Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga ulat koresponsal:
Panibagong lakas ng armadong pakikibaka sa Negros

 Read this article in English

Pilit ipinagmayabang ni Brig. Gen. Jeffrey Sodusta ng 303rd Infantry Brigade na nasusukol na raw ng AFP ang BHB, laluna pagkatapos ng reyd ng Philippine Army sa isang kampo ng mga Pulang mandirigma sa Guihulngan, Negros Oriental noong Hunyo 12. Walong sundalo ang napatay dito at pito ang sugatan subalit itinago ng kaaway ang tunay na bilang ng mga kaswalti nito. Sa gitna ng pagmamayabang nito, lubhang napahiya ang AFP nang ambusin naman ng BHB nitong Hulyo 22 ang isang platun ng 12th IB at CAFGU sa Sityo Cagay, Barangay Camindangan sa Sipalay City, Negros Occidental.

Halatang-halata ang pagkataranta ng AFP nang kara-karaka itong magpatawag ng Emergency Joint Police-Army Conference sa Camp Alfredo Montelibano sa Negros Occidental at magbuo ng "koordinadong estratehiya" para sa "lubusang depensa" laban sa BHB na maaaring umatake anumang oras at saan mang lugar sa Negros.

Alinsunod rito, kasalukuyang nagtatambak ng dagdag na pwersa ang AFP sa Negros. Halos 500 Scout Rangers ang hinugot mula sa iba't ibang yunit sa kapuluan at dinala sa isla noong Hulyo 26 para magsilbing panagupang pwersa laban sa BHB. Bukod pa ito sa 11th IB, 61st IB, 66th IB at 12th IB (na "handler" ng 1,200 CAFGU), 542nd Engineering Battalion, mga Regional Mobile Group (RMG 6 at RMG 7) ng PNP, at bandidong RPA ni Arturo Tabara na dati nang naghahasik ng lagim sa Negros.

Subalit tulad ng pagbigo ng mga rebolusyonaryong pwersa sa mga dating kampanyang militar ng kaaway, tiyak nilang mapangingibabawan ang pagtatambak ng dagdag na pwersang militar at ang pagbubuo ng diumano'y mga bagong estratehiya laban sa BHB at maisusulong ang armadong pakikibaka sa isla.

Hambalos sa "Oplan Gordian Knot." Isang serye ng mga taktikal na opensiba ang naging tugon ng BHB sa Negros nang ipatupad sa isla ng rehimeng Arroyo noong 2002 ang "Oplan Gordian Knot" na ipinangalandakang mabilis at mapangahas na solusyon sa paglakas ng rebolusyonaryong kilusan. Tinambangan at napatay si 1Lt. Regner Jerson, isa sa pinakamasugid na upisyal militar ni Sodusta noong Agosto 6, 2003 sa Kanlaon City, Negros Oriental. Upang makabawi sa demoralisasyon, inilunsad ang laking brigadang operasyon. Ngunit sumuntok lamang sa hangin ang mga pwersang militar.

Nadagdagan pa ang demoralisasyon ng kaaway nang muli silang magtamo ng mga kaswalti noong Agosto 17. Isang komposit na pwersa ng Scout Rangers, Philippine Army at RPA ang nagtangkang sumalakay sa hinihimpilan ng BHB sa Sityo Mambutoy, Barangay Locoton sa Kabankalan City, Negros Occidental, subalit ang AFP ang umuwi nang may dalawang patay at dalawang sugatan. Walang naging kaswalti sa panig ng BHB.

Kaalinsabay nito, mariing tinuligsa ng demokratikong kilusang masa sa mga lungsod at sentrong bayan ang lumalalang militarisasyon sa kanayunan.

Noong Disyembre 16, 2003, sinalakay ng BHB ang kampo ng RPA sa Sityo Kakha, Barangay Tamlac, Sta. Catalina, Negros Oriental. Nakasamsam ang mga Pulang mandirigma ng Southwest Front ng 11 M16, isang M79 grenade launcher at mga bala. Nagbunyi ang maraming mamamayan nang mabalitaan ang reyd na ito. Matagal na nilang inirereklamo ang pangongotong, pagtutulak ng bawal na droga, pagnanakaw sa kanilang mga hayop at pagbabanta sa kanilang buhay ng mga elemento ng RPA.

