Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Hindi mapapanatag ang paghahari ni GMA

 Read this article in English

Habang humihigpit ang maniobrahan at umiigting ang girian sa hanay ng mga pangunahing nagbabanggaang kampo ng mga reaksyunaryo, lalo ring tumitindi ang pandarahas, panggigipit at pananakot ng reaksyunaryong estado sa mga demokratikong pwersa at lehitimong nagproprotestang mamamayan, bukod pa sa mga pangunahing karibal ng nakaupong rehimen sa reaksyunaryong paghahari.

Todo-todo ang pandaraya at iba pang panggugulang ng kampo ni Arroyo para makapanatili lamang sa poder. Hindi naging sapat ang bilyun-bilyong pondo at mga programa ng gubyerno na ginamit ng kampo sa kampanya upang matiyak ang pagkapanalo ni Arroyo.

Iginigiit ng kampo nina Fernando Poe Jr., ang pinakamahigpit na karibal ni Arroyo, na sila ang nanalo. Naglabas sila ng mga ebidensya ng mga pagdodoktor sa mga election returns at sinisikap nilang pabuksan at ipaeksamin ang mga kahina-hinalang election returns na paulit-ulit namang hinarang ng kampo ni Arroyo. Ang mga pakulo at bangayan ng magkasalungat na kampo ang nagpatagal sa pagbibilang.

Sa desperasyong matiyak ang proklamasyon ni Gloria Arroyo at Noli de Castro bilang nagwaging presidente at bise-presidente, ginagawa ng rehimen ang lahat ng hakbangin at maniobra laban sa mga karibal at sa nagpoprotestang mamamayan. Brutal nitong sinupil ang mga aksyong protesta habang minadali ang pagbibilang at proklamasyon.

Libu-libong armadong "anti-riot" na pulis, bukod pa sa mga pwersa ng AFP National Capital Regional Command, ang ipinakat para pigilin at buwagin ang mga rali at iba pang anyo ng protesta ng mamamayan. Kahit ang pagpuna lamang kay Arroyo at pagprotesta sa mga pandaraya ng rehimen ay itinuring nang mga paglabag sa batas at sapat nang dahilan upang buwagin ang mga nagrarali. Ikinakatwiran ng Malakanyang na ang mga lansakang pandarahas na ito ay laban sa mga "ahente ng anarkiya at pambansang kaguluhan." Walang pinag-iba ito sa pagtawag ni Hitler sa mga tumututol noon sa pasistang rehimeng Nazi.

Upang maisakatuparan ang patakarang kamay na bakal, abalang-abala sina National Security Adviser ng Malakanyang na si Norberto Gonzales, ang militar, pulisya at mga tauhan sa paniktik at saywar sa pagluluto ng kung anu-anong senaryo ng destabilisasyon na diumano�y binabalak at ipinapatupad ng Bagong Hukbong Bayan kasabwat ang oposisyong pulitikal at mga disgustadong upisyal at tauhang militar.

Upang maging kapani-paniwala ang mga senaryong destabilisasyon na ito, ang Presidential Guard Battalion, ang AFP at ang PNP ay nagpalabas ng isang gawa-gawang plano na diumano'y tangkang asasinasyon ng BHB, una laban kay National Security Adviser Norberto Gonzales, dating DND Secretary at ngayo�y hepe ng NAKTAF na si Angelo Reyes at Comelec Chairman Benjamin Abalos. Nitong huli, sina Arroyo at Poe ay target na rin umano ng asasinasyon ng BHB. Pinagtawanan lamang ni Poe ang paglulubid na ito at sinabi niyang hindi ang BHB kundi ang kampo ni Arroyo ang gustong pagulungin ang ulo niya. Sinabi niyang bahagi lamang ito ng malaking pakana para mahadlangan ang mga kasama niya sa kanilang koalisyon, takutin ang mamamayan at supilin ang mga protesta sa malawakang pandaraya sa eleksyon.

Pinakahuling maniobra ng pangkating Arroyo laban sa mga karibal nila ang pagsampa noong Hunyo 19 ng mga kasong kriminal laban sa mga abugado nina Poe at Loren Legarda. Para madaliin ang pagbibilang ng mga boto, hindi man lamang binigyan ng rasonableng panahon ang mga karibal sa pulitika ni Arroyo na makakuha ng mga kapalit na abugado. Pagkaalis na pagkaalis ng mga abugado, dinali-dali na ng mga tauhan ni Arroyo para matapos ang pagbibilang kinabukasan

Gayunpaman, ang lahat ng ito ay babalik at babalik sa rehimeng Arroyo. Lalo lamang nahihiwalay sa mamamayan ang pangkating Arroyo bunga ng pagsupil sa mga lehitimong protesta at sa oposisyon at pambabraso sa mga nasa minorya sa kongreso para maipilit ang panibagong panunungkulan ni Arroyo.

Patuloy na kumukulo ang sitwasyon sa pulitika. Dumarami ang sumasali sa mga protesta laban sa sistematiko at malawakang dayaan at karahasan sa nagdaang eleksyon, sa pagmamadali ng pagbibilang ng kongreso at sa pagsusupil sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan. Naipilit ang "pagkapanalo" ni Arroyo, ngunit ito'y isang panandalian at hungkag na pagkapanalo lamang. Di mawawala ang malawakang duda sa pagkakapanalo niya. Laging mananatiling mabuway ang kanyang paghahari. Hindi mapipigil ang mga unos ng protesta laban sa rehimen hanggang sa tuluyang mapatalsik ito.

 


Previous articleBack to topNext article

21 Hunyo 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Lumalalang krisis pangkabuhayan

Hindi mapapanatag ang paghahari ni GMA
Pananalanta ng Pasistang Estado:
Mga kaso ng pagpatay isinampa laban sa militar

Pandaigdigang Araw ng Desaparecidos, ginunita
Panibagong anomalya sa AFP, nabunyag
Kampanyang anti-malarya ng BHB
Ang sakit na malarya
Pagpapabaya ng gubyerno
Mga Ulat Koresponsal:
Mga tagumpay ng BHB sa Eastern Visayas

Matatagumpay na Opensiba ng BHB:
50 armas nasamsam sa mga reyd ng BHB

Matatagumpay na Opensiba ng BHB:
Hepe ng pulisya sa Angat, Bulacan pinarusahan

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.