1902-30: Maningning na makauri at anti-imperyalistang kasaysayan ng kilusang paggawa sa Pilipinas
Ang kilusang manggagawa sa Pilipinas ay may maningning na kasaysayan ng militanteng makauri at anti-imperyalistang pakikibaka. Nagpunyagi ito sa pakikibaka sa harap ng matinding panunupil at panlilinlang ng mga dayuhan at lokal na reaksyunaryo. Nakapaglunsad ito ng malalawak at makapangyarihang welgang pang-ekonomya at pampulitika at iba pang mobilisasyong masa para sa kapakanan ng mga manggagawa at para sa pambansang pagpapalaya. Gumanap ito ng sentral na papel sa pakikibaka laban sa kolonyalismong US. Sa simula pa lamang ng siglong 1900, ang uring proletaryo sa Pilipinas ang nanguna sa pananawagan at paglulunsad ng malawakang mga pakikibakang masa para wakasan ang paghaharing kolonyal ng US sa bansa.
Noong Pebrero 2, 1902, sa pamumuno ng mga Katipunerong sina Isabelo de los Reyes at Herminigildo Cruz, idinaos ang unang kongreso ng mga manggagawa sa Pilipinas at itinatag nito ang unang pederasyon sa paggawa sa Pilipinas, ang Union Obrera Democratica (UOD). Ginamit na gabay sa pagtatayo nito ang Marxistang islogan ng Unang Internasyunal ng mga Manggagawa: "Ang pagpapalaya sa mga manggagawa ay tungkulin ng mga manggagawa mismo."
Naging pangunahing baseng unyon ng UOD ang Union de Litografos y Impresores de Filipinas (UIF), na itinatag noong Disyembre 30, 1901. Marami sa mga myembro ng UIF na pawang nagtatrabaho sa mga imprenta noon ay gumanap ng mahalagang papel sa kilusang propaganda at iba pang pagkilos laban sa kolonyalismong Espanyol.
Agad na sumuong sa malawakang pag-oorganisa at paglulunsad ng mga pakikibakang manggagawa at antikolonyal ang UOD. Kaagad itong mabilis na lumaki at nakapaglunsad ng serye ng malalaki at malalakas na pag-aaklas.
Noong Agosto 2, 1902 inilunsad nito ang una sa serye ng ilang maagang pangkalahatang welga sa Pilipinas. Karamihan ng mga welga ay inilunsad sa mga kumpanyang US na biglang nagsulputan kasabay ng paglalatag ng kolonyalisasyon ng US sa bansa. Umabot nang mahigit 100,000 ang laki ng martsa at rali ng mga manggagawa sa harap ng Malakanyang noong Mayo 1, 1903, dala-dala ang mga panawagang "Ibagsak ang imperyalismong US!" at "Kamtin ang ganap at kagyat na kasarinlan!"
Lipos ng diwa ng pakikibaka para sa uri at para sa pambansang pagpapalaya at impluwensyado ng Marxismo, nagpunyagi ang mga manggagawa sa harap ng brutal na pananalakay at tusong panlilinlang ng kolonyal na rehimeng US sa kanila at pagsuko ng ilang lider nila.
Noong Mayo 1-4, 1913, nagtipon sa Sine Oriental sa Azcarraga, Maynila ang mga kinatawan ng 36 na unyong may 40,000 kasapi mula sa Maynila at mga karatig na lalawigan. Itinatag nila ang Congreso Obrero de Filipinas (COF). Masiglang itinaguyod ng COF ang pakikibaka para sa kasarinlan ng Pilipinas.
Noong Marso 31, 1918, nireorganisa ang UIF at nahalal na presidente nito si Crisanto Evangelista. Nagsilbing inspirasyon noon sa kilusang unyon ang pagwawagi ng Rebolusyong Oktubre sa Russia.
