Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ang kapangyarihang militar ng US sa Asia-Pacific

 Read this article in English

Ang armadong interbensyon ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas ay bahagi ng pangkabuuang estratehiyang militar ng imperyalismong US sa Asia-Pacific. Alinsunod ito sa pagpapanatili ng "credible power projection" (pagpapamalas ng kapangyarihan) sa pamamagitan ng pagtatalaga ng humigit-kumulang 100,000 tropa sa rehiyon. Nakasaad ito sa "Security Strategy Report for the Asia-Pacific Region" ng US Department of Defense noong 1995 at 1998.

Sa kasalukuyan, mayroong 73,000 tauhang militar ang US sa mga base militar nito sa Japan (36,930) at Korea (35,952). Mayroon din itong 17,150 tropa na nakabase sa mga barkong pandigma ng Seventh Naval Fleet na lumilibot sa Pacific Ocean.

Kung ibibilang ang mga tropa nitong nakabase sa Guam, Hawaii at iba pang isla sa Pacific Ocean na saklaw ng teritoryo ng US, aabot sa 300,000 sundalong Amerikano ang nakaistasyon sa rehiyon. Dalawampung porsyento ito ng pangkabuuang pwersa ng US Armed Forces. Ito ang pinakamalaking bulto ng kanilang mga pwersa na nasa labas ng kanilang kontinente.

Kaiba sa Europe kung saan may alyansang militar ang US at ng iba pang bansa sa anyo ng North Atlantic Treaty Organization (NATO), solong-solong nakapamamayagpag ang US sa rehiyong Asia-Pacific.

Direktang may kaugnayan sa pangangalaga ng mga pang-ekonomyang interes ng US ang latag ng militar nito sa rehiyon. Ang Asia-Pacific ang pinagtatambakan ng mga kalakal ng US. Umaabot sa $150 bilyon ang pamumuhunan nito at $500 bilyon taun-taon ang kalakalan nito sa rehiyon. Narito ang isa sa pinakamalalaking pinagkukunan ng US ng murang hilaw na materyales at lakas-paggawa.

Sa Quadrennial Defense Review (pagtatasa ng depensa) ng Pentagon noong Setyembre 30, 2001, isinasaad na kailangang madagdagan ang mga "access and infrastructure agreements" ng US sa Asia dahil sa pag-usbong ng isang karibal na kapangyarihang militar sa rehiyon na mayroong makapangyarihang base, ang China. Ang mga "access and infrastructure agreements" ay mga kasunduang nagbubukas sa mga tropang Amerikano sa pagpasok at paghimpil sa bansa at paggamit ng mga imprastruktura rito.

Isang estratehikong layunin ng malakas na pagpusisyon ng militar ng US sa Asia ang pagsalikop sa China dahil may pinakamalaking pamilihan ito hindi lamang sa Asia kundi sa buong mundo. Nais ng US na kontrolin ang mga rutang pangkalakalan upang makontrol ang pamilihan sa China at tiyaking hindi ito lubusang kikilos nang nagsasarili at kontra sa interes ng US.

Batay din sa estratehiyang panseguridad na binuo ng US para sa Asia-Pacific noong 1995 at 1998, pangunahing layunin ng napakalaking pakat ng pwersa ng US at mga bilateral na alyansang militar sa Asia-Pacific ang sumusunod: direktang pangasiwaan at sanayin ang mga armadong hukbo ng mga neokolonya at gawing imbakan ng mga gamit at pinaglumaang kagamitang militar ang mga bansa nito, magsilbing kontra-timbang sa China at panangga sa lakas militar ng nagsasariling North Korea, at kagyat nang magpwesto ng mga pwersang panalakay laban sa umuusbong at lumalakas na mga anti-imperyalista at rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon.

Hindi na lamang mga bansang kaaway ng imperyalismong US (tulad ng China at North Korea) o kaya "mga komun na kaaway" ng mga internasyunal at rehiyunal na alyansang binubuo nito ang tuwirang haharapin ng mga sandatahang pwersa ng US. Sesentruhan din nito ang mga "bantang internal" laluna sa mga mala-kolonya. Para rito, pinalawig at pinalawak ang programang "pagsasanay" ng mga tropa sa iba't ibang dako ng daigdig. Nakatuon ang mga "pagsasanay" na ito sa pagpapalakas sa tinatawag nitong "foreign internal defense" (pakikialam sa internal na depensa ng ibang bansa), na kung minsa'y nakapakete sa mga kampanyang "kontra-terorismo" at kontra-droga. Ayon sa Doctrine for Special Forces Operations, layunin nitong "organisahin, sanayin, payuhan at tulungan" ang mga pwersang militar ng ibang bansa "upang mapalaya at maproteksyunan ang interes nito mula sa subersyon, kawalan ng pag-iral ng batas at insureksyon". Balak ng imperyalismong US para sa programa ng "foreign internal defense" nito sa Pilipinas na tuwirang harapin din ang Bagong Hukbong Bayan at Moro Islamic Liberation Front.

