Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Balita

 Read this article in English

16 armas, nasamsam ng BHB sa Misamis Occidental

Labing-anim na malalakas na riple ang nasamsam ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Kanlurang Mindanao nang ireyd nito ang isang detatsment ng CAFGU noong Hunyo 30. Ang matagumpay na reyd ay isinagawa sa Sinaad, Sapang Dalaga, Misamis Occidental.

Nasamsam ang 13 M14, dalawang M16, isang garan at isang hand-held na radyo. Walang nagawa ang mga CAFGU nang sumalakay ang BHB sa kanilang himpilan.

4 sundalo patay, 2 sugatan sa ambus sa Bulacan

Apat na sundalo ng 34th Special Forces Company Riverine ang napatay at dalawa pa ang nasugatan nang tambangan sila ng mga Pulang mandirigma sa pagitan ng Barangay Binakod at Barangay Sta. Cruz, Paombong, Bulacan nitong Hulyo 3 ng umaga. Nagpapatrulya ang mga sundalo sa ilog nang sila ay tambangan.

Sa sumunod na araw, dalawang sasakyan ng 305th PNP Provincial Mobile Group ang sinunog ng isang tim ng BHB sa Barangay Panasahan sa kanugnog na bayan ng Malolos.

Mga pulis, inambus sa Surigao

Matagumpay na inambus ng BHB ang isang pangkat ng mga pulis sa haywey ng Barangay Alipao, Alegria, Surigao del Norte noong huling linggo ng Hunyo. Isang M14 at 9 mm na pistola ang nasamsam mula sa pananambang. Isang pulis ang napatay at isa pa ang nasugatan.

Pabalik na ang mga pulis sa kanilang istasyon mula sa isang operasyon nang tambangan sila ng BHB bandang alas-6 ng gabi.

Mga sundalo, inambus ng BHB sa Samar

Nagulat at di na nakapanlaban ang mga elemento ng 34th IB na inambus ng BHB noong Hunyo 30 sa pagitan ng Barangay Concepcion at Barangay Lawaan sa Paranas, Samar. Lulan ng isang six by six na trak ang anim na sundalo nang paulanan ng bala ng mga Pulang mandirigma. Pabalik ang mga tropa sa kanilang himpilan sa San Jorge, Samar nang tambangan sila ng BHB bandang 12:30 ng tanghali. Dalawa sa mga sundalo ang napatay at apat pa ang sugatan.

Pinasabog ng BHB ang trak gamit ang mga command-detonated land mine.

Mga aksyong pagparusa, inilunsad sa Negros, Davao Oriental at Tarlac

Inako ng Boy Gatmaitan Command ng BHB-Negros ang panununog sa siyam na bus ng Ceres Bus Line mula Pebrero hanggang noong Hunyo 20. Ang mga bus ng Ceres ay pag-aari ng Vallacar Transit Inc.

Sa isang pahayag na lumabas noong Hunyo 21, sinabi ni Ka Bayani Obrero, tagapagsalita ng BHB-Negros, na ang panununog sa mga bus ng Ceres ay kaparusahan sa pamilyang Yanson, may-ari ng Vallacar. Marami na aniyang pagkakasala ang pamilyang Yanson sa mamamayan at sa rebolusyonaryong kilusan. Kabilang dito ang di pagbabayad ng karampatang buwis sa rebolusyonaryong kilusan, pangangamkam ng lupa sa Hinobaan, Negros Occidental at Escalante City para gawing terminal ng Ceres, pambabarat sa sahod at mga benepisyo ng mga manggagawa nito at di pagsagot sa mga obligasyon sa mga biktima ng mga aksidenteng kinasasangkutan ng Ceres.

Sinunog naman ng mga Pulang mandirigma ang isang bus ng LCI, isang kumpanya sa transportasyon, sa Sityo Tagamot, Barangay Dawan, Mati, Davao Oriental noong Hunyo 23. Pinarusahan ang LCI dahil sa pagpapabaya nito sa mga biktima sa mga aksidente.

