Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga Ulat Koresponsal:
Paglaban sa RSOT sa Eastern Visayas

 Read this article in English

Isa sa mga pangunahing pamamaraan ng kaaway ngayon sa pagtatangka nitong madurog ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) at mawasak ang rebolusyonaryong baseng masa ang paglulunsad ng mga operasyon ng Reengineered Special Operations Teams (RSOT).

Ang RSOT ay ikatlong bersyon na ng Special Operations Teams (SOT) na pinakawalan ng reaksyunaryong estado noong dekada 1990. Nang mabigo ang unang bersyon ng SOT na wasakin ang rebolusyonaryong kilusan, muli itong inilunsad at pinangalanang Modified Special Operations Teams (MSOT o "inamyendahang" SOT). At nang mabigo pang muli, nitong huling kwarto ng 2001 ay muli na naman itong inilunsad at pinangalanan nang "reengineered" o "muling binuo" na mga SOT.

Tampok sa RSOT ang pagtatambak ng malaking bilang ng militar sa mga baryo na pinaniniwalaang balwarte ng rebolusyonaryong kilusan. Sisentruhan ng mga ito ang ipinagpapalagay na mga susing baryo at mga kanugnog nito. Karaniwan ay gumagamit ang kaaway ng pinalaking platun o lakas-kumpanyang pwersa na nagrerelyebo para maituluy-tuloy nila ang operasyon sa loob ng matagal na panahon. Kadalasang mula anim na buwan hanggang isang taon tumatagal ang RSOT sa bawat sinesentruhang tipak ng mga baryo.

Habang nasa naturang mga baryo sila, pinalalakas nila ang mga operasyong paniktik upang matukoy ang mga aktibong gerilya ng BHB, mga inuugnayan at napakikilos at mga imbakan ng armas ng mga ito. Naglulunsad rin sila ng civil-military operations sa layuning malinlang at mawasak ang mga organisasyong masa at mahimok ang mga myembro nito na talikuran na ang rebolusyon.

Habang naglulunsad ng operasyong paniktik at CMO ang mga pwersa ng RSOT na nakababad sa mga baryo, mayroon din silang mga pwersang makilos na gumagalugad sa mga paligid at naglulunsad ng operasyong kombat laban sa BHB. Higit na malaki ang mga pwersang nakapakat para sa mga operasyong kombat.

Pagharap ng BHB sa SOT sa Eastern Visayas. Noong huling hati ng 2003, nilagom ng organisasyon ng Partido sa Eastern Visayan (EV) ang mayamang karanasan nito sa pagharap at pagbigo sa mga RSOT.

Natayang matagumpay na nalalabanan ang RSOT sa EV sa kalahatan. Partikular sa prubinsya ng Northern Samar, napananatiling buo at matibay ang rebolusyonaryong baseng masa sa kabila ng matinding panlilinlang at kalupitan na inihahasik ng kaaway para wasakin ang mga ito. Sa halip na makapagpabango at mapalapit sa mamamayan, higit pang nalalantad ang pasistang katangian ng kaaway at lalo itong nahihiwalay. Wala ring nailunsad na matagumpay na atake ang kaaway laban sa BHB kasabay ng mga RSOT nito. Sa halip, ang kaaway pa ang napinsalaan dulot ng mga taktikal na opensiba ng mga Pulang mandirigma.

Malakas na taktikal na pamumuno ng Partido. Susing salik sa pagbibigo ng mga RSOT sa EV ang pagpapanatili ng aktibong taktikal na pamumuno ng mga teritoryal na komite ng Partido sa mga lugar na apektado ng RSOT. Nagtutulungan ang mga namumunong organo ng Partido sa antas-prubinsya, larangan at seksyon para idirihe, isentralisa at ikoordina ang iba't ibang plano at pagkilos laban sa RSOT.

Sa pagbabalangkas ng programa sa pagharap sa RSOT, gumagawa muna ang Partido ng malinaw na pagsusuri sa tinatakbo nito. Sa kalagayang ipinatutupad at pinalalawak sa iba't ibang larangang gerilya ang mga RSOT, sa antas-prubinsya binubuo ang plano sa kampanya ng paglaban dito. Kumprehensibo ang plano, kabilang ang pagkukumbina ng pamamaraang pampulitika at militar, armado at di armado, lihim at hayag at may koordinasyon ng mga pagkilos sa mga larangang gerilya at puting purok. Batay sa binalangkas na plano ng prubinsya, gumagawa ng kaukulang mga plano sa antas larangan at seksyon.

