Mining Act of 1955, epektibong nilalabanan ng mamamayan
Todong ibinukas ng Mining Act of 1995 ang malalawak na lugar sa bansa sa pandarambong ng mga dayuhan sa mga likas na yaman ng bansa. Itinataguyod ito sa pamamagitan ng iba't ibang marahas at mapanlinlang na pamamaraan upang agawin mula sa mga magsasaka at pambansang minorya ang mga lupaing saklaw ng mga aplikasyon, wasakin ang kabuhayan, kalusugan at mahuhusay na kaugalian ng mamamayan, sirain ang kanilang kapaligiran at sugpuin ang kanilang mga pagtutol.
Mula nang naisabatas ang Philippine Mining Act noong Marso 3,1995, dumagsa ang mga aplikasyon para sa mga Financial Technical Assistance Agreement (FTAA), Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) at Exploration Permits. Ang mga naaprubahan na ay sumasakop ng 677,770 ektaryang lupain. Mayorya ng mga nabigyan ng mga ito ay malalaking dayuhang kumpanya sa pagmimina. Mayroon ding mga aplikasyon para sakupin ang karagdagan pang 13,548,006 ektarya. Saklaw ng lahat ng mga ito ang humigit-kumulang 5% ng kabuuang lupain sa Pilipinas, kalakhan ng mga ito mga lupaing ansestral ng mga pambansang minorya.
Sa iba't ibang lugar sa bansa mula dulong hilaga hanggang dulong timog, laluna kung saan malakas ang rebolusyonaryong kilusan, sunud-sunod na nabibigo at napalalayas ang mga dayuhang mandarambong bunga ng magiting at sustenidong pagtutol ng mamamayan.
Noong 2000, nagpasa ang Sangguniang Panlalawigan ng Capiz at Iloilo ng resolusyon na nagbabawal sa pagmimina ng mga dayuhan sa prubinsya. Ang Western Mining Corporation (sa South Cotabato) at Arimco Mining (sa Nueva Vizcaya), parehong negosyong Australian, ay hindi rin nakapag-umpisa ng pagmimina dahil sa mainit na protesta ng mga mamamayan sa lugar.
Kamakailan, nagdeklara ang Sangguniang Panlalawigan ng Oriental Mindoro ng 25-taong moratoryum o pagbabawal sa pagmimina sa prubinsya. Sa partikular, tinututulan nila ang plano ng Crew Minerals Development Corporation, isang kumpanyang Canadian, na magsagawa ng open-pit mining o pagmimina sa pamamagitan ng pagbuldoser at paghukay sa lupa upang makuha kahit ang low-grade ore (mababang grado ng batong mineral). Nakahapag ang lima pang plano sa pagmimina sa prubinsya.
Sa Mati, Davao Oriental, mariing tinututulan ng mga Mandaya (isang tribong lumad) at mga aktibistang pangkalikasan sa Mindanao ang balak ng 20 kumpanya sa pagmimina. Saklaw ng mga lisensya sa pagmimina ang 20,000 ektaryang lupang ansestral ng mga Mandaya. Bunga ng pagtutol ng mamamayan, napigilan din ang pagpapalawak ng operasyon ng isang lokal na kumpanyang nagmimina ng silica sa lugar.
Sa Placer, Surigao del Norte, nagmartsa ang mga kasapi ng Anislagan Bantay-Kalikasan Task Force (Abakataf) at Aklas-Kinaiyahan noong Disyembre 30 patungo sa mismong minahan ng Manila Mining Corporation (MMC) para tutulan ang operasyon ng kumpanya at magprotesta laban sa pagkakasira nito sa watershed area na nagsusuplay ng tubig sa kanilang mga bukid at sa buong prubinsya.
Tinututulan din ng mamamayan sa Batarasa, Palawan ang balak na pagtatayo ng $150 milyong nickel refinery plant doon. Magkasosyong proyekto ito ng Sumitomo Metal Mining Corporation, isang higanteng korporasyong Hapones sa pagmimina, at ng Rio Tuba Nickel Mining Corporation na pag-aari nina Ronaldo at Manuel Zamora. Balak ng kumpanya na makapagmina ng 10,000 toneladang nickel at 750 toneladang cobalt mixed sulfide sa loob ng 20 taon.
Sa kabila ng mabilis na paglawak ng pakikibaka ng mamamayan laban sa dayuhang pagmimina, nananatili ang malaking banta ng malawakang pagpasok sa bansa at pandarambong ng mga dayuhang kumpanya sa pagmimina, liban pa sa mga kasalukuyang nag-ooperasyon na. Mahalagang masaklaw din ng mga pagpapaliwanag, pag-oorganisa at pagkilos laban sa dayuhang pandarambong ang iba pang mga lugar kung saan, sa tulong na rin ng gubyerno, mga repormistang grupong tulad ng mga "Soc Dem" at mga mersenaryong NGO, mabisa pang nakapanlilinlang ang mga kumpanya sa pagmimina. Sa edukasyon-propaganda, pag-oorganisa at pagkilos laban sa dayuhang pandarambong, mahalagang kagyat na dalhin sa mataas na antas ang linyang anti-imperyalista kasabay ng pagpapalawak ng linyang antipyudal at linyang antipasista.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|