Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal: Pagbayarin nang mahal ang sukdulang papet na rehimeng Macapagal-Arroyo

 Read this article in English

Buung-buo nang isinuko ni Gloria Macapagal-Arroyo sa mga imperyalista ang kasarinlan at soberanya ng Pilipinas. Lubusan na niyang binaklas kahit ang mga pagpapanggap na malaya ang neokolonyal na republika.

Muli niyang pinapasok ang mga tropang Amerikano sa Pilipinas. Ipinagtatanggol niya ito nang may astang gaya-gaya sa butangerong amo niyang si George W. Bush. Mahigpit niyang sinusunod ang bagong "doktrinang Bush" at ipinaiilalim ang soberanya ng Pilipinas sa karapatang inangkin ng imperyalismong US na manghimasok saanmang dako ng daigdig sa ngalan ng "gerang kontra-terorismo". Ipinailalim na rito ni Macapagal-Arroyo ang karapatan sa nagsasariling patakarang panlabas ng Pilipinas, pati na ang konstitusyon at mga batas ng kanyang gubyerno.

Ibinalik niya ang bulag na isterya ng Committee on Un-American Activities (CUA) noong dekadang 1950 sa US at ng Committee on Un-Filipino Activities (CUFA) at Committee on Anti-Filipino Activities (CAFA) noong dekadang 1960 kung saan binansagang "komunista" ang sinumang magpahayag ng mga patriyotiko at demokratikong hangarin. Gamit ang baluktot na katwirang kapareho ng iwinawasiwas ng panatikong reaksyunaryo sa US at sa Pilipinas sa panahong iyon ng McCarthyismo, tinatatakan ni Macapagal-Arroyo na "di Pilipino", "komunista" at "kalaguyo ng mga terorista" ang lahat ng patriyotiko at demokratikong pwersa at mamamayang nagtatanggol sa pambansang soberanya at tumututol sa pagpasok ng mga tropang Amerikano sa bansa.

Sinasamantala ni Macapagal-Arroyo ang malawakang galit sa Abu Sayyaf at kawalang-silbi ng AFP laban dito upang linlangin ang mamamayan na tanggapin ang pakikialam ng mga tropang Amerikano bilang mga tagapagligtas mula sa Abu Sayyaf. Tulad ng demagogong si Estrada, ginagamit ni Macapagal-Arroyo ang pinakamatatalim na salita laban sa "terorismo" subalit ikinukubli naman ang katotohanang ang Abu Sayyaf ay halimaw na nilikha ng AFP laban sa rebolusyonaryong pakikibakang Moro. Pinagtatakpan niya ang katotohanang ang Abu Sayyaf ay lumawak sa ilalim ng proteksyon ng AFP at burukrasyang sibil, kakutsaba ng mga ito sa mga kriminal na gawain at hatian sa ransom at sadyang palagiang pinalulusot ng mataas na kumand ng AFP.

Upang palabasing pinangangalagaan nito ang soberanya ng bansa at pahupain ang mga pagtutol sa Balikatan 02-1, inihabol ng rehimen ang pagbubuo at pagpirma ng Terms of Reference (ToR). Subalit ang interes ng US, higit sa anupaman, ang binigyang kaseguruhan sa ToR. Dito'y tiniyak na mananatili sa pamunuan ng US Armed Forces (USAF) ang nagsasariling kumand sa mga tropang Amerikano habang nasa Pilipinas. Tiniyak din ng US na may karapatan ang mga pwersa nito na "magdepensa sa sarili" sa paglahok nila sa mga operasyong militar laban sa Abu Sayyaf. Sa katuus-tuusan, mananatiling mas makapangyarihan sa pagtatakda ng galaw ng mga tropang Amerikano ang mission order mula sa kataastaasang kumand ng USAF.

Tanda ng kanyang todo-todong pagkapapet, masugid na ipinagtatanggol ni Macapagal-Arroyo ang armadong panghihimasok ng US, kahit pa tahasan itong iligal sa punto de bista ng konstitusyon at mga batas ng reaksyunaryong gubyerno. Di masikmura kahit ng ilan niyang kapartido ang todo-todong pagpapakatuta niya sa imperyalismong US. Ang tahasang pagbabalewala, pagbali at pagpilipit ni Macapagal-Arroyo sa mga batas ng gubyerno ay binabatikos din ng mga reaksyunaryong oposisyong pulitiko.

