Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ang militarismong pumatay kay P/CInsp. Abelardo Martin at ang nagpapatuloy na pasismo ng estado

 Read this article in English

Noon pang Enero, ipinahayag na ng Partido at Bagong Hukbong Bayan ang kahandaan nitong palayain ang mga bihag ng digmang sina P/Chief Insp. Abelardo Martin at Army Maj. Noel Buan. Subalit sa kabila nito, ipinakana pa rin ng mga militaristang naghahari ngayon sa rehimeng Macapagal-Arroyo ang isang rescue operation sa hangaring pangunahan ang BHB sa pagpapalaya sa mga bihag.

Ang bigong rescue operation ng Marso 8 ay nagresulta sa pagkamatay ni Martin. Sinalanta rin nito ang mga residente ng Sityo Oblian, Barangay San Marcelino, General Nakar, Quezon. Upang pagtakpan ang kanilang palyadong operasyon, sukdulan ang ginawang pambabaluktot ng AFP tungkol sa mga tunay na pangyayari kaugnay ng labanan sa pagitan ng pwersa ng BHB na nangangalaga kay Martin at ng mga tropa ng gubyerno.

Madaling-araw ng Marso 8 ay ipinagmayabang ni Gen. Jose Lachica, hepe ng Southern Luzon Command, na matagumpay nilang nailigtas ang bihag na si Martin mula sa BHB. Subalit nang makumpirma na nasawi sa operasyon si Martin, binago nila ang kanilang kwento. Sa direksyon ni Executive Secretary Renato de Villa at noo�y Defense Secretary Eduardo Ermita, naghabi ng kasinungalingan sina Lachica at Lt. Warren Lee Dagupon (pinuno ng pwersa ng 8th Scout Rangers Company o SRC na umatake sa custodial force ng BHB). Ang ipinangalandakan noong una na matagumpay na rescue operation ay pinalabas na nilang isang simpleng chance encounter (di inaasahang engkwentro) habang nasa operasyong pagtugis diumano ang militar laban sa BHB.

Ayon sa ginawang pagtatasa ng Melito Glor Command (MGC), isang buwan nang tukoy ng

4th Intelligence Security Unit (ISU) ang hinihimpilan ng lima-kataong tim ng BHB na nangangalaga kay Martin. Ito ang naging batayan ng planadong sorpresang reyd ng pangkat ni Dagupon at mga elemento ng 4th ISU noong Marso 8. Taliwas sa iniulat ni Dagupon, hindi lamang 10 kundi mahigit 30 elemento ng 8th SRC at 4th ISU ang pumasok sa San Marcelino noong Marso 6. Matapos ang madaling-araw na labanan at pagputok ng liwanag noong umaga ng Marso 8, iniulat ng taumbaryo na umabot pa ang bilang ng tropa ng AFP sa mahigit 100.

Bahagi ng ginawang rescue operation ang sagad-sagarang pasistang pandarahas ng mga sundalo sa mga residente ng Sityo Oblian .

Gabi pa lamang ng Marso 6, binulabog ng isang 10-kataong iskwad ng AFP ang isang pamilyang magsasaka sa lugar. Pwersahang pinalabas ang padre de pamilya, tinutukan ng M16 sa batok, pinosasan, sinakluban ng bonnet at pinaunang maglakad habang sinusundot ang kanyang likuran ng dulo ng baril. Pagkatapos, kinaladkad ng mga berdugo ang isa pang magsasaka palabas sa kanyang bahay at kanilang hinalughog ang kanyang tirahan. Pinigilan nilang lumabas at sumunod ang mag-anak ng biktima . Tinutukan ang magsasaka sa kanyang ari at pilit pinaaaming tagasuporta ng BHB. Bawat sagot ng biktima�y sinuklian ng mga sundalo ng kulata sa likod at tagiliran. Binantaan pa ng mga pasista ang magsasaka bago siya pinauwi.

Noong gabi ng Marso 7, nagtipon sa Sityo Oblian ang ilang kolum ng mga sundalong nanggaling sa iba�t ibang direksyon upang simulan ang pag-atake sa kubong kinalalagyan nina PCI Martin. Ayon sa ulat ng MGC, sa unang bugso pa lamang ng putukan bandang ala-una ng madaling araw ay nagpakilala na si PCI Martin. Subalit "Hala, sige lang!" at "Sige, banatan pa!" ang patuloy na isinigaw ng mga umatake. Pinagsikapan ng custodial force na isama sa pag-atras si Martin na noo�y may tama na sa pigi. Subalit nahirapan sila dahil sa sinsin ng mga putok galing sa SRC.

