Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Balita

 Read this article in English

Hindi sangkot ang BHB sa iligal na droga -PKP

SA isang pahayag nitong Hulyo 6, pinabulaanan ng PKP sa pamamagitan ni Gregorio "Ka Roger" Rosal ang paratang ni GMA na sangkot ang BHB sa mga operasyon ng iligal na droga at pagmamantine ng mga plantasyon ng marijuana sa mga sonang gerilya.

Ang paratang ni GMA ay inilabas sa harap ng matatagumpay na taktikal na opensiba ng BHB at sa gitna ng palabas na kampanyang kontra-droga ng rehimen. Ayon kay Ka Roger, ang AFP, PNP at matataas na upisyal ng gubyerno ang sa katotohana'y nasa likod ng negosyo ng iligal na droga sa bansa. Aniya, wala ni isa sa mahigit 215 malalaking sindikato sa droga sa bansa ang hindi pinoprotektahan ng mga ito.

Ayon pa kay Ka Roger, maliliit na pusher, user at mga inosenteng biktima lamang ang hinuhuli sa palabas na kampanya ng rehimen.

Sa kabilang banda, mula pa noong itatag ng BHB, pursigido at epektibo ang kampanya nito laban sa iligal na droga lalo na sa mga eryang kinikilusan nito. Ayon kay Ka Roger, bunga ito ng mga pagsisikap ng PKP-BHB at buong rebolusyunaryong kilusan na aktibong maglunsad ng mga pangmasang kampanyang pampulitika at edukasyon laban sa paggamit ng iligal na droga.

Sa isa namang pahayag ni Jorge "Ka Oris" Madlos, tagapagsalita ng NDF-Mindanao, sinabi niyang kinamumuhian ng BHB ang iligal na droga at hindi kailanman nakikisangkot dito ang Hukbo. Ayon kay Ka Oris, may mga natuklasan ang BHB na taniman ng marijuana sa ilang mga detatsment ng militar na nireyd ng Pulang hukbo sa mga nakaraang taon.

Iligal na detensyon ng mga aktibista sa Baguio, kinundena

KINUNDENA ng Chadli Molintas Command-BHB (CMC) ang iligal na pag-aresto at pagbibintang ng gawa-gawang mga kaso sa dalawang myembro ng progresibong organisasyon sa Ilocos Sur. Hinuli ng mga elemento ng MIG noong Hunyo 22 sina Evelyn Bedaña at Josephine Perez sa Baguio City, dinala sa isang safehouse at tinortyur upang paamining mga kasapi ng BHB at may mataas na katungkulan sa Partido Komunista ng Pilipinas.

Si Bedaña ay nagtatrabaho sa Solidarity of Peasants against Exploitation (STOP-Ex) na tumutulong sa mga magsasakang nagtatanim ng tabako sa Ilocos. Si Perez ay regional coordinator ng College Editors' Guild of the Philippines (CEGP)-Ilocos.

Tinuligsa ng CMC ang bintang ng militar na ang dalawa ay sangkot sa pagpatay sa mayor ng Tineg, Abra, pagpapasabog sa rebulto ni Marcos sa Baguio (2002), ambus sa mayor ng Sta. Lucia, Ilocos Sur (2001), pagpatay sa traydor na si Conrado Balweg (1999) at marami pang iba.

Samantala, pinalaya na nitong Hulyo 1 si Marie Flor Ramos, pinagbintangang BHB at isinangkot sa ambus sa mga tropang militar noong Enero 4 sa Palian, Tupi, South Cotabato.

Iniutos ng korte na pawalangsaysay ang kaso ni Ramos dahil sa kawalan ng matibay na ebidensya. Dinukot siya ng hindi kilalang mga tao sa Quezon City noong Marso 24. Ilang linggo siyang pinagkaitan ng karapatang makipag-ugnayan kaninuman, maging sa kanyang abugado at pamilya.

Gubernador ng Zambales, inaresto ng BHB

INARESTO ng isang 12-kataong iskwad ng BHB si Gov. Vicente Magsaysay ng Zambales sa kanyang pinagkukutaang bahay-bakasyunan noong Mayo 25. Dahil sa gulat, hindi nakapanlaban ang gubernador, sampu ng kanyang anim na badigard at mga pulis na kasama niya noon.

Ayon kay Ka Jose Agtalon, tagapagsalita ng Josefino Corpus Command (JCC), isinama ng BHB si Gov. Magsaysay upang kausapin hinggil sa sarisaring reklamo ng mga magsasaka at manggagawa sa Iba, Zambales. Kabilang sa mga reklamo ang pagpapalayas sa mga magsasaka sa Barangay Barbara, Iba at di pagbibigay ng sahod, mga bonus at benepisyo sa mga manggagawa rito. Sapilitan din siyang nagpapatrabaho sa mga manggagawa nang 24 oras nang walang overtime pay.

Inilinaw ng JCC na lehitimong target-militar si Gob. Magsaysay dahil sa kanyang mga kasalanan sa mamamayan at pagmamantine ng pribadong hukbo at malaking armori.

Gayunman, pinakawalan din siya ng BHB upang bigyan ng pagkakataong magbago.

Nakumpiska mula sa kanila ang isang M60, dalawang M14, dalawang M16, isang M203, apat na pistola at sari-saring mga bala. Nakasamsam din ng apat na radio transceiver, isang base radio, pitong cellphone at isang kamera.