Sa Barangay Mamonit, Mayantoc, Tarlac, sinunog ng isang iskwad ng BHB noong Hunyo 11 ang dalawang cement mixers at isang trak na nagkakahalaga ng ilang milyong piso. Ito�y dahil sa di pagtalima ng may-ari nitong si Francisco Dizon sa patakaran ng rebolusyonaryong kilusan sa pagbubuwis.

Planong pagpapasara ng 10 ospital sa Isabela, binatikos

Binatikos ni Ka Lorena Magtanggol, tagapagsalita ng NDF-Cagayan Valley, ang planong pagpapasara ng 10 pangkomunidad na ospital sa Isabela. Sinabi ni Magtanggol na mas binigyang prayoridad ng gubernador ng prubinsya na si Faustino Dy Jr. ang pagtatayo ng magarbong gusaling medikal sa Ilagan (kabisera ng Isabela) sa halip na dagdagan ang pondo ng maliliit na ospital na sumeserbisyo sa mahigit 270 baryo sa mga liblib na bayan ng Isabela. Dahil dito, aniya, hindi lamang mapagkakaitan ng serbisyong pangkalusugan ang mahihirap, marami pang mga doktor at manggagawang pangkalusugan ang nanganganib na mawalan ng trabaho.

Ang mga ipasasarang ospital ay ang Dinapigue Medicare and Emergency Hospital, Jones Medicare and Community Hospital, San Mariano Medicare and Community Hospital, San Antonio Municipal Hospital, Quirino Medicare and Community Hospital, Quezon Emergency Hospital, San Guillermo Emergency Hospital, Elvin Masigan Municipal Hospital, Faustino Dy Emergency Hospital sa Villa Concepcion sa Cauayan at Tumauini District Hospital.

Dahil dito, mapipilitan ang mga taumbaryo na maglakbay nang aabot sa mahigit 30 kilometro bago makarating sa pinakamalapit na pagamutan.

Pagpapakatuta ng rehimen, kinundena sa Araw ng Kalayaan

Kinundena noong Hunyo 12 ng may 2,000 manggagawa, magsasaka, kababaihan, guro, kabataan at iba pang sektor mula sa Kamaynilaan, Gitna at Timog Luzon ang planong pagdeploy ng mas maraming tropang Amerikano sa Pilipinas. Kasabay nito, naglunsad rin ng ganitong mga pagkilos sa mga mayor na lunsod sa buong bansa. Tinuligsa ng iba�t ibang organisasyon ang buladas ng rehimeng Macapagal-Arroyo na tagumpay ang Balikatan 02-1. Anila, sinabi lamang ito ni Macapagal-Arroyo upang maaprubahan ang walang-hangganang panghihimasok-militar ng US sa pamamagitan ng RP-US Mutual Logistics and Support Agreement.

Upang ilarawan ang sagad-sagarang pagkapapet ng rehimeng Macapagal-Arroyo, ipinarada ng mga nagrali ang "Statue of Puppetry". Pinuna rin nila ang maluhong hungkag na selebrasyon ng Malakanyang sa Araw ng Kalayaan, na nagkahalaga ng P10 milyon. Kinundena rin nila ang pagharang ng daan-daang anti-riot na pulis sa rali kung saan inaresto ang pitong demonstrador, kabilang ang apat na bata.

Samantala, sa isang pahayag ay ipinanawagan ng iba�t ibang organisasyon sa Canada ang pag-alis ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas. Ipinanawagan din nila ang pagpapatuloy ng di pa natatapos na pakikibaka ng mamamayang Pilipino para sa tunay na kasarinlan at demokrasya.

