Luha ng buwaya
Nagluluhang-buwaya ang rehimeng Arroyo at AFP sa nagdaang trahedya kung saan daan-daan katao ang namatay at libu-libo ang nawalan ng kabuhayan at tirahan bunga ng pagguho ng lupa at malalaking biglaang pagbaha nang hambalusin ng mga bagyong "Violeta," "Winnie" at "Yoyong" nitong Nobyembre at Disyembre ang bansa. Muling tumingkad ang pagiging bulnerable ng mamamayan laluna yaong mga nakatira sa paanan ng kabundukan. Pinakaapektado ang hilagang Quezon, Aurora at ilang bahagi ng Nueva Ecija�mga lugar kung saan laganap ang walang pakundangang pagtotroso.
Mabilis na isinisi ng rehimen at ng AFP ang kalamidad sa maliliit na magtotroso na napilitan lamang iwan ang pagsasaka at magtrabaho sa malalaking kumpanya ng pagtotroso matapos kamkamin ng malalaking logging concessionaire ang kanilang mga lupain.
Pilit pinagtatakpan ng rehimen at ng AFP ang papel ng reaksyunaryong gubyerno na nagbigay-pahintulot sa malawakang pagtotroso at ng militar na nagsisilbing pwersang panseguridad ng malalaking logging concessionaire. Ang malawakan at mapangwasak na mga operasyon ng naturang mga kumpanya sa loob ng napakahaba nang panahon ang tunay na dahilan ng pagkakalbo ng kagubatan at mga delubyong dala nito.
May gana pa ang rehimen at AFP na akusahan ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) ng pakikipagsabwatan sa mga kumpanya ng pagtotroso gayong mula pa noong 1969 ay nilalabanan na ng BHB, katuwang ang mamamayan sa kanayunan at kabundukan, kapwa ang ligal at iligal na pamumutol ng kahoy ng malalaking kumpanya ng logging sa buong bansa. Katunayan, bilang pagtutol sa walang pakundangang pagkalbo sa kagubatan ng bansa, inilulunsad ng BHB at ng mga rebolusyonaryong pwersa ang mga kampanyang armado at di-armado laban sa malalaking logging concessionaire, gayundin sa mga kumpanya sa pagmimina na pagmamay-ari ng mga dayuhang kapitalista at malalaking burgis-kumprador.
![](../../angbayan/images/041207/dusa.gif) |
Ang mga kumpanyang ito, kasabwat ang mga reaksyunaryong nasa poder, ang kumakalbo sa kagubatan ng bansa mula pa noong maagang bahagi ng siglong 1900. Gayon na lamang ang pagkahumaling ng mga reaksyunaryong uri sa limpak-limpak na salaping kinakamal nila sa pagtotroso kung kaya mahigit 29 milyong ektaryang kagubatan na ang kinalbo nila mula noong dekada 1950. Taun-taon, aabot sa 200,000 puno ang kanilang pinuputol at di pinapalitan. Nagreresulta ito sa pagkaagnas ng halos isang bilyong metro kubiko ng matatabang lupa na maaari sanang sakahin at sa pagkamatay ng aabot sa 30% ng mga ilog ng bansa. Sa ngayon, ni hindi na umaabot sa isang milyong ektarya ang natitirang gubat sa bansa.
Iniluluwas ng naturang mga kumpanya pangunahin sa Japan at US ang mga kahoy na mula sa kagubatan. Ang ganitong kalakalan ay inengganyo ng magkakasunod na mga papet na rehimen. Mula noong dekada 1990, lalong bumwelo ang ligal at iligal na pagtotroso sa ilalim ng patakaran ng liberalisasyon na puspusang itinutulak ni Gloria Macapagal-Arroyo.
Mula't sapul ay malinaw ang tindig ng Partido Komunista ng Pilipinas, ng BHB at ng buong rebolusyonaryong pwersa laban sa malawakang pagwasak sa kapaligiran na idinudulot ng panghuhuthot at kasakiman ng mga dayuhan at lokal na kapitalista kasabwat ang reaksyunaryong gubyerno. Bunga ng mga pagsisikap ng BHB, may mga bahagi ng kagubatan sa Northern Luzon at Mindanao na napepreserba hanggang sa ngayon.
Aktibong nilalabanan ng BHB ang pwersahang pagpapalikas ng mga magsasaka at minorya mula sa kagubatan para lamang maluwag na makapwesto ang mga kumpanya ng pagtotroso at pagmimina. Pinarurusahan nito ang mga yunit militar na nagsisilbing mga pwersang panseguridad ng naturang mga kumpanya. Sa abot ng makakaya, tahasang ipinagbabawal ng BHB ang pagtotroso ng malalaking kumpanya sa mga sonang gerilya. Sa maraming pagkakataon, winawasak ng BHB ang mga kagamitan ng mga kumpanya ng pagtotroso upang pigilin ang kanilang mga operasyon.
Sa kabilang banda, ipinatutupad ng BHB ang rebolusyong agraryo upang mahikayat ang maliliit na magtotrosong nagtatrabaho para sa mga malalaking kumpanya na bumalik sa pagsasaka o maghanap ng ibang pagkakakitaan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|