Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Hepeng imperyalista at terorista, itinakwil ng sambayanang Pilipino

 Read this article in English

Ang makapal at maitim na ulap na hatid ng sandaling pagdapo sa Pilipinas ni Pres. George W. Bush ng US noong Oktubre 18 ay hinawi ng pagwagayway ng libu-libong bandilang nagpapahayag ng nagpupuyos na protesta ng sambayanang Pilipino laban sa imperyalismong US at papet na rehimeng Arroyo.

Ang pagsilab sa daan-daang bandila ng US�simbolo ng imperyalistang pang-aapi at pagsasamantala sa Pilipinas at sa buong mundo�ay nagdulot ng liwanag habang ang dambuhalang anino ng imperyalistang agila ay kumubabaw sa buong bansa.

Umalingawngaw ang mga sigaw ng ilampung libong nagmartsa sa lansangan at ng milyun-milyon pang tumutututol sa iba't ibang paraan at lugar: Wakasan ang imperyalistang paghahari sa Pilipinas! Wakasan ang papet na rehimeng Arroyo!

Sa kabila ng mga pagtatangka ng rehimeng Arroyo na supilin ang kanilang mga pagkilos, matagumpay nilang ipinamalas sa buong mundo na ang sambayanang Pilipino ay hindi mga maamong tupang yuyuko sa harap ng pinakamakapangyarihang imperyalista at terorista. Ipinamalas nila ang kanilang nagngangalit na protesta sa papatinding pagsasamantala at pang-aaping malakolonyal ng imperyalismong US sa Pilipinas at sa kasuklam-suklam na pagpapakapapet ng rehimeng Arroyo. Ipinamalas nila ang paninindigang patriyotiko at hangaring palayain ang Pilipinas mula sa pagkakasaklot ng imperyalismong US at mga galamay nito sa bansa.

Itinakwil nila ang ibayong pandarambong ng imperyalistang US na nagdudulot ng pagkaatrasado at lalong paghihirap sa mamamayang Pilipino at ang pag-iibayo pa nito sa pamamagitan ng imperyalistang patakarang "globalisasyon ng malayang pamilihan." Sinalamin nila ang pandaigdigang pagtutol sa mga hakbangin ng US na lalong papagsilbihin sa interes nito ang World Trade Organization na nagresulta sa pagbagsak sa huling pag-uusap nito sa Cancun, Mexico. Itinakwil nila ang panibagong pagtatangka ng US na ipataw ang mga panukala nito sa pamamagitan ng mga bilateral at rehiyunal na kasunduan sa layuning makipag-unahan sa iba pang imperyalistang bansa at higit pang makapagmonopolisa at makapandambong sa ekonomya ng ibang bansa, laluna ng mga atrasadong bansa.

Itinakwil ng sambayanang Pilipino ang tumitindi at lumalalim na armadong interbensyon ng US sa Pilipinas. Nagpahayag sila laban sa mga hakbangin para ibalik ang mga base militar ng US�masaklaw man o maliit, permanente man o hindi. Isinigaw nila ang pagbasura sa Visiting Forces Agreement, sa Mutual Logistics Support Agreement, sa kasunduang naglilibre sa mga sundalong US mula sa pagsaklaw ng International Criminal Court at iba pang kasunduang nagbibigay-daan sa interbensyong militar ng US sa Pilipinas.

Itinakwil nila ang doktrina ng "anti-terorismo" ng US na bulag na sinusuportahan ng rehimeng Arroyo. Binatikos nila si Arroyo sa pagkitil at pagsakripisyo sa altar ng "anti-terorismo" ng usapang pangkapayapaan at pagpunit sa sampung kasunduan sa pagitan ng gubyerno at ng National Democratic Front. Binatikos nila ang teroristang gera ni Arroyo, ang malawakang militarisasyon, at ang pag-aarmas ng US sa kanyang pinagkakatiwalaang papet. Binatikos nila ang walang kahihiyang paggigiit ni Arroyo ng armadong panghihimasok ng US sa gera sibil sa Pilipinas at sa digmang anti-Moro sa hibang na pag-aakalang matatakot nito ang sambayanan at mga rebolusyonaryong pwersa.

PINATINGKAD NG PAGBISITA NI PRES. GEORGE BUSH NG US ang neokolonyal na katangian ng sistemang pampulitika at pang-ekonomya sa Pilipinas. Pinatingkad nito ang patindi nang patinding pang-aapi at pagsasamantala ng imperyalismong US sa Pilipinas at sa iba pang bansang malakolonyal.

