Tugon ng mamamayan sa mga lansakang paglabag sa mga karapatang-tao sa Oriental Mindoro
Sa kabila ng matinding teror na inihahasik ng Task Force Banahaw sa isla ng Mindoro, nagawa pa ring maglunsad ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at Bayan Muna ng isang rali-demonstrasyon na dinaluhan ng mahigit 500 mamamayan sa Calapan City. Sa araw ng libing ni Edelberto "Choy" Napoles Jr., 26, nitong Hunyo 4, kinundena ng BAYAN at Bayan Muna ang Task Force Banahaw sa mga karumal-dumal na krimen nito sa mamamayan.
Si Napoles ang pinakahuling biktima ng pamamaslang ng death squad na binuo ng Task Force Banahaw na nasa pamumuno ni Col. Jovito Palparan. Si Palparan din ang kumander ng 204th Bde na nakabase sa Oriental Mindoro. Pinatay si Napoles noong Mayo 28 sa Lumangbayan, Calapan City habang ang kasama niya na si Ruel Landicho ay sugatan. Kinilala ang mga salarin na sina Aniano "Silver" Flores at Larry "Mike" Aparato, parehong taksil sa rebolusyonaryong kilusan at miyembro ng death squad ni Palparan.
Si Napoles ay secretary-general ng Bagong Alyansang Makabayan at coordinator ng Bayan Muna sa ikalawang distrito ng Oriental Mindoro. Si Landicho naman ay organisador ng PAMALAKAYA.
Ika-16 na si Napoles sa Oriental Mindoro na biktima ng walang habas na pamamaslang ng death squad at ng 204th Bde. Ayon sa Bayan Muna, ilan sa mga biktima ay sina Ramon Termida, na pinatay ni Boyet Jocson noong Abril 15, 2001; Lando Cabagay na binaril ng CAFGU noong Oktubre 6, 2001; Roger Fernando na pinatay ng mga elemento ng 6th Special Force Company noong April 8, 2001; Emilio Santillan, Expedito at Manuela Albarillo, na pinaslang ng mga sundalo ng 16th IB noong Abril 8; at Ruben Apolinar at Rodriga Florida-Apolinar, na pinatay ng mga elemento ng 52nd Regional Command Company ng 204th Bde noong Mayo 21.
Iginigiit ng Bayan Muna sa rehimeng Macapagal-Arroyo na magsampa ng kasong kriminal laban kay Colonel Palparan at sa 204th Bde dahil sa serye ng mga pagpatay na ginagawa nito at ng inaalagaan nitong death squad. Samantala nagbanta noong Mayo 22 ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na magsasampa ng class suit (kasong isinasampa para sa pangkalahatang interes) laban sa Task Force Banahaw kapag di itinigil ang walang habas na operasyong militar sa buong isla ng Mindoro. Anang KMP, kukumbinsihin nila ang lahat ng pamilya ng mga biktima ng paglabag sa mga karapatang-tao partikular yaong mga kapamilya ng 15 sibilyang minasaker sa Naujan, Oriental Mindoro noong Mayo 16.
Pinananagot ng KMP si Col. Jovito Palparan bilang direktang responsable sa malawakang paglabag sa mga karapatang-tao. Inihapag ng KMP, ng panrehiyong organisasyon nito sa Timog Katagalugan at iba pang lokal na organisasyon sa rehiyon ang reklamo sa Department of Interior and Local Government. Iginiit na rin nito kina Defense Sec. Angelo Reyes at Lt. Gen. Roy Cimatu, bagong hepe ng AFP, ang kagyat na pagtigil ng mga operasyon sa isla.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|