Bandang alas-tres na ng madaling-araw nang tumigil magpaputok ang kaaway. Sa pinag-atrasan na inabutan ng SRC si Martin. Maliwanag na nang ibaba ng mga sundalo ang bangkay niya upang isakay sa bangka. Bago tuluyang umalis sa lugar, isa pang bahay ang hinalughog at ninakawan ng mga sundalo.

Si Martin ay inaresto ng BHB sa isang operasyon sa Dolores, Quezon noong Nobyembre 1999. Noon pa man, ipinahayag na ng BHB na nakahanda itong palayain si Martin subalit hindi ito tinugon ng rehimeng Estrada.

Sa mahigit isang taong nakabimbin si Martin, nakinabang siya sa patakaran ng BHB sa makatao at maluwag na pagtrato sa mga bihag ng digma. Laluna nitong huling mga buwan, pinahintulutan siyang maluwag na makisalamuha sa masa sa baryo. Madalas siyang nakikitang nagda-jogging sa aplaya at nakakapaligo sa dagat.

Tumanggap siya ng masugid na atensyong medikal. Katunayan, inoperahan ng mga medik ng BHB ang katarata sa kanyang mata.

Ilang araw bago ang bigong rescue operation, nagpagawa pa siya sa mga Dumagat ng mga pasiking (bakpak na yaring uway) at basket upang ipasalubong sa kanyang pamilya pagkalaya niya. Ninakaw lamang ito ng mga sundalong nagsagawa ng palyadong rescue operation.

Ang mahusay na pagtrato at pangangalaga ng BHB kay PCI Martin, at ang nalalapit nang pagpapalaya sa kanya, ay tinumbasan lamang ng AFP ng napakalupit na bigong rescue operation at pagpatay sa kanya.

Idineklara ni Macapagal-Arroyo ang suspensyon ng mga opensibong operasyong militar (SOMO) sa Timog Katagalugan matapos masawi si PCI Martin. Subalit sadyang huli na ito. Napakatagal na itong iginigiit ng rebolusyonaryong kilusan at mamamayan. Bago nito, ang deklarasyon ng SOMO ay hinahadlangan ng mga militarista sa loob ng bagong administrasyon upang pagkaitan ang BHB ng pagkakataong ipamalas kung papaano nitong itinataguyod ang mga alituntunin sa digma at makataong batas.

Ayon pa sa pahayag ni Gregorio "Ka Roger" Rosal, "Ang pakanang rescue operation ay palatandaan kung papaanong nakahanda ang mga militaristang namumuno sa AFP na isakripisyo ang buhay ng kanilang mga tauhan sa pagmamatigas na huwag kilalanin ang katayuan ng BHB bilang kapantay na entidad sa isang digmaang sibil at ituring ang pagrerebolusyon bilang kriminal na aktibidad."

Ang pagpapalaya sa mga bihag ng digma ay bahagi ng pagtataguyod sa usapang pangkapayapaan. Sa kabila ng bigong rescue operation at pagkapatay kay Martin, nakahanda pa rin ang rebolusyonaryong kilusan na ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan.

Gayundin, nakahanda pa rin ang BHB na isagawa ang pagpapalaya kay Army Major Buan. Isasagawa ito ng BHB alinsunod sa pagpapatupad ng rebolusyonaryong kilusan ng demokratikong kapangyarihan at mga rebolusyonaryong alituntunin sa pakikidigma at pagtrato sa bihag, bilang pagtalima sa internasyunal na makataong batas at mga alituntunin ng digma, at bilang tugon sa kahilingan ng pamilya, ng humanitarian and peace mission pati na ng rehimeng Macapagal-Arroyo.

 


Previous articleBack to topNext article

Marso 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Banta sa usapang pangkapayapaan ang pamamamyagpag ng mga militarista sa loob ng rehimeng Macapagal-Arroyo

Bagong hirang na kalihim ng depensa:
Gen. Angelo Reyes: Pusakal na pasista

Ang militarismong pumatay kay P/CInsp. Abelardo Martin at ang nagpapatuloy na pasismo ng estado
Lumalalang pagsasamantala at pang-aapi sa kababaihang anakpawis
Sumisidhing pang-aapi sa uring manggagawa sa Europe
Mga Balita ng Pakikibaka
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.