Welga sa pier, tagumpay

Sa pamumuno ng Samahan ng mga Manggagawa sa Pantalan, naparalisa ng welga ng may 500 manggagawa mula sa Pier 2, 4, 6, 12, 14 at 16 ang operasyon sa Manila North Harbor noong Hunyo 25. Tinutulan ng mga manggagawa ang pagkakait sa kanila ng United Dockhandlers Inc. (UDI) ng mid-year bonus, 13th month pay at iba pang benepisyong naipanalo na nila sa CBA. Sumuko ang UDI at nangakong ibibigay ang mga benepisyong nagkakahalagang P8 milyon sa may 1,000 manggagawa.

Laban ng manggagawa sa FTI, umiinit

Tinuligsa ng mga manggagawa ng Food Terminal Inc. (FTI) sa Taguig, Metro Manila ang patuloy na pagkakait ng maneydsment na makipagkasundo para sa isang makatarungang collective bargaining agreement (CBA). Anila, ang mga nauna nang napagkaisahan tulad ng dagdag sa mga benepisyo at ang inialok ng maneydsment na P1,800 dagdag sa sahod kada buwan ay binawing lahat ng negotiating panel ng FTI sa utos ng Malakanyang. Tinakot pa ang mga manggagawa na ipasasara o isasapribado ng Malakanyang ang korporasyon kung igigiit nila ang kanilang mga kahilingan.

Pinabulaanan ng mga manggagawa ang idinadahilan ng maneydsment na nalulugi na ang FTI. Katunayan, anila, ang FTI lamang ang korporasyon na solong pag-aari ng gubyerno na hindi tumatanggap ng subsidyo mula sa pamahalaan. Sa halip nag-aakyat pa nga ito ng pera na ginagamit ng mga nagdaan at kasalukuyang rehimen.

Iginiit ng mga manggagawa na kung hindi ipagkakaloob ang kanilang makatarungang mga kahilingan, dadalhin nila sa welga ang mahigit anim-na-buwan nang pakikipaglaban para sa CBA.

Koronel, kinasuhan sa pagpatay sa 2 myembro ng Bayan Muna

Sinampahan ng kasong pagpatay at bigong pagpatay sa dalawang myembro ng Bayan Muna sina Col. Jovito Palparan, kumander ng 204th Bde; M/Sgt. Larry Hilario, operatibang paniktik; at Aniano "Silver" Flores at Larry Viena Aparato, mga asset ng militar. Ang mga biktima na pinagbabaril noong Mayo 28 ay sina Edilberto Napoles at Ruel Landicho. Napatay si Napoles samantalang sugatan si Landicho, na siyang kumilala kina Flores at Aparato bilang mga salarin. Inakusahan ng Bayan Muna bilang mastermind ng mga pagpaslang sina Palparan at Hilario.

Apila ng Mamburao 6, ibinasura ng korte

Kinundena noong Hunyo 21 ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang pinakahuling desisyon ng Quezon City Regional Trial Court na nagbasura sa apila para sa rekonsiderasyon ng kaso ng tinaguriang Mamburao 6.

Ang Mamburao 6 ay mga lider-magbubukid sa Occidental Mindoro na pinaratangang pumatay sa mga anak ng despotikong panginoong maylupang si Ricardo Quintos noong 1999. Mula�t sapul ay inako na ng BHB ang pagpaparusa sa mga Quintos.

Anang KMP, sa pagbabasura ng apila, patuloy na ginagawang kriminal ang lehitimong pakikibaka ng mga magsasaka para sa tunay na repormang agraryo.

Mamamayan, patuloy na tumututol sa San Roque Dam Project

Sa harap ng pagmamadali ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo na tapusin na ang San Roque Multipurpose Dam Project (SRMDP), tuluy-tuloy at ibayong pinaiigting ng mamamayan ng Kordilyera ang paglaban dito.

Noong Hunyo 22, kinundena at tinawag na hungkag ng mga grupong kontra-SRMDP ang dayalogo na inisponsor ng Malakanyang para umano talakayin ang mga usapin kaugnay ng proyekto. Inimbitahan sa dayalogo ang malalaking alyansa sa Kordilyera na tutol sa proyekto, subalit hindi pinakinggan ang kanilang hinaing na itigil ang konstruksyon ng dam. Hinarangan din ang may 800 magsasaka mula sa Pangasinan at Itogon na nagpiket laban sa dam sa tarangkahan ng San Roque Power Corporation (SRPC).

