Balita
2 martir ng BHB, pinarangalan ng NDF sa Mindanao
Pinarangalan ng National Democratic Front-Northern Mindanao sina Ka Geril Manggubat, tagapagsalita ng Pulang Diwata Command, at Ka Johnny, isang Pulang mandirigma, noong Hunyo 21. Nasawi ang dalawang mandirigma matapos ang matagumpay na reyd sa istasyon ng PNP sa Bayugan, Agusan del Sur noong Hunyo 19. Inabutan sila ng reimporsment ng PNP habang umaatras mula sa lugar ng labanan. Nagsisilbing inspirasyon ang kanilang mga buhay sa higit pang pagpapaigting ng armadong pakikibaka sa rehiyon.
Nakakumpiska ang Red Alimaong Platoon ng pitong M16, limang M14 at mga bala sa naturang reyd. Dalawang tropa ng PNP ang napatay.
Mga bagong kaso ng panunupil sa malayang pamamahayag, ibinunyag
Tumitindi ang panunupil sa malayang pamamahayag sa bansa. Ilang linggo lamang makaraang payagang makabalik sa ere ang Bombo Radyo-Isabela, isa namang programa sa radyo ang pinatitigil ng militar at pulisya.
Noong Hunyo 23, sapilitang pinaalis sa ere ang Radyo Anakpawis, isang lingguhang programa ng Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan, na isinasahimpapawid ng istasyong DZRB sa Batangas City. Ayon sa militar, ang Bagong Hukbong Bayan diumano ang nagmamantine ng programa. Pinatitigil din ang mga pagbatikos sa gubyernong Arroyo.
Nagpahayag ng patutol sa paninikil sina Danny Debolgado, manidyer ng DZRB, at Orly Marcellana, tagapangulo ng Bayan Muna-Southern Tagalog, na anchorman ng programa. Si Marcellana ay byudo ng pinaslang na tagapagtaguyod ng karapatang-tao na si Eden Marcellana. Ipinagpatuloy nila ang pagbobrodkas ng programa sa kabila ng banta ng mga militar at pulis na rereydin nila ang istasyon.
Sa Mindanao, mariing kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan-Socsargen Chapter ang pagpaslang kay Ely Binoya, komentarista at manidyer ng dzRH-Radyo Natin sa prubinsya ng Saranggani, noong Hunyo 17. Dalawang linggo bago siya paslangin sa Barangay Batomelang, binugbog siya ng mga kamag-anak ni Mayor Teodoro Padernilla ng Malungon. Ang kaso ni Binoya ay ika-15 nang dokumentadong kaso ng mga peryodistang pinatay habang gumaganap sa kanilang tungkulin mula 2001.
Anim na pagsasanay militar ng US at AFP, gaganapin mula Hulyo
Nakatakdang simulan ang serye ng mga "pinagsanib na pagsasanay" ng AFP at mga tropang Amerikano para sa taong 2004 sa darating na Hulyo 26 sa Carmen, North Cotabato. Tatagal nang hanggang Agosto 14 ang pagsasanay na ito. Sadyang pinili ng US ang Cotabato dahil sa makapal na presensya ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na inaakusahan nitong nakikipagkutsabahan sa Jemaah Islamiyah (JI), isang grupong itinuturing nitong terorista. Katulad ng nakaraang mga pagsasanay, isinasangkalan ng US at ng AFP ang presensya ng mga rehiyunal na terorista upang itago ang kanilang armadong panghihimasok sa mga usapin ng bansa.
Para sa buong taon, limang pagsasanay pa ang natakdang idaos.
- Fusion 04-2 na magsisimula sa ikalawang linggo at matatapos sa ikatlong linggo ng Hulyo, ayon AFP Information Office. Sasali sa pagsasanay laban sa narkotiko at kontra-terorismo ang US Navy at Joint Interagency Task Force West, Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine Navy at Coast Guard. Idadaos ito sa Subic Bay, Zambales at sa erya ng Southern Command sa Western Mindanao.
- Balance Piston o pagsasanay ng light infantry battalion sa 6th ID Training Unit sa Carmen, Cotabato City mula katapusang linggo ng Hulyo hanggang katapusang linggo ng Agosto. Mga 150 tropa ng Amerikano at Special Forces ng AFP ang sasali.
- CARAT o Cooperation Afloat Readiness and Training ng mga kasapi ng US at Philippine Navy nitong rin Hulyo.
- US-RP Maritime Surveillance Exercises (Marsurvex) na magsisimula sa pagsasanay ng 100 personel sa paggamit ng mga sasakyan pamhimpapawid at pandagat sa unang linggo ng Agosto.
- Palah exercises sa huling kwarto ng taon para sa mga kasapi ng US Navy at Special Warfare Group ng Philippine Navy.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|