kamulatan ng batayang masa. Hindi ito kinasasangkutan ng pamumwersa o ng mga hakbanging pandisiplina tulad ng sa sistema ng pagbubuwis.
Ipinatutupad natin ang rebolusyonaryong pagbubuwis bilang bahagi ng mahusay na paggamit ng karapatang pang-estado ng demokratikong gubyernong bayan.
Bagamat ang gawaing pagbubuwis ay hindi kasinsaligan ng mga gawaing pagbubuo ng Partido, armadong pakikibaka at nagkakaisang prente, ang pagsasakatuparan nito ay di maiaalis na bahagi ng kabuuang pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan. Ang mahusay na patakaran sa pagbubuwis ay nag-aambag nang malaki sa ibayong pagsulong ng kabuuang rebolusyonaryong pagsisikap; habang ang pagsulong ng rebolusyon ay nagtataas ng ating kakayahan sa pagsasakatuparan ng rebolusyonaryong pagbubuwis.
|