Tanging ang mga papet, malalaking kumprador, burukratang kapitalista, pasista, mga nagsasamantala at nang-aapi sa mamamayan ang nagdiwang sa pagbisita ng tinitingala nilang amo at sinasambang diyos�ang imperyalistang hepe at numero unong terorista sa mundo.

"Amen!"at palakpak ang paulit-ulit nilang tugon sa pagbigkas sa doktrinang "anti-terorismo" ng kanilang panginoong Bush. Tingala silang nakinig sa baluktot na pangangatwiran sa panggegera ng US at pagbibigay-puri sa todong pagsuporta dito ng papet na rehimen ni Arroyo ." Nakiisa sila sa punong barumbado sa mapagmalaking pagdedeklara nito ng matagumpay na pagpapataw ng Pax Americana sa Iraq at Afghanistan at pagyurak nito sa lahat ng umiiral na patakaran sa sibilisadong pakikipag-ugnayang pandaigdig.

Sama-sama silang nagpakabusog sa puu-puong milyong pisong piging at mga palamuting inialay nila kay Bush. Sa pangunguna ng punong papet na si Gloria Arroyo, ipinagdiwang nila ang isang siglo ng kolonyal at malakolonyal na paghahari ng makapangyarihang Amerika at ang mga pinakahuling sabwatan at pakana nila sa mas masahol at garapalan pang pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayan. Habang nagmamantika ang kanilang mga labi, abot-langit ang kanilang mga hosana sa imperyalistang "globalisasyon" at pagbibigay-puri sa "gera laban sa terorismo."

Sama-sama silang nagpatirapa at nagsumamo sa kanilang amo at humingi ng limos�pampakapal sa kanilang mga pitaka, kaunting baryang pampuno sa butas na bulsa ng gubyerno at ilang pinaglumaang kagamitang militar upang ipamuksa sa mga nag-aalsang mamamayan. Tulad ng dati'y ipinangako nilang ialay ang lahat�kahit ang kakaunting natitira pang kalayaan ng Pilipinas. Nakahanda silang baguhin ang mismong konstitusyon ng gubyerno upang pag-ibayuhin pa ang nakapangyayaring neokolonyal na kontrol ng US sa Pilipinas.

KASUKLAM-SUKLAM ANG ISKANDALOSONG ginastos para sa engrandeng pagsalubong ng rehimeng Arroyo kay George W. Bush. Walang karespeto-respeto sa pambansang soberanya at integridad ang rehimen nang hayaan nitong mambastos ang imperyalismong US sa walang-modong paghahalughog ng mga tauhang panseguridad ng US sa mga kasuluk-sulukan ng Malakanyang, Kongreso at iba pang daraanan at titigilan ni Bush. Lubos na nakapagngangalit ang paglalatag ni Arroyo ng pulang alpombra para kay Bush matapos nitong baklasin ang mga barungbarong ng daan-daang maralita ng lunsod at hatawin ng batuta ang mga nagpoprotesta.

Katawa-tawa ang rehimeng Arroyo sa pagbibigay ng lubos na pagpuri kay Bush samantalang ito'y binabatikos ng mamamayan sa buong mundo at kahit ng mamamayang Amerikano dahil sa kanyang pasistang panunulsol ng gera, imperyalistang pambabraso at panlilinlang at pagsisinungaling.

Pagbabayaran nang mahal ni Arroyo ang ipinakita niyang walang-hangganang pangangayupapa sa imperyalismong US. Kasabay ng pagkasuklam ng mamamayan ng mundo at paghusga ng kasaysayan sa diyos-diyosang si Bush, gayon ding huhusgahan si Arroyo sa Pilipinas sa kanyang hangal na pagsusunud-sunuran sa imperyalistang amo at sukdulang pagpapahirap sa mamamayang Pilipino.

 


 Back to topNext article

21 Oktubre 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Hepeng imperyalista at terorista, itinakwil ng sambayanang Pilipino
Nagliliyab na mga protesta, sumalubong kay Bush
Bilateral na kasunduan, niluluto nina Bush at GMA
Mga Ulat Koresponsal:
Mga aral at tagumpay sa pakikibakang agraryo sa Isabela

Mga Ulat Koresponsal:
Bigo ang �Orgullo� Brigade sa Bicol

Mga Ulat Koresponsal:
Pagtutol ng mamamayan sa SOT sa Cordillera

Mga Ulat Koresponsal:
Ang kwento sa likod ng reyd sa Oras, Eastern Samar

Usapang pangkapayapaan ng NDF at GRP, muling bubuksan
Dalawang bagong aklat ni Ka Joema, inilunsad
Tangkang ekstorsyon ng Malakanyang, ibinunyag ng Fraport
Matatagumpay na opensiba ng BHB:
Mga Tampok na Opensiba

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.