Mariing tinuligsa ng mga alyansa ang pagbubuhos ng gubyerno ng pondo sa SRMDP sa kabila ng paulit-ulit nilang pag-apila na itigil na ang proyekto. Noong Hunyo 22, iniutos ni Macapagal-Arroyo na ilaan dito ang halagang $20 milyon (P1 bilyon) na nautang niya nang bumisita sa China. Sinusuyo rin ng gubyerno ang Japan Bank of International Cooperation na ituloy na ang nakabimbing $400 milyon (P20 bilyon) nitong pautang para sa SRMDP. Iniatras ng Japan ang pondong ito dulot ng pagtutol ng mga aktibistang Hapon.

Binigyang-diin ng Cordillera People�s Alliance ang mga kaugnay na suliraning kakaharapin ng mamamayan sa operasyon ng dam. Isa na rito ang pagbabayad sa $40 milyong inutang ng gubyerno para tapusin ang dam. Panibagong bayarin ito sa mga dayuhang nagpopondo sa proyekto. Bukod rito, tiyak na lalong tataas ang singil sa kuryente oras na makapag-ambag ang dam ng 345 karagdagang megawatts sa National Power Corporation (Napocor). Ipapasa ng Napocor ang pagbabayad sa karagdagang enerhiya sa mga konsyumer sa pamamagitan ng PPA.

Task Force Hope, inilunsad laban sa rebolusyonaryong kilusan

Inilunsad noong Hunyo 29 ng AFP, PNP at Commission on Elections ang Task Force Hope upang pigilan diumano ang rebolusyonaryong kilusan sa pag-impluwensya sa eleksyong pambarangay. Tampok sa Project Hope ang mga opensibang operasyong kombat at paniktik laban sa rebolusyonaryong kilusan. Tinaguriang pangunahing "election hot spots" at kung gayo�y pagkokonsentrahan ng mga operasyon ang Gitnang Luzon, Timog Katagalugan at Bikol. Kaugnay nito, isang batalyon na ng Philippine Marines ang ipinakat kamakailan sa Camarines Norte at Camarines Sur. Nagdagdag din ng mga pwersang militar sa iba�t iba pang lugar sa bansa kung saan malakas ang rebolusyonaryong kilusan dahil "pinalalakas ng PKP at BHB ang presensya sa mga lokalidad at kontrol nila sa mga pampulitikang istruktura ng mga barangay sa pamamagitan ng eleksyon sa Hulyo 15."

Mga paramilitar, dinagdagan sa Northern at Central Luzon

Noong Hunyo 15, pormal na binuo ang 13 kumpanya ng CAFGU sa ilalim ng 5th ID sa Northern Luzon at 7th ID sa Central Luzon upang dagdagan ang pwersang paramilitar at militar sa mga kontra-rebolusyonaryong operasyon. Limang kumpanya ang binuo sa Northern Luzon at walo sa Central Luzon. Ginawa nitong 72 ang kabuuang bilang ng mga kumpanya ng CAFGU na nakapakat sa dalawang rehiyon. Di pa kabilang dito ang grupong Cordillera People�s Liberation Army na kasalukuyang sinasanay ng AFP para sa ganap na integrasyon. Ginawa ito ng AFP batay sa pananaw na muling lumalakas ang pwersang rebolusyonaryo sa Ilocos, Kordilyera, Cagayan at Central Luzon.

