![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
"Hindi na maaaring magkaroon ng tunay na reporma sa loob ng bangkaroteng sistemang malakolonyal at malapyudal". Ito ang idineklara ng isang upisyal ng lokal na reaksyunaryong pamahalaan na tumalikod sa Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at nanumpa sa rebolusyonaryong kilusan. Si Jaime Decasa, bise alkalde ng Batuan, Bohol ay sumanib nitong Marso 22 sa National Democratic Front (Pambansang Demokratikong Prente o NDF). Ayon sa pahayag sa midya ng NDF-Gitnang Kabisayaan, si Decasa, na kilala na ngayon bilang "Ka Rudy," ay nagpasyang maging rebolusyonaryo pagkatapos niyang mamulat sa katotohanang imposibleng baguhin mula sa loob ang bulok na naghaharing sistema. Ito, anang NDF, ang nakapagkukumbinsi sa mga tapat na lingkodbayan at iba pang mga elemento ng panggitnang pwersa na sumapi sa NDF. Ito rin, anito, ang nagtutulak sa mga tunay na maka-mamamayang pulitiko na lihim na makipagtulungan o sumapi sa rebolusyonaryong kilusan. Bigong krusada laban sa korupsyon Bilang konsehal pa lamang ng bayan noong 1992, nakilala si Decasa sa kanyang pagbubunyag ng mga anomalya sa pagpopondo ng mga proyekto ng lokal na gubyerno sa Batuan. Nang tumakbo siya bilang bise alkalde noong Mayo 1998 sa ilalim ng Laban ng Masang Pilipino, natuklasan ni Decasa na ilan sa kanyang mga kapartido (kabilang na ang nanalong alkalde na si Brady Dano) ay mga opereytor ng iligal na sugal at nasa payroll ng matataas na upisyal ng pulisya tulad ng dating Philippine National Police (PNP) provincial director ng Bohol na si Laurence Cadungog. Dahil sa kanyang natuklasan, tinugis si Decasa at isinangkot sa kasong pagpatay sa isang magsasaka at pambubugbog sa apat pang iba noong nakaraang halalan. Naglabas ng mandamyento de aresto laban sa kanya noong Enero. Dito na nawalan ng pag-asa si Decasa sa kanyang krusada laban sa korupsyon at nagpasyang pumanig sa rebolusyon. Umugnay si Decasa sa rebolusyonaryong kilusan noong Enero 10. Inimbestigahan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang mga paratang kay Decasa. Lumabas sa pagsisiyasat na mga elemento lamang ng PNP at mga armadong goon ng ibang pulitiko na naroroon noon sa lugar na pinangyarihan ng insidente ang maaaring makapagsagawa sa naturang krimen. Malinaw na isinangkot lamang si Decasa ng pulisya at mga kalaban niya sa pulitika upang matigil na ang kanyang pagbubunyag ng kabulukan sa gubyerno. Dahil sa sinseridad ni Decasa at kahandaan nitong pumanig sa rebolusyon, malugod siyang tinanggap sa NDF. Marami pang iba Hindi si Decasa ang unang upisyal ng gubyerno na tumalikod sa reaksyunaryong pamahalaan. Noong Hulyo 1995, nagulantang ang GRP nang ihayag ni Brig. Hen. Raymundo Jarque, na dating pinuno ng Southern Luzon Command, ang kanyang pagsapi sa NDF. Tulad ni Decasa, si Jarque ay inakusahan ng krimeng hindi niya ginawa matapos niyang banggain ang ilang makapangyarihan at tiwaling burukrata. Naging biktima siya ng sistemang tapat niyang pinaglingkuran nang ilang dekada. Biktima rin ang tatlong elemento ng Citizen�s Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) na nag-alsa laban sa kanilang yunit nitong Abril 1 sa Lopez, Agusan del Sur. Ayon sa mga ulat, nagpasyang sumapi sa rebolusyonaryong kilusan ang tatlong CAFGU dahil hindi na nila matiis ang pagmamalupit sa kanila ng mga upisyal ng AFP. Pinagbabaril nila ang kanilang mga kasamahan at inagaw ang mga armas sa kanilang detatsment bago sila umanib sa BHB. Upang pagtakpan ang tunay na pangyayari, sinabi ng AFP na dinukot diumano ng BHB ang naturang mga CAFGU. Tiyak na may iba pang mamumulat at titiwalag sa reaksyunaryong sistema upang sumapi sa rebolusyonaryong kilusan. Habang tumitindi ang krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal, ibayong tumitingkad ang pagkabangkarote nito at ibayong lumilinaw ang kawastuan ng pagtahak sa landas ng rebolusyon. Mulat sapul, patakaran na ng rebolusyonaryong kilusan ang pagtanggap sa mga upisyal, elemento at kawani ng reaksyunaryong gubyerno at sandatahang lakas na tumatalikod sa kaaway at pumapanig sa mamamayan. Katunayan, marami na sa kanila ang may ilang taon nang naglilingkod sa sambayanan at makabuluhang nakapagaambag sa rebolusyon. Ani Jose Ma. Sison, Tagapangulong Tagapagtatag ng Partido: "Napadadali ang tagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon kapag ibinabaling ng mga upisyal, elemento (at kawani) ng gubyerno at sandatahang lakas ng malalaking kumprador, panginoong maylupa at bulok na burukrata ang kanilang katapatan at paglilingkod sa uring manggagawa, magsasaka at iba pang mamamayan". ![]()
| ||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|