Pananalanta ng pasistang estado
Sumusunod ang ilang tampok na kaso ng mga paglabag sa karapatang-tao mula Abril-Hunyo 2002:
Hunyo 6. Limang sibilyan ang namatay at tatlo pa ang nasugatan sa Barangay Bualan, Pikit, North Cotabato nang pagbabarilin sila ng mga tropa ng 6th ID. Pinalalabas na mangangalabaw at nanlaban ang dating mga mandirigma ng MILF na kanilang pinagbabaril. Subalit kinumpirma ng isang organisador ng simbahan sa Pikit na ang mga biktima ay napaslang nang ireyd at mag-istraping sa dalawang bahay noong madaling araw ang militar. Kinilala niya ang mga biktima na sina Dokilman Duga, 48; Tata Duga, 7; Unutan Mangilay, 44; Tahir Mangilay, 30; at Tukan Midtimbang, 30. Sugatan naman ang magkapatid na Mohammad, 19, at Layse Mangilay, 2, at si Nasrodin Amerodin, 14.
Mayo 21. Pinatay ng mga sundalo mula sa 52nd Regional Command Company ng 204th Bde sina Ruben Apolinar, ang kanyang asawang si Rodriga at ang kanilang ampon na si Nina, 6, sa Barangay Ilag, San Teodoro, Oriental Mindoro. Ang mag-asawa ay coordinator ng Bayan Muna sa kanilang lugar.
Mayo 10. Dinukot ang isang walong buwang buntis sa harap ng Quezon City Hall at inabuso. Ang biktima ay kabilang sa istap ng Migrante International. Dinukot siya ng mga armadong kalalakihan mga 10:30 n.g. Hinipuan siya at binantaang gagahasain ng mga humuli sa kanya nang wala siyang maisagot sa ginawang interogasyon sa kanya.
Mayo 4. Binaril si Marlyn Dawag Alonzo, 31 at tinutukan ng baril si Olivia Carias Cuevas, 43 sa Pangarap Village, Caloocan City. Ang mga biktima ay kabilang sa mga residenteng tumututol sa demolisyon ng Camel Development Corporation na pag-aari ni Gregorio "Greggy" Araneta III, manugang ni Imelda Marcos.
Mayo 2. Pinatay sina Mostelo Gabay, 38, at Ricardo Dulay, 37, parehong lider ng komunidad sa Purok 5, Barangay Tagaytay, Magsaysay, Davao del Sur. Bukod sa dalawang pinatay, nasugatan din si Marivic Ayuba, 18, nang paputukan sila ng mga sundalong kabilang sa 25th IB sa pamumuno ng isang Lieutenant Soriano. Inaresto rin sina Rosalie Uripaypay, 18, Evelyn Ngujo, 37, at Eleazar Alili, 19.
Mga 5:00 n.u. nang dumating sa baryo ang humigit-kumulang sa 70 sundalo. Pinalibutan ang mga bahay nina Gabay at Dulay. Hinalughog ang isang bahay at hinuli ang tatlong pinaghihinalaang mga kasapi ng BHB. Pagkatapos nito ay pinaputukan na ang bahay. Ayon pa rin sa ulat, ninakawan pa ang mga biktima. Kabilang sa mga ninakaw ang nakaimbak na mga binhing mais.
Mayo 1. Limang tao ang pinatay kabilang ang isang guro at isang 13-taong gulang na bata sa Darong, Sta. Cruz, Davao del Sur. Walang indikasyon ng paglaban ang lima nang ipakita sa kanila ang isang search warrant taliwas sa ipinopropaganda ni Chief Supt. Eduardo Matillano, regional police director sa Timog Mindanao. Pinagbibintangan ang mga pinatay na sibilyan bilang mga teroristang may kinalaman sa pagpapasabog sa Cotabato City noong Abril.
Unang hati ng Mayo. Hinamlet ang mamamayang Banwaon ng Barangay Tabon-Tabon, San Luis, Agusan del Sur pagkatapos silang pagbintangan ni Mario Napungahan, isang lider ng CAFGU, ng pagkupkop ng mga Pulang mandirigmang pumatay umano sa isa niyang tauhan. Ang mga Banwaon ay sapilitang tinipon sa Kilometer 29 sa naturang bayan, malapit sa isang detatsment ng AFP. Dahil sa kagutuman, napilitan muling lumikas ang mga Banwaon patungong Balit, 22 kilometro ang layo mula sa Kilometer 29.
Abril 15. Minasaker ng isang seksyon ng 73rd IB at CAFGU ang anim katao sa Pangyan, Barangay Tamugan, Marilog District, Davao City. Bukod sa anim na namatay, may anim ding nasugatan kabilang ang tatlong bata. Naganap ang masaker sa kasalan ng mga kasama sa BHB. Kabilang sa namatay si Apolonio Enoc, 64, isang lider magsasaka ng Farmers Association of Davao City at ninong sa kasal. Buhay pa si Enoc sa unang bugsuan ng putok at sa binti lamang ang tama. Sa halip na dalhin sa ospital, tinuluyan itong patayin ni Loreto "Toto" Palma, isang CAFGU. Kabilang sa mga namatay sina Edgar Blas, Jaime Dakula, Luisita Icapan, Warlito Bayanban at Charles Bayanban.
Mula Abril 2000. Sa Sulu, may lima nang masaker at pitong pagpatay ang nangyari. Ang mga bayan ng Patikul, Luuk, Panamal, Talipao, Indanan at Parang ay laging target ng pambobomba at mga operasyong militar. Laganap ang pwersahang pagpapalikas, panununog ng mga bahay ng mga sibilyan, pagpatay, harasment, demolisyon at iligal na panghahalughog.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|