Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ang payola sa hweteng at iba pang anomalya:
Krimen at korupsyon sa mismong ulo ng estadong neokolonyal

 Read this article in English

Kitang-kita sa kasalukuyan ang kabulukang likas sa reaksyunaryong estado. Dili iba't ang mismong pangulo nito ang nahaharap sa mga kaso ng katiwaliang maituturing na isa sa mga pinakaiskandaloso sa kasaysayan ng reaksyunaryuong pulitika sa bansa.

Ang pagkakaimbwelto ni Estrada sa kasalukuyang iskandalo sa hweteng, bukod pa sa di mabilang na mga anomalyang kinasangkutan ng kanyang administrasyon sa halos bawat araw ng kanyang mahigit dalawang taon pa lamang na panunungkulan, ay yumayanig ngayon sa buong naghaharing sistema sa paraang maihahambing lamang sa mga huling taon ng diktadurang Marcos.

LORD OF ALL JUETENG LORDS. Ibinunyag ni Gob. Luis "Chavit" Singson ng Ilocos Sur, na hanggang kamakailan ay kaibigan ni Estrada at kasapakat sa mga iligal na aktibidad, na tumanggap ang presidente ng mahigit P400 milyon mula sa operasyon ng hweteng sa buong Luzon. Kaugnay nito, tumambad din sa mata ng mamamayan ang pakikinabang ng iba pang matataas na upisyal ng gubyerno, at malalapit na kaibigan ni Estrada, at ang proteksyon at pagtatakip na ginagawa ng mga ito sa sagad-sa-butong katiwalian ng reaksyunaryong pangulo.

Kabilang sa mga upisyal ng gubyernong nabunyag na kasama ng pangulong nakikinabang sa iligal na sugal sina Sen. John Osme�a at Sen. Teresa Aquino Oreta, Presidential Liaison Officer Jaime Policarpio, presidential adviser Anton Prieto at Mayor "Jinggoy" Estrada na anak ng presidente. Direkta namang naimbwelto ang mga kaibigan ni Estradang sina Charlie "Atong" Ang, Yolanda Ricaforte at ang abugado ng pangulo na si Edward Serapio.

PAGNANAKAW SA KABANG BAYAN. Bukod sa koleksyon sa hweteng, ibinunyag din ni Singson na nagkamal ang reaksyunaryong pangulo ng P130 milyon mula sa P200 milyon bahagi ng tobacco excise taxes na nakalaan para sa maliliit na magsasaka sa tabako sa Ilocos Sur.

Hindi ito ang unang pagkakataong nasangkot si Estrada sa kasong pagnanakaw sa pondo ng gubyerno. Noong nakaraang Marso, ibinunyag ng isang dating direktor ng Philippine Charity Sweepstakes Office na kumurakot ang pangulo, si Luisa Ejercito na isa sa kanyang mga asawa at si "Jinggoy" Estrada ng P430 milyon mula sa salaping nakalaan para sa kawanggawa.

Bukod pa rito ang mga iskandalong kinasangkutan ng iba't ibang upisyal ng kanyang administrasyon. Noong Hunyo 1999, lumitaw ang isyu ng maanomalyang pagbili ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) ng P16 milyon halaga ng mga posas. Setyembre ng taon ding iyon, 15 myembro ng gabinete ni Estrada ang napatunayang gumagamit ng mga mamahaling sasakyang nasamsam ng Bureau of Customs mula sa mga ismagler. Noong nakaraang Pebrero, sinampahan naman ng kasong graft si dating DILG Sec. Ronaldo Puno kaugnay ng pagkansela sa P200 milyon kontrata sa Motorola para sa mga radyong pangkomunikasyon. Buwan ng Marso, muling nakasuhan si Puno kasama si dating PNP Chief Roberto Lastimoso sa tiwaling P3.6 milyon kontrata para sa drug test ng mga pulis. At nito lamang Setyembre, naakusahan si DECS Sec. Andrew Gonzales ng paggamit ng P12 milyon mula sa isang donasyon upang ibili ng mamahaling mga sasakyan ang kanyang sarili at ilan pang upisyal ng ahensya.

TODO-TODONG PAGPAPAKASASA. Nakasusuklam ang napakamagarbo at napakamaluhong pamumuhay ni Estrada at ng kanyang mga asawa at anak sa kabila ng labis na kahirapang dinaranas ng nakararaming masang anakpawis.

Naging presidente si Estrada sa panahon ng walang kaparis na lalim ng krisis sa ekonomya na humantong sa malubhang pagkitid ng mga rekursong mapaghahati-hatian at mga larangang mapagkakakitaan ng magkakaribal na paksyon sa pulitika.
Sugapa sa sugal si Estrada. Ibinunyag na minsa'y umaabot nang P15 milyon ang pusta sa pakikipagmadyong niya sa kanyang mga kaibigan. Balewala sa kanya ang magbalato ng tigiisang milyong piso sa kanyang matatapat na kampon. Ayon kay Singson, aabot na nang mahigit P300 milyon ang napanalunan ni Estrada sa nasabing sugal hanggang noong maputol ang kanilang pagkakaibigan.

Kamakailan, lumabas ang mga ulat hinggil sa halos P1 bilyon halaga ng mararangyang mansyong ipinagawa mula 1999 para sa mga asawa at anak ni Estrada na hindi kayang ipaliwanag ng P2.3 milyon lamang na kitang idineklara niya noong taong iyon. Maging ang idineklara niyang P35.8 milyong kabuuang halaga ng kanyang mga ari-arian ay napakaliit kumpara sa halaga ng mga lupa at mansyong nabanggit.