Welga, nakaamba sa Cosmos

NAKATAKDANG magwelga ang mga manggagawa ng Cosmos Bottling Philippines laban sa pambabarat ng may-ari ng kumpanya na si Eduardo "Danding" Cojuangco. Kasalukuyang naka-deadlock ang negosasyon para sa kanilang CBA. Kabilang sa tinututulan ng mga manggagawa ang pakana ni Cojuangco na tanggalin ang kanilang seniority pay na malaon na nilang tinatanggap at signing bonus na P10,000 kada manggagawa. Nais din ni Cojuangco na ipako sa P40 kada araw lamang ang idaragdag sa kanilang sahod sa loob ng tatlong taon gayong nakatakda sa huling CBA ang pagdaragdag ng P50 sa batayang sahod sa loob ng dalawang taon.

Tinututulan din ng mga manggagawa ang patakarang kontraktwalisasyon ng kumpanya. Mula nang mapasakamay ni Cojuangco ang Cosmos noong 2001, tumigil na ang pagreregularisa sa mga bagong manggagawa at unti-unti nang pinapalitan ng mga kaswal ang regular.

Upang pigilin ang welga, sabay na nanakot at nanuhol si Cojuangco. Nitong unang linggo ng Hulyo, naglabas na ang Department of Labor and Employment ng kautusang Assumption of Jurisdiction (AJ) upang ideklarang iligal ang welga, hindi pa man ito nailulunsad.

US PACOM, nagsisiyasat para sa pagpakat sa Albay

LABING-APAT na Amerikanong pwersang militar na nasa ilalim ng US Pacific Command (US PACOM) ang bumisita sa Legaspi City nitong Hunyo 20-28. Pinamunuan ni Col. Clipton Tarenaka ang isang tim. Ginamit nilang prente ang Disaster Preparedness and Mitigation Assessment Program ng US PACOM. Misyon umano ng grupo na magsagawa ng malalimang pagtatasa sa kahandaan ng lugar laban sa pagsabog ng bulkan, bagyo, pagbaha, tsunami (dambuhalang alon ng dagat) at iba pang kalamidad.

Ang totoo, ang pagpuntang ito ng US PACOM ay may layuning siyasatin ang lugar para sa pinaplanong pagpakat sa Albay ng mga tropang Amerikano para sa mga pagsasanay-militar at iba pang aktibidad sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA). Iniwasan ng US na malantad sa midya ang pagbisitang ito upang makaiwas sa kontrobersya.

Bishop Antonio Fortich, 89

PUMANAW nitong Hulyo 2 si Bishop Emeritus Antonio Fortich, ng Bacolod City. Siya ay 89 na taong gulang.

Si Bishop Fortich ay kilala sa taguring "Obispo ng mahihirap." Bantog siyang tagapagtaguyod ng interes ng mga magsasaka at manggagawang bukid. Sumuporta siya sa pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa. Kasama rin siya sa paglaban ng mamamayan sa batas militar, partikular sa matinding militarisasyon sa Negros.

Dahil sa kanyang paninindigan para sa mga inaapi, si Bishop Fortich ay naging malapit sa rebolusyonaryong kilusan. Minsan siyang naging tagapayo ng National Democratic Front.

Kabilang sa mga nagparangal sa kanya sina Ka Luis Jalandoni, Consuelo Ledesma, Frank Fernandez at Gregorio "Ka Roger" Rosal.

Demolisyon sa Baclaran, kinundena

PINAMUNUAN ng Bagong Alyansang Makabayan-NCR ang isang rali sa upisina ng MMDA nitong Hulyo 7 upang kundenahin ang brutal na paglalansag sa mga pwesto ng mga manininda sa Baclaran, Roxas Blvd. at Coastal Road. Isang manininda ang napatay nang mabaril ng mga tauhan ng MMDA sa demolisyon nitong Hulyo 6. Pinagwawasak ng MMDA ang mga pwesto, binuhusan ng gasolina ang mga paninda at pinagpapalo ng batuta ang mga manininda.

South Korea at Germany, niyayanig ng mga welga

NIYAYANIG ngayon ng mga welga ng mga manggagawa at empleyado ang South Korea at Germany.

South Korea. Naglunsad ng magkakahiwalay na tigil-trabaho ang mahigit 100,000 manggagawa rito. Tinutulan ng 22,000 manggagawa na kabilang sa Korean Railway Workers' Union ang planong restructuring sa kumpanya. Tinutulan naman ng 8,000 manggagawa ng Chohung Bank ang planong pribatisasyon ng bangko. Samantala, iginiit ng 80,000 manggagawa sa 100 planta ng Hyundai Motors Company na bawasan ang kanilang oras ng paggawa mula 40 tungong 36 kada linggo.

Germany. Sa pamumuno ng IG Metall Industrial, pinakamalaking unyon sa industriya ng sasakyan, halos isang buwan na nagwelga ang mga manggagawa sa BMW at Volkswagen. Iginigiit nila na ibaba ng kumpanya ang kanilang oras ng paggawa mula 38 tungong 35 oras kada linggo.

 


Previous articleBack to top 

07 Hulyo 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Bigwasan pa ang rehimeng Arroyo ng mga taktikal na opensiba

Matatagumpay na opensiba ng BHB:
Lumalaganap, dumadalas

Matatagumpay na opensiba ng BHB:
Walang pinsalang tinamo ang BHB sa engkwentro sa Pampanga at Zambales - Ka Roger

Mga Ulat Koresponsal:
Matagumpay na pagtatayo ng isang rebolusyonaryong unyon

Mga Ulat Koresponsal:
Mga tagumpay at mahahalagang aral mula sa welga sa Central Azucarera de Tarlac

Mga Ulat Koresponsal:
Mga pihit sa laban ng mga manggagawa sa Lepanto Mining

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.