Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal: Pagkaisahin ang bayan laban sa pagkapapet, kalupitan at korapsyon ng rehimeng Macapagal-Arroyo!

 Read this article in English

Ang walang kapantay na pagkapapet, korapsyon at kalupitan ng rehimeng Macapagal-Arroyo ay ibayong nagpapasidhi sa kahirapan at kaapihan ng mamamayang Pilipino.

Ipinakikita ng rehimen na ito ay todo-todong reaksyunaryo at anti-mamamayan sa lahat ng aspeto. Ito ay sukdulang papet at walang kahihiyang sunud-sunuran sa dikta ng US. Singgarapal ito ng rehimeng Estrada sa paggamit ng burukratikong pribilehiyo para sa sariling interes at ng mga kamag-anak at kaibigan. Walang pakundangan nitong nilalapastangan ang mga karapatang-tao.

Kailangang puspusang kumilos ang Partido at mga rebolusyonaryong pwersa upang pagkaisahin ang mamamayan para labanan at pagbayarin nang mahal sa mga ito ang rehimeng Macapagal-Arroyo.

Todo-todo ang kampanyang propaganda ng Malakanyang upang bigyang-katwiran ang pagpakat ng mga tropang Amerikano sa Mindanao. Tanda ng kanyang pagkadeboto sa mga patakaran ni Bush, panatikong ipinagtatanggol ni Macapagal-Arroyo ang armadong panghihimasok ng US sa bansa.

Iniudyok ng walang kahihiyang pagpapakatuta ni Macapagal-Arroyo ang sunud-sunod na mga kilos protesta sa buong bansa. Nagsimula ito noong Enero at patuloy na mag-iipon ng lakas sa darating na mga buwan.

Upang nyutralisahin ang mga patriyotikong pwersa, isinasangkalan ni Macapagal-Arroyo ang pagpuksa sa nakamumuhing Abu Sayyaf para bigyang-matwid ang armadong panghihimasok ng mga tropang Amerikano.

Subalit mawawala ang bisa nito at malamang na lalo pang iigting at lalawak ang mga protesta sa darating na mga buwan laluna sa pag-iral ng alinman sa mga sumusunod na kundisyon o kumbinasyon ng mga ito:

1) paglalantad ng direktang paglahok ng mga tropang Amerikano sa mga operasyong militar taliwas sa sinasabing nagsasagawa lamang sila ng mga pagsasanay;

2) pagkabigong mabawi ang mga bihag ng Abu Sayyaf at pagtatagal ng mga tropang Amerikano sa Mindanao lagpas sa anim na buwang taning ng Balikatan 02-1;

3) pananatili ng mga tropang Amerikano sa Mindanao at paglahok nila sa mga kontra-gerilyang operasyon laban sa BHB at MILF, matapos mabawi ang mga bihag ng Abu Sayyaf;

4) malakihang pagpakat ng karagdagang mga tropang Amerikano sa Mindanao at iba pang bahagi ng bansa kaugnay ng ilulunsad na 15 pang Balikatan sa taong ito.

Kailangang maging alerto at maagap sa pagsubaybay sa sitwasyon dahil ngayon pa lamang ay unti-unti nang nagaganap ang kumbinasyon ng lahat ng mga ito.

Ang usapin ng armadong panghihimasok ng mga tropang Amerikano at pagsigla ng mga aksyong protesta laban dito ay mahusay na kundisyon sa mas malawakan at malalimang paglilinaw sa mamamayan tungkol sa patuloy na dominasyon ng US sa ekonomya, pulitika at kultura at ang pangangailangang makibaka para sa pambansang paglaya.

Ang pagtangkilik ni Macapagal-Arroyo sa armadong panghihimasok ng US sa Pilipinas ay isang panig lamang ng kanyang todo-todong pagkatuta sa imperyalismo. Sa larangang ekonomya, walang kapantay si Macapagal-Arroyo sa todo-todong pagpapatupad ng mga patakaran ng imperyalistang "globalisasyon" at ang kaakibat nitong pagsuko ng pambansang patrimonya ng Pilipinas. Ang mga patakarang ito na sinimulang ibwelo noong simula ng dekada 1990, ay patuloy na binibigyang-sikad ni Macapagal-Arroyo sa kabila ng malulupit na epekto na nito sa ekonomya, sa kabuhayan at kagalingang panlipunan ng mamamayan.

Kasabay ng paglalantad sa walang kahihiyang pagpapakapapet ni Macapagal-Arroyo, kinakailangan nating puspusang ilantad at labanan ang todo-todong korapsyon at sukdulang kalupitan ng rehimen upang ibayong isiwalat ang lumalalang krisis ng naghaharing sistema, pagkaisahin ang pinakamalawak na pwersa laban sa rehimeng Macapagal-Arroyo at biguin ang balak nitong magtagal pa lagpas sa 2004.