Pinakatuwirang apektado ang mga komiteng seksyon, kaya't pinakamabigat ang responsibilidad ng mga ito sa pagbigo ng RSOT sa kani-kanilang saklaw. Kailangang maging matalas sila sa pagtatakda ng mga wastong tungkulin at deployment ng mga yunit gerilya.

Sa mga pagkakataong maaari pa ring kumilos ang BHB sa mga militarisadong lugar, minamaksimisa ng mga yunit gerilya ang inisyatiba at pleksibilidad, nananatili sa erya at nagpupursigi sa mga gawain sa tulong ng masa. Sa gayon, napapanday at nasasanay ang mga yunit gerilya na magpatupad ng gawain sa harap ng mga panganib.

Lalong nagiging mahalaga ang pangangalaga sa seguridad ng mga yunit gerilya sa mga panahon ng operasyon ng kaaway. Kaya ibayong pinanghahawakan nila ang lihim na pagkilos, maingat na pagbabase at mga katulad na patakaran sa seguridad. Kailangan ding maglatag ang BHB ng sarili nitong lambat-paniktik sa mga baryo at munisipalidad, at maging sa mga detatsment ng kaaway, para palagiang nakakukuha ng wasto at sariwang impormasyon hinggil sa mga plano at kilos ng kaaway.

Papel ng sangay sa lokalidad at mga organisasyong masa. Dahil ipinatutupad ito sa antas-baryo, kritikal na bahagi ng paglaban sa RSOT ang pagpapalakas ng mga sangay ng Partido sa lokalidad at ng mga organisasyong masa. Pinakamalalaki ang natamong tagumpay laban sa RSOT at pinakamaliit ang naging pinsala sa mga lugar kung saan aktibong gumana ang mga sangay ng Partido at organisasyong masa.

Sa mga pagkakataong kailangang ilipat ang konsentrasyon ng pagkilos ng BHB sa labas ng lugar na inooperasyon ng RSOT, kailangang paka-iwasan ang sobrang pagtaya sa panganib at masyadong paglalayo ng yunit sa lugar ng operasyon at sa ugnay sa masa. Tiyaking napananatili ang maayos na ugnay at patuloy na paggabay sa mga sangay ng Partido sa lokalidad at sa mga organisasyong masa. Sa gayon, natutulungan pa rin ng komiteng seksyon ang sangay at mga organisasyong masa, at nakakakalap pa rin ng impormasyon hinggil sa itinatakbo ng RSOT sa lugar.

Sariling pagtatanggol ng baryo. Ilan sa mga kongkretong hakbang na isinasagawa sa antas-baryo matapos makamit ang pagkakaisa ng sangay at mga organisasyong masa hinggil sa pagtanaw at pagtugon sa RSOT ang pagsasaayos ng sariling pagtatanggol ng baryo. Ang mga pamilya ng mga kasamang kumikilos nang pultaym ang pangunahing nanganganib na dikdikin at iharas ng kaaway, kaya tinutulungan silang maghanda sa posibleng pag-iimbestiga at panggigipit ng kaaway. Kabilang din sa mga binibigyan ng oryentasyon ang mga bata dahil sila ang karaniwang nilalapitan ng kaaway upang lansihin at kunan ng impormasyon. Kinukuha rin ng sangay ng Partido at mga organisasyong masa ang kooperasyon ng mga punong barangay at sangguniang barangay para kumilos sa pagtatanggol ng mga tagabaryong binibiktima ng mga abusong militar.

Tuwirang pinakikilos din ng sangay ng Partido ang milisyang bayan upang tiyakin ang kaligtasan ng maiinit na kasama at aktibista sa baryo, bantayan ang kilos ng kaaway at regular na maghatid ng mga sariwang ulat at mga impormasyon sa yunit gerilyang kumikilos sa lugar. Ang mga tukoy o pinaghihinalaang impormer ay dinidikitan, kinakausap, at sinisikap nilang nyutralisahin para hindi magamit ng kaaway. Ang iba ay kinukumbinsing lumiban muna sa ibang lugar.

Bunga ng mga ito, bigo ang kaaway na tukuyin at wasakin ang mga sangay ng Partido at mga organisasyong masa sa baryo. Napangalagaan ang mga kasama at aktibistang pinag-iinitan ng kaaway. At hindi nakapagrekluta ang kaaway ng mga bagong impormer at mga pwersa para sa CAFGU.