Sa pamumuno ni Evangelista, isinagawa sa kauna-unahang pagkakataon, ang kolektibong pakikipagtawaran (collective bargaining) sa mga kapitalista. Nakamit ng mga kasapi ng UIF ang maraming benepisyo kabilang na ang 100-500% karagdagang sahod noong 1918. Nagsilbing inspirasyon ang UIF sa paglulunsad ng pakikibaka ng iba pang unyon. Tumaas ang prestihiyo ni Evangelista. Di nagtagal ay nahalal din siyang pangkalahatang kalihim ng COF.
Noong 1927, mahigit 80,000 na ang kasapian ng COF. Masugid na kumilos ang mga reaksyunaryo upang sirain ang lumalawak na pagkakaisa ng uring manggagawa, idiskaril ang pagkiling nito sa kilusang sosyalista, at iluklok sa pamunuan ng COF ang mga dilawan at konserbatibong lider ng unyon. Nahati ang COF sa pagitan ng linya ng "harmonious relations" o pakikipagsabwatan sa mga kapitalista at linya ng tunggalian ng mga uri.
Sa pagpapatuloy ng gayong mga pakana at tindi ng pagkakahati, naging inutil ang COF. Humiwalay na sina Evangelista at itinatag ang isang bago at mas solido, militante at progresibong sentro ng kilusang paggawa, ang Katipunan ng mga Anakpawis sa Pilipinas (KAP).
Hayagang layon ng KAP na labanan ang pagsasamantala sa masang anakpawis at ibandila ang paglaban ng bayang Pilipino sa kolonyalismong Amerikano. Ganap nitong tinangkilik ang "lahat ng rebolusyonaryo at makauring mga kilusan ng masang manggagawa, pambansa man at pandaigdig, laluna ang mga pakikibaka tungo sa katubusan ng api at naghihirap na masa mula sa pambubusabos, gayundin ang ukol sa pagpapalaya ng mga bansa laban sa kapitalismo at imperyalismo". Dalawampu't dalawang unyon at asosasyon ng mga manggagawa ang nagtatag sa KAP noong Mayo 12, 1929.
Sa proseso ng pakikipag-ugnayan ng mga lider manggagawang Pilipino sa mga organisasyon at kilusang proletaryo sa ibang bansa, kabilang na ang mga progresibo at pinamumunuan ng mga partido komunista, at pagsanib ng kilusang manggagawa sa Pilipinas sa mga pandaigdigang organisasyon at sa internasyunal na kilusang manggagawa, nagkaroon ito ng mga signipikanteng pag-unlad sa kaisipan at pulitika at pagtaas sa antas ng kamalayang Marxista-Leninista.
Bilang pagpapatuloy ng pagsisikap na mabuo ang solidong instrumento sa pakikibaka ng uring manggagawa, pinagtibay ng KAP ang isang resolusyon para buuin ang isang bagong partido ng mga manggagawa, na siyang mag-oorganisa at tuwirang mamumuno sa pakikibaka ng sambayanan sa larangan ng pulitika, kabuhayan at kultura.
Noong Agosto 26, 1930, sa anibersaryo ng Unang Sigaw sa Pugad Lawin, 60 lider-manggagawa at magbubukid na kumakatawan sa kanilang mapanlabang mga organisasyon ang nagtipon sa Templo del Trabajo sa Maynila para itatag ang bagong partido, bilang repleksyon ng ibayong pagtaas sa kalidad ng kaisipan, organisasyon at pulitika ng uring manggagawa sa Pilipinas. Pinangalanan nila itong Partido Komunista ng Pilipinas (PKP). Ipinasya nilang pormal na ilunsad ang PKP sa publiko sa Nobyembre 7, 1930 bilang pagpupugay sa Rebolusyong Sosyalista sa Russia.
Pagsapit ng ika-7 ng Nobyembre, may 5,000 kataong nagtipon sa Plaza Moriones sa Tondo--ang puso ng distrito ng uring manggagawa sa Maynila--para iproklama ang PKP.
Ang bahaging ito ng maningning na kasaysayan ng kilusang paggawa sa Pilipinas ay nagsilbing pundasyon ng tunay, militante at anti-imperyalistang unyonismo. Ito rin ang pinag-ugatan ng Partido Komunista ng Pilipinas na muling itinatag noong Disyembre 26, 1968.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|