Importanteng bigyang-pansin ang mga tampok at malalaking kaso ng korapsyon na kinasasangkutan ni Macapagal-Arroyo mismo, ng kanyang asawa, mga kamag-anak, "upisyal" na pamilya at malalapit na kaibigan. (Tingnan ang kaugnay na artikulo.)

Desperadong naghahagilap ng pondo si Macapagal-Arroyo para sa eleksyong 2004. Hangad niyang higitan ang pondong inipon ni Estrada noong nasa poder pa ito. Takot siyang magamit pa rin ng mga Estrada ang malaking pera nila sa darating na eleksyon para makapanumbalik sa kapangyarihan.

Mahalagang bigyang-diin ang paglalantad sa mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas, laluna ang pinakamalalalang krimen laban sa mamamayan sa todong militarisasyon at digmang kontra-rebolusyonaryo sa kanayunan.

Importanteng patampukin sa pamamagitan ng kilusang masa at propaganda ang detalye at mga larawan ng aktwal na mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao at palawakin ang pakikibakang naggigiit ng katarungan para sa mga biktima. Dapat bigyan ng higit na pansin ang pagsusulong ng antipasistang pakikibaka sa mga paaralan, sektor pangkalusugan at taong simbahan.

Dapat bigyang-pansin ang paglalantad at pagkundena sa militarisasyon sa kanayunan, laluna sa mga lugar na kinikilusan ng Bagong Hukbong Bayan at mga rebolusyonaryong Moro.

Kailangang epektibong kontrahin ang maka-kapayapaang pagpapanggap ng rehimen at ilantad ang militaristang patakaran nito laluna sa pagharap sa rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan. Kaugnay nito, kailangan din nating ilantad ang mga maniobra ng rehimen, laluna ng mga prinsipal na militarista sa loob nito, upang isabotahe ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDF at ng GRP at MILF.

Kailangang pukawin, organisahin at pakilusin ang mamamayan laban sa rehimeng Macapagal-Arroyo upang maitaguyod ng mamamayan ang kanilang karapatan at kagalingan sa harap ng papatinding pang-aapi at pagsasamantala. Tipunin ang lakas ng pinakamaraming mamamayan upang labanan ang sukdulang pagkapapet, kalupitan at korapsyon ng naghaharing rehimen.

Haharapin ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa mga susunod na buwan ang papalaking protesta sa lansangan at papalawak na hanay ng lumalabang mamamayan. Sa mga nakaraang buwan, tuluy-tuloy na binabawi ng paparaming pwersang lumahok sa EDSA 2, kabilang ang maraming nasa gitnang pwersa, ang kanilang suporta sa rehimeng Macapagal-Arroyo. Sa pamamagitan ng puspusang paglalantad ng mga rebolusyonaryong pwersa sa reaksyunaryong gubyerno at paghikayat sa mas malawak na mamamayan sa paglaban, ganap na maihihiwalay ang rehimeng Macapagal-Arroyo sa loob ng mga darating na buwan.

Hindi lamang mabibigo ang balak nitong magtagal lagpas sa 2004, maaari pa ngang wala na ito sa poder bago pa ang pinaghahandaan nitong eleksyon. Ito ang kabayaran sa lubos na pagyurak nito sa mga karapatan at pagbalewala sa kapakanan ng mamamayan at paglubog sa kanila sa ibayong kaapihan at kahirapan.

 


 Back to topNext article

Marso 2002
Edisyong Pilipino


Editoryal: Pagkaisahin ang bayan laban sa pagkapapet, kalupitan at korapsyon ng rehimeng Macapagal-Arroyo!
Ilang malaking kaso ng korapsyon sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo
Umiigting at humahantong sa kaguluhan at karahasan ang alitan ng mga reaksyunaryo
Ang panunumbalik: Armadong panghihimasok ng imperyalismong US sa Pilipinas
Kababaihan laban sa Balikatan
Balik-tanaw sa Kasaysayan: Ang digmang agresyon ng US sa Mindanao(1899-1913)
Kampanyang psywar laban sa BHB, pakana ng CIA
Ang propagandang anti-BHB ng AFP
Paninira ng AFP, pinabulaanan ng BHB sa Abra
Mining Act of 1955, epektibong nilalabanan ng mamamayan
Pananalanta ng pasistang estado
Mga pasistang atake laban sa Bayan Muna
Mga salot sa Leyte, pinarusahan ng BHB
Usapang pangkapayapaan, isinaisantabi ng rehimeng Macapagal-Arroyo
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.