Lumabas din ang mga rekord ng 66 na mga korporasyon kung saan nakarehistro si Estrada, ang kanyang mga asawa at mga anak bilang mga may-ari ng sapi o kaya'y mga myembro ng board of directors. Ang P121.5 milyon kabuuang sapi nila sa mga naturang korporasyon ay hindi maipaliwanag ng upisyal na mga deklarasyon ng mga ari-arian ni Estrada sa nakaraang 12 taon.

KAHARIAN NG MGA MATON. Marami sa mga desisyon ni Estrada kaugnay ng pagpapatakbo sa gubyerno ay nabubuo hindi sa kanyang upisyal na gabinete kundi sa tinaguriang "midnight cabinet". Kinabibilangan ito ng kanyang mga kaibigan, kainuman at kasugalan na umaani ng napakalalaking pabor dahil sa malakas na kapit nila sa Malakanyang.

Pinakamatingkad nang halimbawa ng pakikinabang ng mga kaibigan ni Estrada ang pagkakabalik ni Eduardo 'Danding' Cojuangco sa San Miguel Corporation at pagkakahalal nito bilang tagapangulo ng board ng kumpanya. Kamakailan lamang ay pinirmahan naman ni Estrada ang Executive Order 313 na inaasahang magbibigay-daan sa ganap nang pagbawi ni Cojuangco sa ninakaw nitong pondong coco levy.

Noong Hulyo, ibinunyag ni Perfecto Yasay, dating tagapangulo ng Securities and Exchange Commission, ang pagpresyur sa kanya ni Estrada na iabswelto si Dante Tan, kaibigan at nag-ambag ng malaki sa kandidatura niya, sa kasong pagmanipula sa presyo ng mga sapi sa BW Resources, isang kumpanyang nagpapatakbo ng mga pasugalan. Idinagdag pa ni Yasay na nakakikbak si Estrada ng mahigit P1.8 bilyon mula sa pagkakabenta ng PLDT at BW Resources sa pinaborang mga kumpanya.

Sa pakikialam din ng Malakanyang, napawalang-sala noong Agosto si Lucio Tan, isa pang kaibigan ni Estrada, sa kasong di pagbabayad ng P25 bilyon buwis.

Ang iba pang mga kroni ni Estradang nakaiimpluwensya sa takbo ng gubyerno at nakikinabang rito ay ang mga negosyanteng sina Mark Jimenez, Ramon Lee, Lucio Co, Jaime Dichavez, William Gatchalian, Eusebio Tan at Jacinto Ng; gayundin ang mga maton na sina Charlie 'Atong' Ang, Congressman Luis 'Baby' Asistio, Roberto Aventajado at hanggang nitong huli, si Singson.

Bwelung-bwelo rin ang pagsasamantala ng mga kamag-anak ni Estrada sa kapangyarihan. Noong Enero 1999 halimbawa, nabunyag ang paghiling ni Celia de Castro, pinsan ni Estrada na maglabas ng P200 milyon ang Department of Budget and Management para sa kwestyonableng pagbili ng mga libro ng DECS. Upang mapagbigyan ang kahilingan, sinuhulan ni de Castro ng P3 milyon si Budget Secretary Benjamin Diokno.

HINDI maiwasang humantong sa ganitong tindi ang pagkaagnas ng reaksyunaryong sistema. Naging presidente si Estrada sa panahon ng walang kaparis na lalim ng krisis sa ekonomya na humantong sa malubhang pagkitid ng mga rekursong mapaghahatihatian at mga larangang mapagkakakitaan ng magkakaribal na paksyon sa pulitika. Limitado na ang pumapasok na pautang mula sa ibang bansa at ibayong tumutumal ang negosyo at produksyon. Kaya naman kahit mga tahasang iligal at kriminal na aktibidad ay direkta nang pinanghawakan ng pinakamataas na baytang ng burukrasya, pulisya at militar.

Sa ganitong kalagayan, maingay na umaalma ang mga kalaban ni Estrada sa poder. Inilalantad nila ang lahat ng ebidensyang nakakalap hinggil sa pagpapakasasa ni Estrada sa kapangyarihan.

Higit na mahalaga, puspusan din ang paglalantad at pagbatikos na ginagawa ng mamamayan sa mga katiwaliang ito at sinasamantala ang iniluluwal nitong krisis sa pulitika upang higit pang palawakin at palakasin ang rebolusyonaryong kilusan.

 


Previous articleBack to topNext article

Nobyembre 2000
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Patatagin at ibayong palawakin ang pagkakaisa ng mamamayan upang ibagsak ang rehimeng US-Estrada!

Malawakan at mapangahas na mga aksyong protesta, inilunsad
Estrada at kanyang mga kasapakat:
Target ng mga espesyal na operasyon ng BHB

Ang payola sa hweteng at iba pang anomalya:
Krimen at korupsyon sa mismong ulo ng estadong neokolonyal
Hinggil sa taktikal na alyansa sa mga reaksyunaryong anti-Estrada at ang hungkag na Kaliwang retoriko ni Lagman
Sigaw ng mga manggagawa ng pampublikong sektor:
Itaguyod ang mga karapatan at kagalingan ng mga kawani ng gubyerno!

Halalan sa pagkapangulo ng United States:
Walang magbabago sa imperyalismong US

Hamon tungo sa ganap na reunipikasyon:
Pagpapaigting ng anti-imperyalistang pakikibaka sa Korea

Mga balita sa pakikibaka
Mga karagdagang balita mula sa larangan
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.