Malawak at malakas na kilusang masa. Mabisang sandata laban sa RSOT ang isang malawak at malakas na kilusang masa na gumagamit ng ligal at di ligal, hayag at lihim na mga anyo ng pagkilos at pakikibaka para biguin ang RSOT. Mahalagang sangkap ito sa pagpapanday ng mapanlabang diwa ng masa para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at interes at isulong ang rebolusyon.

Sa karanasan ng EV, matagumpay na nailunsad sa hayag ang pagpapapirma ng libu-libong mamamayan mula sa 112 baryo at 14 na munisipalidad sa petisyon para patalsikin ang RSOT. Nakapaglunsad rin ng delegasyon at dayalogo na nilahukan ng 100 kinatawan ng mamamayan sa 75 baryo at 14 na munisipalidad. Tinalakay, inilantad at tinutulan ang RSOT sa mga porum na inilunsad sa 13 munisipalidad. Naglabas ng mga pahayag sa masmidya, nagtawag ng mga pulong masa, nagsampa ng mga reklamo at kaso sa korte at naglunsad ng kampanya at pagkilos para mapalaya ang mga dinakip.

Sa pamamagitan ng mga hayag at ligal na pagkilos, ibayo pang lumawak ang gawaing alyansa. Napakilos ang malaking bilang ng mamamayan di lamang mula sa batayang masa kundi pati panggitnang pwersa, mga upisyal ng lokal na gubyerno at iba pang sektor. Natamo ang malawak na pagkakaisa laban sa matinding mga abusong militar, dislokasyon ng kabuhayan at pananalanta sa ari-arian na idinulot ng RSOT.

Mga taktikal na opensiba at iba pang aksyong militar. Kung tutuusin, ang mga panahong nagsasagawa ang kaaway ng RSOT ay paborable sa paglulunsad ng mga aksyong militar ng BHB. Mahigpit ang kahilingan ng masa na bigwasan ang mga yunit ng kaaway na nasa loob na mismo ng mga rebolusyonaryong teritoryo. Hindi na kailangan pang dayuhin ang kaaway sa malayong lugar. Bukod sa nakukunan natin sila ng armas, mariing sampal ang mga opensibang ito sa kaaway na nagyayabang sa masa na nalipol na nila ang BHB. Ang mga atake natin sa mga RSOT ay nakatutulong nang malaki para sagkaan ang mobilidad ng kaaway at magsilbing daan sa maagang pagtatapos ng RSOT.

Sa EV, mabisang nasabayan din ng mga espesyal na operasyong partisano ang mga taktikal na opensiba sa mga regular na yunit ng kaaway na sumasabay sa mga RSOT. Mahalagang hakbang-militar ang pagpaparusa noong Enero 2003 kay Maj. Danilo Bilion, ang operations chief ng 803rd Brigade na nakabase sa Northern Samar at pinakapusakal na tagalabag ng karapatang-tao sa prubinsya. Direktang responsable si Bilion sa maraming kaso ng pagtortyur at pagpatay mula pa nang pamunuan niya ang mga SOT bilang upisyal ng 19th IB noong unang bahagi ng dekada 1990. Matingkad din niyang kaso ang pagpapahirap at panggagahasa sa kababaihan kapag naglulunsad sila ng mga operasyong militar. Lalong nakapagpasigla sa masa sa buong prubinsya ang pagpaparusa kay Bilion. Bunga rin nito, nanyutralisa at nakabig ang ilang pwersa ng kaaway.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Abril 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Labanan ang papatinding pang-aapi sa mamamayang Moro

Mga Moro, naglunsad ng protesta
Pananalanta ng pasistang estado:
Mga tampok na paglabag sa karapatang-tao sa unang kwarto

32 sa mahigit 300 bilanggong pulitikal, palalayain
Atake sa mga progresibong partido, tumitindi
Matatagumpay na opensiba ng BHB:
Ambus sa Camarines Sur

Mga Ulat Koresponsal:
Matatagumpay na opensiba inilunsad sa Eastern Visayas

Mga Ulat Koresponsal:
Paggamit ng mga sibilyang pananggalang, kinundena

Mga Ulat Koresponsal:
Paglaban sa RSOT sa Eastern Visayas
Mga Ulat Koresponsal:
Labanan sa Cagayan Valley

Mga Ulat Koresponsal:
BHB sa Mindanao: Lumalakas, lumalawak

Bigong pribatisasyon
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.