Ang pagbabalik ng mga armadong tropa ng imperyalismong US sa Pilipinas at ang walang-kahihiyang pakikipagsabwatan ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa imperyalistang amo nito ay muling nagpapatunay, sa napakalinaw na paraan, sa nagpapatuloy na imperyalistang dominasyon sa Pilipinas. Ipinakikita nito kung paanong patuloy na ginagamit ng US bilang isang malaking base militar nito ang buong Pilipinas kahit naibasura na ng mga patriyotiko at militanteng pwersa at mamamayan noong 1991 ang kasunduan sa base militar. Sa pamamagitan ng VFA, MLSA at iba pa, pursigido at tuluy-tuloy na nagkukutsabahan ang imperyalismong US at papet na gubyerno sa pag-imbento ng iba't ibang paraan para pangibabawan ang kawalan ng kasunduan sa base militar at palabasing lehitimo ang pagbabalik at panghihimasok ng mga tropang US sa Pilipinas. Nagbabadya ang mas malaki at masahol na armadong agresyon ng US sa bansa.

Muling sinindihan ng sabwatang US-Macapagal-Arroyo ang apoy ng patriyotismo sa hanay ng mamamayan. Itinutulak nito ang sambayanang Pilipino na bagtasin ang landas ng militante at rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansang kalayaan.

Mabilis na lumalawak ang pagtutol sa armadong panghihimasok ng US sa bansa at ang pagkilos ng mga patriyotikong mamamayan para palayasin ang mga tropang Amerikano. Puspusan silang nagpoprotesta sa pamamagitan ng mga pagkilos sa lansangan, pulong-masa, pag-aaral, paglalabas ng propaganda, pangkulturang pagtatanghal, pag-iipon ng mga lagda at iba pang anyo ng kolektibong pagkilos. Mayroon ding ligal na paghamon sa mga reaksyunaryong korte. Sa ibayong dagat, may mga pagkilos din ang mga patriyotikong Pilipino at iba pang pwersang anti-imperyalista.

Kasabay ng mga ito, kailangan pa ng higit at puspusang pag-abot, paglilinaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa higit na nakararaming mamamayan upang makamit ang malawak na pagkakaisa ng sambayanan sa paglaban sa imperyalistang dominasyon at panghihimasok. Kailangang kontrahin ang maka-imperyalistang propagandang ibinubuga ng rehimen.

Kailangang ilantad ang katangian ng imperyalismo at ang pagsasamantala at pang-aapi nito sa bansa at sa mamamayan; ang malakolonyal na katangian ng lipunan at papet na katangian ng gubyerno ng Pilipinas; ang kasaysayan ng imperyalistang agresyon at pananakop ng US sa bansa; ang mga estratehikong pang-ekonomya, pampulitika at pangmilitar na interes ng US sa Pilipinas at Asia-Pacific; at ang tunay na mga layunin sa muling pagpasok dito ng mga tropang Amerikano.

Ang pagtataguyod ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa armadong panghihimasok ng US ay kailangang labanan ng rebolusyonaryong kilusan at ng mamamayan nang walang kapaguran. Kinakailangang ubos-kayang kumilos ang mamamayan upang pagbayarin nang mahal ang rehimeng Macapagal-Arroyo sa todo-todong pagpapakatuta sa imperyalismong US at kataksilan sa mamamayang Pilipino.

Kailangang kumilos ang mamamayan upang hindi na patagalin pa sa poder ang rehimeng Macapagal-Arroyo, katulad ng pagbabagsak sa rehimeng Estrada noon. Dapat mahigpit na panghawakan ang paglaban sa armadong panghihimasok ng US at alinpamang papet na rehimeng magtataguyod nito.

 


 Back to topNext article

Pebrero 2002
Edisyong Pilipino


Editoryal: Pagbayarin nang mahal ang sukdulang papet na rehimeng Macapagal-Arroyo
Ang panunumbalik:
Armadong panghihimasok ng US sa Pilipinas

Ibayong pagyurak sa soberanya ng mga bansa: Doktrinang Bush
Pinalaking badyet pandigma ng US
Pagbatikos sa doktrinang Bush
Ang kapangyarihang militar ng US sa Asia-Pacific
North Korea handang lumaban sa agresyong US
Pagpapaalis sa mga Amerikanong "tagapayong militar" sa Colombia, iginiit ng FARC
[Balik-Tanaw: Dantaong pananalanta ng Imperyalismong US] Sa mga nagdaang Balikatan: Mga paglabag sa karapatan ng mamamayan
[Balik-Tanaw: Dantaong pananalanta ng Imperyalismong US] Pananalanta sa panahon ng mga base militar ng US sa Pilipinas
[Balik-Tanaw: Dantaong pananalanta ng Imperyalismong US] Digmaang Pilipino-Amerikano (1899-1913): Noong unang nanghimasok ang imperyalismong US sa bansa
[Balik-Tanaw: Dantaong pananalanta ng Imperyalismong US] Mga alingawngaw ng armadong panghihimasok ng US sa Vietnam
Mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.