KARAPATAN, hinaras ng mga sundalo, pulis

Inilantad ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) noong Hunyo 20 ang paglabag ng mga tropa ng Task Force Makiling sa mga karapatang-tao ng mga myembro ng fact-finding mission na pinangunahan ng KARAPATAN-Batangas. Ayon sa pahayag nito, nakatakdang imbestigahan ng fact-finding mission ang mga pang-aabuso sa mamamayan ng mga sundalo at pulis ng Task Force Makiling. Anang KMP, ang mga babaeng kalahok sa misyon ay hinaras at binastos ng mga taga-Task Force, habang ang kalalakihan ay binugbog at kinulata. Ang nasabing task force ay nagbabantay sa mga lupaing pag-aari ng malalaking asendero sa Timog Katagalugan gaya ng mga Roxas, Puyat at Lopez.

Mga anti-migranteng patakaran, itinutulak ng DOLE

Nakipagkasundo ang DOLE sa gubyerno ng Saudi Arabia para kaltasan nang 25% ang minimum na sahod ng mga migranteng manggagawang Pilipino roon. Ayon din sa kasunduan, bawal nang magsampa ng kaso laban sa kanilang mga rekruter at amo ang mga migranteng manggagawa kung may mga paglabag sa kontrata. Sasaklawin ng kasunduan ang may 400,000 manggagawang Pilipino sa Saudi Arabia na may mababang antas ng kasanayan. Idineklara ring iligal ang mga welfare center sa labas ng embahada ng Pilipinas. Ginagawang kriminal ng gayong deklarasyon ang pagdulog ng mga problemadong migranteng manggagawa sa Migrante at iba pang alternatibong welfare center.

4.87 M Pilipino, walang trabaho

Umabot na sa 4.87 milyong Pilipino noong Abril ang upisyal na itinuturing ng gubyerno na walang trabaho. Sadyang mas malaki dito ang aktwal na bilang dahil sa panduduktor ng gubyerno sa estadistika. Palatandaan din ito na bigo ang rehimeng Macapagal-Arroyo na lutasin ang malawakan at papalalang disempleyo sa bansa. Ang tantos ng disempleyo na 13.9% ang pinakamataas na naitala sa loob ng dalawang taon. Lahat ng rehiyon ay nagtala ng matataas na tantos ng disempleyo, pangunahin na ang Metro Manila (20.3%). Samantala, ayon sa National Statistics Office, 5.9 milyon o 19.6% sa kabuuang bilang ng mga may trabaho ang underemployed o kulang ang trabaho.

PN sinanay ng British Navy

Dumaong noong kalagitnaan ng Hunyo sa Pier 15 ng Manila South Harbor ang HMS Nottingham ng British Royal Navy (BRN) para sa limang-araw na pagsasanay. Lulan ng HMS Nottingham, isang air defense destroyer, ang 250 tropa ng BRN.

Rest and recreation umano ang pakay ng pagbisita ng mga tropa ng United Kingdom. Subalit matingkad na bahagi ng kanilang aktibidad ang pagsasanay sa mga tropa ng Philippine Navy na nakatalaga sa Malampaya Gas Fields sa Palawan hinggil sa pakikidigmang pandagat.

Mga balita mula sa hanay ng mga estudyante at guro

Bilang ng mga estudyante sa pribadong kolehiyo, bumagsak. Bumagsak ang bilang ng mga estudyante sa mga pribadong eskwelahan ngayong pasukan dahil sa pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin. Sa Adamson University sa Maynila, bumaba nang 12% ang bilang ng mga estudyante. Sa University Belt at Taft sa Maynila, patuloy pa ring tumatanggap ng mga magaaral ang mga eskwelahan isang linggo matapos ang unang araw ng pasukan dahil sa kakulangan ng mga estudyante. Patuloy din ang enrollment sa mga eskwelahan ng AMA sa kalagitnaan ng Hunyo kahit noong Mayo 28 pa nag-umpisa ang pasukan dito.

