Rebolusyonaryong pagsulong sa Quezon
Di mapigilan ang pagdami ng mamamayang nagsusulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan sa rehiyon ng Timog Katagalugan sa pangkalahatan at sa prubinsya ng Quezon sa partikular. Ito ang pahayag ng kalihim ng Partido sa Quezon nang kapanayamin siya ng AB noong Disyembre 28, 2004.
![](../../angbayan/images/050121/qzn.gif) |
Lumaki ang bilang ng organisadong masa nang mahigit 10% at ang mga saligang organisasyong masa nang mahigit 8%. Masigla ang mga ito sa pag-aaral ng iba't ibang isyung panlipunan. Patuloy ang pagtatayo ng mga samahang masa sa mas masaklaw na erya at ang paghahanda sa ilang mahahalagang rekisito para sa pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Tuluy-tuloy na isinusulong ang rebolusyong agraryo. Napababa ang resikada at sa ibang lugar ay nakayanang tanggalin ito nang lubusan. Gayunman, nananatiling mapagbantay ang mamamayan sa mga maniobra ng mga komersyante na ibalik ang resikada sa pamamagitan ng iba't ibang paraan tulad ng napakababang pagpresyo ng binibiling kopra. Nagtagumpay din sa ibang lugar ang mga pakikibaka para itaas ang sahod ng mga manggagawang bukid, pagpapataas sa presyo ng produktong bukid, pagbabago ng partihan, pagtatanggol sa karapatan sa paninirikan at pagtutol sa pangangamkam sa lupa at pagbubukas ng landfill at iba pa.
Ginamit ang sarisaring porma ng pakikibaka, ligal at iligal, tulad ng mga kampong bayan, dayalogo, rali, negosasyon at iba pang mga kilos protesta. Umunlad ang pag-ugnay at pag-oorganisa sa mga panggitnang pwersa, propesyunal, indibidwal na pulitiko at iba pang matataas na saray ng lipunan.
Matatag na hinarap ang walang tigil na operasyon ng kaaway na may layuning durugin ang baseng masa. Naglunsad ng mga operasyong isparo, isnayping at reyd laban sa mga pasistang tropa. Sa mga larangang gerilya sa Northern at Central Quezon, nakapaglunsad ng 18 taktikal na opensiba. Labingwalong tropa ng kaaway ang nalipol at 10 ang nasugatan.
Ipinakita ang pagiging epektibo ng saligang pormasyong platun sa paggampan ng gawain at pagharap sa kaaway.
Masigasig na nagrerekrut at nagpapaunlad ng mga bagong mandirigma ng BHB para bumalikat ng paparaming responsibilidad sa pagsusulong ng armadong pakikibaka. Patuloy na nagpapakahusay ang BHB sa pagbubuo ng maayos na pulitikal na relasyon sa pagitan ng mga upisyal at mandirigma, pag-alam sa kalagayan at pagtugon sa kanilang mga pangangailangan at pagbibigay sa kanila ng mga pulitiko-militar na pagsasanay.
Lumalakas at lumalawak ang kasapian ng Partido sa prubinsya. Lumaki noong 2004 nang mahigit 8% ang kasapian ng Partido mula sa dati nitong bilang noong 2003 at dumami ang bagong tayong sangay sa lokalidad nang 7%. Nakalatag naman ang mga sangay na ito sa humigit-kumulang 200 baryo, komunidad, pabrika, asyenda at eskwelahan na nagsisilbing bag-as at namumuno sa mga pakikibakang masa sa kanayunan at kalunsuran.
Tuluy-tuloy at lahatang-panig na nagpapakahusay ang mga kasama rito sa harap ng papatinding militarisasyon at pandarahas ng kaaway. Batid nila na kailangang laging maghanda sa anumang mabagsik at marahas na tangka ng kaaway at estado na desperadong nag-aambisyong durugin ang rebolusyonaryong kilusan.
Nakikinita ng Partido sa rehiyon na ipipihit ng kaaway ang diin ng mga operasyon nito mula sa Mindoro at Laguna tungo sa Quezon at ang ibayo pang pagpapatindi ng antas ng digmaan. Dahil dito, nag-iibayo ang pangangailangang lubusang palalimin at palawakin ang baseng masa at paigtingin ang armadong pakikibaka. Sa partikular, dapat lalo pang mapasigla at masustine ang pagsusulong ng rebolusyong agraryo na susing usapin sa pagpapalakas at pagpapatatag ng baseng masa sa kanayunan. Hangad ring maiangat ang kasalukuyang antas ng mga saligang organisasyong masa at patuloy na mabuo at makonsolida ang mga samahang masa at organo ng kapangyarihang pampulitika.
Lalong mahigpit na tungkulin ang paglulunsad ng mga taktikal na opensiba at ang pagsisikap na magtagumpay ang mga ito sa pulitika at militar. Mahigpit ang kahilingan ng masa na makapagdulot ng malalaking bigwas sa kaaway. Para matugunan ito, kailangang bakahin ang mga bahid ng konserbatismo sa gawaing militar. Marami pang mga lugar ang kailangang pakatan, mapunuan at mapalakas ang mga yunit at makinarya ng BHB. Maraming bilang ng mga bagong Pulang mandirigma ang dapat kagyat na bigyan ng pulitiko-militar na pagsasanay at pataasin ang antas sa taktika at teknika.
Sa paggampan ng gayong mga tungkulin, tinatanaw ng Komite ng Partido sa prubinsya ang kabuuang pagsulong ng rebolusyonaryong gawain ngayong 2005.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|