Mga Ulat Koresponsal: Rebolusyong agraryo, umaani ng tagumpay sa Isabela
Patuloy na umaani ng tagumpay ang kampanya sa rebolusyong agraryo sa iba't ibang larangang gerilya sa Isabela.
Sa Larangang Reynaldo Pi�on sa hilagang-silangang Isabela, tinatayang 6,000 pamilya sa 40 baryo ng dalawang bayan ang nakinabang sa iba't ibang porma ng pakikibakang antipyudal:
Naitaas ang presyo ng bawat kilo ng mais nang hanggang 60% (mula P4.50-5.00 tungong P7.20).
Nadagdagan ng P10 hanggang P20 ang presyo ng bawat isang daang pirasong saging at napatigil ang pandaraya sa pagbibilang.
Matagumpay na naibaba nang 50% ang interes sa pautang (mula 30-40% tungong 15-20% bawat anihan).
Matagumpay ding nahadlangan ng mga magsasaka ang mapanlinlang na reforestation project ng DENR sa isang kulumpon ng pitong baryo sa isang bayan, na magpapaalis sa 1,000 pamilya sa kanilang mga sakahan.
Sa isa pang sityo sa parehong bayan, napigilan ng mga matagal nang nagsasaka sa lugar ang pagpapasarbey, pagpaparsela at pagpapatitulo ng mga lupa ng isang panginoong maylupa para ipamahagi sa kanyang mga anak.
Sa isang barangay sa San Mariano, tumaas ang kita ng mga manggagawang bukid na naglilinis ng sakahan dahil ibinabatay na ang bayad sa dami ng iras o hilera ng tanim na nalilinisan sa halip na arawan.
Naibaba ang upa sa corn sheller (makinang naghihiwalay ng butil ng mais mula sa busil) nang P2 bawat sako (mula P10/sako tungong P8/sako).
Sinisikap ding bakahin ng mga magsasaka ang mapagsamantalang paraan ng pagpepresyo sa mais at palay, kung saan ibinabawas ang 20-50 sentimo bawat kilo dahil sa resiko o inaasahang bawas sa timbang kapag natuyo na ang butil.
Sa Larangang Benito Tesorio sa timog Isabela, organisadong nilalabanan ng mga magsasaka sa isang baryo ang sabwatan ng kapitan ng kanilang barangay at ng mangangapital na panginoong maylupa na agawin ang kanilang mga sakahan upang tamnan ng Gmelina.
Sa Larangang Filomena Asuncion sa hilagang-kanlurang Isabela, matagumpay na naisulong sa isang kulumpon ng mga baryo ang pagpapataas nang 16.7% sa pakyawang sahod ng mga nagtatanim ng palay. Naitaas din ang bayad sa pagsikka o pagbubunot ng punla, mula 20 sentimos tungong 25 sentimos bawat kirkir o bungkos ng punla. Isang daang pamilya ang kagyat na nakinabang dito.
Sa parehong kulumpon ng mga baryo, naibaba ang upa sa thresher mula P10.00 tungong P7.00 bawat sako ng palay.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|