"Kabataan, napupwersang magtrabaho imbes na mag-aral" � Anakbayan-Negros. Ipinahayag ng Anakbayan-Negros Oriental noong Hunyo 11 na maraming kabataan sa prubinsya ang di makapag-aral dahil sa papataas na halaga ng edukasyon at tumitinding kahirapan. Dahil dito, ani Dionmarx Dionson, tagapangulo ng organisasyon, 75% ng 300,000 kabataan sa prubinsya na nasa edad mag-aral ang napupwersang magtrabaho sa sektor ng agrikultura o konstruksyon. Tinuligsa rin ni Dionson ang gubyerno sa pagbibigay ng higit na prayoridad sa pagtugis ng militar sa Abu Sayyaf kumpara sa edukasyon.

Mga guro at estudyante, nagrali. Naglunsad ng koordinadong kilos-protesta ang mga guro at estudyante sa Baguio, Gitnang Luzon, Bicol, Samar, Panay, Davao City at Metro Manila noong Hunyo 17, upang tutulan ang kalunus-lunos na kalagayan ng edukasyon sa bansa.

Ipinahayag ng mga estudyante ang kanilang mariing pagtutol sa muling pagtataas ng matrikula sa napakaraming eskwelahan. Binatikos din nila ang CHEd bilang instrumento lamang sa komersyalisasyon ng edukasyon at kasabwat ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa pagkakait ng edukasyon at serbisyo-sosyal sa kabataan.

Sa pamumuno ng Alliance of Concerned Teachers, tinuligsa ng mga guro ang Basic Education Curriculum, ang napakasalat na badyet sa edukasyon at ang mababang sahod ng mga guro.

Inumpisahan din ni Bayan Muna Rep. Liza Maza, mga lider-guro at lider-estudyante ang "Bisita Eskwela" � ang pagbisita sa mga pampublikong paaralan para imbestigahan ang mga problemang bumabayo sa mga guro at mag-aaral.

28 estudyante, sumapi sa BHB. Dalawampu�t walong estudyante mula sa ilang kolehiyo at unibersidad sa Metro Manila ang nagpasyang sumapi sa BHB nitong unang anim na buwan ng 2002. Dalawampu�t apat naman ang nagpasyang buong panahong kumilos sa kalunsuran.

Ayon din sa ulat ng Pambansang Kawanihan para sa Kabataan-Estudyante, noong nakaraang taon ay 40 sa 115 estudyanteng nagpultaym mula sa mga naturang eskwelahan ang sumapi sa BHB o nadeploy sa iba�t ibang larangan ng gawain sa kanayunan. Tatlumpu�t anim naman ng 70 nagpultaym noong 1999 ang sumapi sa BHB.

Bukod sa mga ito, may higit na malaki pang bilang ng mga estudyante sa mga paaralan sa mga prubinsya ang sumapi sa BHB at nagpultaym sa pagkilos sa iba�t ibang rehiyon.

"Di na kailanman manunumbalik ang kapitalismo"�parlamento ng Cuba

Lubos na pinagkaisahan ng National Assembly ng Cuba na italaga sa konstitusyon na di na maaaring iatras ang 41-taong sosyalistang sistema sa bansa. Pinagtibay ang susog sa konstitusyon makalipas ang tatlong araw na pagpupulong hinggil dito. Sa mismong botohan, na pinangunahan ni Pres. Fidel Castro, sumigaw ng malakas na "Si!" (Oo) ang bawat bumoto. Matapos ideklarang may pagkakaisang lubos, magkakapit-kamay na inawit ng mga deputado ang pambansang awit ng Cuba at ang Internasyunal. Idineklara ni Castro ang pagpasok ng Cuba sa sistemang sosyalista dalawang taon matapos magtagumpay ang rebolusyon dito noong 1959.

Pangkalahatang welga sa Spain, tagumpay

Milyun-milyong manggagawa ang lumahok sa isang 24-oras na pangkalahatang welga noong Hunyo 20 sa Spain. Halos 84% ng manggagawa ay lumahok sa pangkalahatang welga na inorganisa ng dalawa sa pinakamalalaking unyon sa bansa. Ang welga ay itinaon sa bisperas ng European Union Summit sa Seville at sa p