Bilang reaksyon, pinahigpit ang koordinasyon ng mga pamahalaang lokal sa militar at pulis sa pamamagitan ng Peace and Order Council sa antas munisipalidad hanggang lalawigan. Pinalakas ang makinarya sa paniktik ng AFP, PNP at iba pang ahensya ng gubyerno sa pamamagitan ng Barrio Intelligence Network (BIN). Kasabay nito, pinalakas ang mga detatsment at pinadalas ang mga operasyong militar at operasyong saywar. Patuloy din ang anti-komunista at malisyosong intriga laban sa ligal na mga progresibong organisasyon. Subalit matatag itong nilabanan ng rebolusyonaryong kilusan at mamamayan ng Negros.

Papaigting na armadong pakikibaka. Madaling araw ng Pebrero 15, 2004, sinalakay at nagapi ng mga kasapi ng Bonifacio Pasakan Command-Larangang Gerilya 2 ang detatsment ng 44th CAFGU Coy sa Barangay Mahalang, Himamaylan City. Kauna-unahang reyd ito sa portipikadong Advance Command Post ng 61st IB. Napatay ang isang sarhento ng Philippine Army, na kumander ng detatsment, habang sumuko naman ang dalawang elemento ng CAFGU. Nakaagaw ang BHB ng isang M16, isang M14 at tatlong Garand. Binihag ang isang elemento ng CAFGU, si Eduardo Raya, dahil sa aktibong papel niya sa mga operasyon laban sa BHB, subalit kalaunan ay pinalaya sa batayang makatao.

Nabigyang-katarungan din sa reyd na ito ang mga biktima ng mga pasistang kahayupan tulad ng 62 taong gulang na si Morito Arcadenia na namatay matapos siyang kulatahin at paghahampasin ng kahoy ng mga nag-ooperasyong elemento ng 61st IB noong Nobyembre 2002 sa Manlocahoc, Sipalay, Negros Occidental.

Noong Marso 3, tinambangan at napatay ng mga Pulang mandirigma ng Leonardo Panaligan Command-Larangang Gerilya 1 (LPC) ang dalawang kasapi ng RPA. Sakay ang mga ito ng motorsiklo nang ambusin sa Sityo Estaka, Barangay Humay-Humay, Guihulngan, Negros Oriental.

Noon namang Mayo 5, sa kasagsagan ng kampanya para sa eleksyon, sinalakay ng isang yunit kumando ng Leonardo Panaligan Command ang Provincial Mobile Group (PMG) Outpost sa Barangay Masulog, Kanlaon City. Isa itong susing yunit sa paglulunsad ng kontra-rebolusyonaryong kampanya laban sa BHB. Perwisyo rin sila sa mamamayan dahil sa pangongolekta nila ng tong mula sa lahat ng dumadaang sasakyan. Nakasamsam ang mga Pulang mandirigma ng tatlong M16, isang M14, tatlong .45 pistola, mga bala, mga bota at uniporme mula sa limang minutong reyd.

Sa Barangay Guimbalaon, Silay City, inaresto ng mga kasapi ng Jean Pelle Command noong Mayo 8 ang dalawang elemento ng RPA na nangongotong sa 20 asyenda. Nakumpiska sa kanila ang koleksyong pera, dalawang .38 rebolber at isang granada. Inamin din ng mga taga-RPA na nagsisilbi silang pribadong badigard ng mga pulitiko. Pinakawalan ang dalawa matapos sila mangakong titiwalag sa bandidong RPA at magbabagong-buhay.

Sa patuloy pang pagtaas ng antas ng armadong pakikibaka at buong rebolusyonaryong kilusan sa Negros, patuloy ding magagapi ang anumang hambalos ng kaaway.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Agosto 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Dagdag na mga pahirap sa bayan

Korapsyon, pagwawaldas at maling mga prayoridad ang tunay na nasa likod ng dambuhalang depisit sa pambansang badyet ng gubyerno
Karagdagang buwis sa langis, ipapapasan sa mamamayan
Alyansa laban sa pagtataas ng buwis, binuo sa kongreso
10 hakbangin sa pagbubuwis ng rehimeng Arroyo
Mga ulat koresponsal:
Panibagong lakas ng armadong pakikibaka sa Negros
Bigong pagsalakay sa kampo ng BHB
CPLA at AFP, magkakumpitensya sa iligal na pagtotroso sa Apayao
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.