Mula sa koresponsal: Mga operasyong militar sa Kabikulan, kinundena
Mariing kinundena ng Romulo Jallores Command (RJC) ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Bikol ang walang habas na militarisasyon sa rehiyon.
Sa isang pahayag noong Agosto 6, tinuligsa ni Kasamang Jose Buenaobra, tagapagsalita ng RJC, ang pagkubkob ng Alpha Company ng 42nd IB noong Hulyo 28 sa bahay na diumano'y pinaghihimpilan ng mga Pulang mandirigma sa Sityo Naposte, Barangay Amomokpok, Ragay, Camarines Sur.
Pinatay ng mga reaksyunaryong tropa sa naturang opensiba si Jesus "Ka Lito" Emeros at hinuli ang isang kabataang nagngangalang Matias Rafael Padilla Din. Si Ka Lito ay tubong Ragay at pinaratangang mandirigma ng BHB. Si Matias Din naman ay isang dating mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City na nakikipamuhay sa mga magsasaka.
AFP: Makamasa sa salita, berdugo sa gawa
Ayon kay Ka Jose, isinagawa ng 42nd IB ang nasabing pagkubkob sa kabila ng paghamon ng AFP sa BHB na pansamantalang ihinto ang mga aksyong militar sa buong rehiyon upang tumulong sa mga biktima ng pagputok ng bulkang Mayon. Aniya, "Paglabag sa sariling hungkag na pagposturang ito ng AFP ang sa aktwal ay walang-puknat na pag-ooperasyon ng mga tropa nito (maging) sa mismong prubinsya ng Albay."
Inilantad pa ni Ka Jose na sa katunayan, ang ipinangangalandakan ng reaksyunaryong AFP na "pagtulong" sa mga biktima ng pagputok ng bulkang Mayon ay panlilinlang lamang sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan. Habang nagpapanggap na makamasa, walang-maliw na sinusunod ng AFP ang atas na alagaan ang mga ari-arian ng naghaharing-uri gaya ng mga bangko, shopping mall at mga bodega ng bigas at pagkain. Samantala, tuluy-tuloy na nililigalig at sinasalanta ng kabi-kabilang opensiba ng mga pasistang militar ang buhay at kabuhayan ng masang anakpawis. "Ang pagpapanatili ng 'katahimikan at kaayusan' ay operasyong 'pagkontrol sa mamamayan'," ani Ka Jose, "kayat ang armado at unipormadong presensya nila sa kabayanan ay terorismo na sa masa, habang nakaamba ang pasistang hambalos sa minimum na deklarasyon ng red alert status".
Pinag-iba ng tagapagsalita ang rebolusyonaryong BHB at ang reaksyunaryong AFP. Aniya, "Kabaligtaran ng kaduda-dudang civic action ng reaksyunaryong AFP, likas sa katangian at oryentasyon ng BHB ang pagtulong sa mamamayan sa lahat ng pagkakataon, may kalamidad man o wala." Ipinaliwanag niyang sa tuwina'y kabalikat ng masang magsasaka at lahat ng aping mamamayan ang BHB sa pakikipaglaban para sa sariling sakahan, pagpapataas ng kita sa produksyon, paglulunsad ng mga kampanyang pang-edukasyon, pangkalusugan, pangkapaligiran at marami pang iba. "Higit sa lahat," sabi niya, "katuwang ng mamamayan ang BHB sa rebolusyonaryong paglaban upang ganap na pawiin ang karukhaan at kawalang-katarungang dulot ng pagsasamantala at pang-aapi ng mga dayuhan at lokal na naghaharing uring panginoong maylupa at kumprador-burgesya."
Binigyang-diin din sa pahayag ng RJC ang pagiging sagad-sa-butong berdugo ng reaksyunaryong militar. Inihalimbawa niya ang makahayop na pagpaslang kay Ma. Graziella "Ka Sisa" Miranda, 25 taong gulang, mahusay na kadre ng Partido at BHB sa Albay at isa ring dating mag-aaral ng UP Diliman bago magpultaym sa BHB noong 1998. Si Ka Sisa ay nadakip nang buhay, pinahirapan at pinatay ng mga tropa ng 22nd IB bilang ganti sa pag-isnayp ng BHB sa dalawa nilang kasamahan nang salakayin ng mga ito ang himpilan ng BHB sa Barangay Bololo, Guinobatan ng naturang prubinsya noong Hunyo 10.
Inilantad rin ng RJC ang pagiging sagad-sagarang pasista ni Col. Danilo Lim na siyang punong-upisyal ng 42nd IB. Ayon kay Ka Jose, si Colonel Lim na nagtapos sa imperyalistang akademyang pangmilitar na West Point ay may utang na dugo sa rebolusyonaryong kilusan. Isa lamang sa kanyang mga kaso ang pagtortyur at pagpatay sa isang kadre ng BHB noong siya ay isang tinyente pa bandang kalahatian ng dekada 1980.
|