Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Malulubhang krimen ni Tabara

 Read this article in English

Ilang linggo matapos mapatay ang pusakal na kriminal at kontra-rebolusyonaryong si Arturo Tabara, patuloy pa ring nalalantad ang mga kasalanan niya sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan. Ayon sa pinakahuling mga ulat, salarin si Tabara sa 19 na kaso ng pagpatay at di bababa sa 15 kaso ng panghoholdap, pagnanakaw, pangingikil at paglabag sa karapatang-tao. Karamihan sa mga krimen ay ginawa sa Negros at Panay kung saan nakapanalasa nang husto ang pinamunuan niyang RPA-ABB.

Anu-ano pa ang mga naging kasalanan ni Arturo Tabara at bakit gayon na lamang ang pagbubunyi ng mamamayan at rebolusyonaryong kilusan sa Negros at Panay nang mapag-alaman nilang nagwakas na ang kakayahan niyang gumawa ng krimen at magdulot ng pinsala?

Ang sumusunod ay paghahanay ng ilan sa pinakamabibigat na krimen ni Tabara:

Laban sa rebolusyonaryong kilusan

Noong kalagitnaan ng 1993, sinulsulan ni Tabara ang pag-aaklas ng mga nalinlang niyang kasapi ng BHB sa Panay at inutusang tangayin ang 170 malalakas na armas. Inatasan niya noong Mayo 1994 sina Daniel Batoy (alyas Mokong) at Demetrio Capilastique (alyas Hugo) na disarmahan ang isang tim ng BHB sa Barangay Bagacay, Tigbauan, Iloilo. Inagaw ng mga kontra-rebolusyonaryong elemento ang dalawang M16, isang garan at isang VHF handset.

Noong Mayo 2001, nagbaba ng kautusan sina Tabara at Nilo de la Cruz sa RPA-ABB na maglunsad ng mga armadong atake sa BHB. Bunga nito ang pagreyd ng pinagsanib na pwersa ng 12th IB ng Philippine Army at RPA-ABB sa isang tim ng BHB sa Barangay Osorio, Culasi, Antique noong Mayo 21. Napatay sa kubkob na ito sina Rowena Torato at Manny (Ka Cezar) Oderio at malubhang nasugatan ang dalawang gerilya. Isa pang sugatang Pulang mandirigma ang nahuli ng militar.

Sangkot din si Tabara sa pagdukot kay Ruben Saluta, isang kadre ng Partido noong Nobyembre 22 at pagtortyur at iligal na pagdeteni sa kanya ng mga operatiba ng AFP hanggang Disyembre 22, 1999.

Ilang mabibigat na krimen ni Tabara sa Panay mula 1994

Mula 1994 hanggang 1999, sangkot si Tabara sa mga kaso ng pagpatay sa di bababa sa walong magsasaka sa tatlong magkakahiwalay na bayan. Karamihan sa mga biktima ay tutol o sumusuway sa mga kriminal na aktibidad ng RPA-ABB.

Sangkot din siya sa pagpatay kay Juanito Lutero ng Barangay Tambal, Janiuay, Iloilo noong 1999. Binayaran ang RPA-ABB ng malaking halaga ng katunggali sa lupa ni Lutero para ito patayin.

Nariyan din ang pagpaslang sa tatlong kabataang magsasaka sa Barangay Aquino noong 2000; sa dalawang anak na lalaki ni Lucero Batoy sa Barangay Aparicio noong Marso 2001; at sa negosyanteng si Boy Tesorero ng Makato, Aklan noong 2002.

Kasabwat din si Tabara at ang RPA-ABB sa pagkidnap kay Leo Victor (Leovic) Guttierez, isang mountaineer na taga-Maynila, noong Pebrero 2003.

Sa Negros at iba pang lugar

Bilang security adviser ni Eduardo "Danding" Cojuangco, Jr., responsable si Arturo Tabara sa pagbebenta sa serbisyo ng RPA-ABB para magsilbing pribadong goons ni Cojuangco sa malawakang pangangamkam ng lupa sa mga syudad ng Canlaon, Kabankalan, Sipalay, Bago at La Carlota at mga bayan ng Don Salvador Benedicto at La Castellana, lahat sa isla ng Negros.

Pangunahing responsable sina Tabara at Stephen Paduano (alyas Carapali Lualhati) sa panghoholdap ng RPA-ABB sa pera ng Municipal Treasurer's Office ng bayan ng Sta. Catalina, Negros Oriental na nakadeposito sa isang bangko sa kalapit-bayan ng Bayawan noong Mayo 2002. Napatay dito sina Lito Dagat, Virgie Edreal, Dondon Dinsay at isa pang empleyado ng munisipyo.

Pinagsilbi niyang goons ang RPA-ABB ng dinastiya nina Nene de la Cruz at asawa niyang si Cynthia na kasalukuyang alkalde ng Don Salvador Benedicto. Sangkot din ang mga ito sa illegal logging operations sa nasabing bayan.

Nagsilbing bayarang goons si Tabara at ang RPA-ABB kay Ignacio Arroyo, bayaw ni Pres. Gloria Macapagal-Arroyo at iba pang reaksyunaryong pulitiko sa Negros nitong nakaraang halalan.

Nangingikil sina Tabara ng P100,000 hanggang milyun-milyong piso mula sa mga negosyante at asendero at pinalalabas na ito ay rebolusyonaryong pagbubuwis. Ginamit nila ang pangalan at logo ng CPP/NPA/NDF at ang lagda ni Ka Frank Fernandez, ang tagapagsalita ng NDF-Negros, sa ipinadadala nilang mga sulat ekstorsyon.

Noong 2002, aktibong nakipag-ugnayan ang RPA-ABB sa isa pang grupo ng mga mamamatay-tao na nagbansag sa sarili na Red Vigilante Group (RVG) at pinamumuan ni Ricardo Peralta. Sa Central Luzon ang kalakhan ng mga operasyon nito at nasa Bongabon, Nueva Ecija ang base. Ang RVG na hawak din ni Gov. Tomas Joson III ng Nueva Ecija at militar ay nagsisilbing mga gun-for-hire at sangkot sa panghoholdap, pagtutulak ng droga at pangingidnap.

Pinagsisilbihan din ng RPA-ABB-RVG ang mga mahigpit na kaalyado ni Danding Cojuangco, Jr tulad ng mga Dy ng Isabela. Sila ang nagpapatupad ng pangangamkam ng lupa at pananakot sa mamamayan at mga kalaban ng mga Dy sa pulitika. Ang grupong ito ang pumatay kay Jake Soriano, coordinator ng Bayan Muna sa Jones, Isabela at Romy Blancaflor, isang negosyante sa bayan din ng Jones. Sila rin ang responsable sa panununog sa dalawang munisipyo sa Isabela noong halalan ng Mayo 2004.

Pinagsilbi rin ni Tabara bilang bayarang goons ng mga druglord sa Boracay ang RPA-ABB.

 


Previous articleBack to topNext article

21 Oktubre 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Lalong humihina ang AFP sa pagsingaw ng mga kabulukan nito

Pinakahuling mga anomalya at kaso ng korapsyon sa AFP
Malulubhang krimen ni Tabara
Food coupons ng rehimen, mumo para sa ginugutom na mamamayan
Matatagumpay ng mga opensiba ng BHB:
Mga taktikal na opensiba, inilunsad sa Southern Tagalog

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.