Susi sa estratehiyang "panseguridad" ng imperyalismong US sa Asia-Pacific ang alyansa at kooperasyon sa pagitan nito at ng Japan. May mga kasunduang panseguridad na namamagitan sa dalawa na kinatatampukan ng tuluy-tuloy na pananatili ng mga base at iba pang pasilidad militar ng US sa Japan, pagsasanay ng US sa Self-Defense Force ng Japan at pag-aambag ng Japan sa mga gastusin sa pananaliksik at pagpapaunlad ng mga sopistikadong sandata.

Bukod sa pagpapanatili ng mga base militar sa Japan at South Korea, tinitiyak ng US na mayroon itong layang makapasok sa iba't ibang bansa sa rehiyon sa pamamagitan ng mga kasunduang pansuporta. Kabilang dito ang pagkamit ng "access rights" (karapatang pumasok at humimpil) para sa kanilang mga sandaangtahang pwersa sa Australia, Indonesia, Singapore, Thailand, Malaysia at Brunei. Ang pagkakamit ng "access rights" ang paraang ginagawa ng US para makapagpasok pa rin ng sariling mga tropa sa mga kalagayang wala itong permaneteng base militar sa kasundong bansa. Pero kung tutuusin, tinatransporma nito bilang malalaking base militar ng US ang mga naturang bantsa.

Sa Pilipinas, pilit na inilulusot ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang pagbibigay ng "access rights" sa pamamagitan ng isang ehekutibong kasunduan. Sikretong binuo nina Macapagal-Arroyo at Bush noong Nobyembre 2001 ang isang Mutual Logistics Support Agreement (MLSA)*. Subalit dahil sa matinding pagbatikos at protesta ng mamamayan at maging ng gareaksyunaryong oposisyon, napidlitan ang rehimeng itanggi ito at sabihing borador pa lamang ang napirmahan. Sa gayon, hindi magamit ng rehimen ang naturang kasunduan upang palabasing lehitimo ang pagpasok ng mga dayuhang tropa sa bansa at naoobliga itong gumawa ng kung anu-anong iba pang ligal na palusot.

Nagtatayo ang US ng permanente at di permanenteng mga base militar sa iba pang bahagi ng Asia. Kabilang ang mga bagong base militar sa Uzbekistan, Tajikistan, Kyrgyzstan, Pakistan at India sa Central at South Asia.

Naglulunsad rin ang US ng mga pagsasanay sa iba't ibang pambansang hukbo sa rehiyon. Dagdag sa Pilipinas, mayroon itong mga inilulunsad na pagsasanay sa mahigit 150 bansa, kabilang ang Australia, Thailand, Singapore, Japan, Korea, Indonesia at Russia.

*Tingnan ang pagtalakay sa MLSA sa artikulong "Mga tropang Amerikano: Muling nagbabase sa Pilipinas", AB Enero 2002.

 


Previous articleBack to topNext article

Pebrero 2002
Edisyong Pilipino


Editoryal: Pagbayarin nang mahal ang sukdulang papet na rehimeng Macapagal-Arroyo
Ang panunumbalik:
Armadong panghihimasok ng US sa Pilipinas

Ibayong pagyurak sa soberanya ng mga bansa: Doktrinang Bush
Pinalaking badyet pandigma ng US
Pagbatikos sa doktrinang Bush
Ang kapangyarihang militar ng US sa Asia-Pacific
North Korea handang lumaban sa agresyong US
Pagpapaalis sa mga Amerikanong "tagapayong militar" sa Colombia, iginiit ng FARC
[Balik-Tanaw: Dantaong pananalanta ng Imperyalismong US] Sa mga nagdaang Balikatan: Mga paglabag sa karapatan ng mamamayan
[Balik-Tanaw: Dantaong pananalanta ng Imperyalismong US] Pananalanta sa panahon ng mga base militar ng US sa Pilipinas
[Balik-Tanaw: Dantaong pananalanta ng Imperyalismong US] Digmaang Pilipino-Amerikano (1899-1913): Noong unang nanghimasok ang imperyalismong US sa bansa
[Balik-Tanaw: Dantaong pananalanta ng Imperyalismong US] Mga alingawngaw ng armadong panghihimasok ng US sa Vietnam
Mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.