![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Ang walang habas na imperyalistang pandarambong at ang sagad-sa-butong pagkapapet, kalupitan at kabulukan ng rehimeng Macapagal-Arroyo ay nagbubunsod ng pambihirang tindi ng sosyo-ekonomikong krisis at ng wala pang kapantay na pagsahol ng pamumuhay ng malawak na masa. Ang katindihan ng krisis sa ekonomya at pulitika ngayon ay halos katulad ng kaigtingan ng krisis noong panahon ni Marcos. Lalo pa itong lalala sa mga susunod na taon bunga ng todo-todong pagpapakapapet ni Macapagal-Arroyo sa imperyalismong US, ng napakalupit na terorismo at ng grabeng pangungurakot laluna ng mag-asawang Arroyo at mga taong malalapit sa kanila. Papadausdos pang lalo ang ekonomya sa taong 2003. Tinatayang aabot sa wala pang kapantay na antas ang depisit sa badyet, panlabas na utang, pagbagsak sa halaga ng piso at kawalan ng trabaho. Kapos na kapos ang pondo ng gubyerno at dayuhang puhunan. Kaya wala nang ibang maisip ang desperadong si Macapagal-Arroyo kundi ibaon pang lalo sa utang ang gubyerno at patawan ng karagdagang buwis ang mamamayan. Grabe na ang paghihikahos ng mamamayan dahil sa mga patakarang liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon, denasyunalisasyon at iba pang dikta ng IMF. Bagsak ang produksyon. Patuloy ang paglawak ng hukbo ng mga walang trabaho. Napakababa ng sahod. Lugi at baon sa utang ang mga magsasaka. Gipit ang mga lokal na negosyante. Sa kabila nito, patuloy na ipinatutupad ni Arroyo ang gayong mga patakaran. Balak umano ng rehimeng Macapagal-Arroyo na gawing moderno ang agrikultura. Ang totoo, ang mga sakahan ay gagawing malawakang plantasyon ng mga pang-eksport na di-karaniwang tanim na matakaw sa imported na kemikal na sangkap. Lalo nitong gagawing palaasa na lamang sa importasyon ng bigas at iba pang produktong pagkain ang Pilipinas. Sobra-sobra ang pagpapakapapet ni Macapagal-Arroyo sa imperyalismong US. Ginagawa niya ang lahat upang masiyahan ang amo niyang numero unong terorista sa mundo. Kamakailan, ang katayuan ng Pilipinas bilang malaking base militar ng US ay ibayong pinagtibay sa pagpirma sa Mutual Logistics Support Agreement (MLSA). Mula Enero 2003, dadagsa sa bansa ang malaking bilang ng mga tropang Amerikano, na siya nang pinakamarami mula nang patalsikin ang mga base militar ng US noong 1991. Plano ng US na gamitin ang Pilipinas bilang lunsaran ng napipinto nitong gerang agresyon laban sa Iraq. Matindi ang pagtutol sa gayong mga patakaran ng malawak na seksyon ng mamamayan at maging ng mga kaalyado ni Macapagal-Arroyo. Lubha siyang nahihiwalay sa pulitika at nasasadlak ngayon sa matinding krisis ang naghaharing sistema, na maihahalintulad sa krisis na umiiral bago bumagsak ang diktadurang Marcos. Upang pagtakpan ang matinding krisis sa ekonomya at pulitika at arbitraryong maipataw sa mamamayan ang mas mapaminsalang mga patakaran, naghahasik si Macapagal-Arroyo, kasabwat ng amo nitong si George Bush, ng isteryang anti-terorismo. Ginagamit na sangkalan ang umano�y "banta ng terorismo" upang supilin ang paglaban ng mamamayan, isagawa ang todo-todong teroristang digma laban sa mamamayan at Bagong Hukbong Bayan (BHB), buksan ang pinto para sa mas matinding interbensyong militar ng imperyalismong US sa Pilipinas at sagasaan ang usapang pangkapayapaan. Ito na ang pinakamalinaw na manipestasyon ng militarismo, pagiging sagad-sagarang reaksyunaryo at garapal na pagkapapet ng rehimen. Sa ngalan din ng anti-terorismo, aroganteng namamayagpag ang US bilang nagsosolong superpower at nambabraso ng mga bansa laluna sa Asia-Pacific na tumalima sa kanyang "anti-teroristang adyenda" at mas matinding panggegera at interbensyon. Di hamak na mas malawakan, mas masahol at mas mapanalasa pa ang imperyalistang terorismo ni Bush at ni Macapagal-Arroyo kaysa sa terorismo ng Al Qaida at nina Osama bin Laden. Sa buong daigdig, ibayo ang ligalig at pagdurusang dinaranas ng mga inaaping mamamayan at bansa dahil sa imperyalistang digma at agresyon at napakalalang krisis ng kapitalismo. Sa aktwal, ang mas grabeng pag-aastang maton ni Bush at ng sunud-sunuran niyang papet sa Pilipinas ay tanda ng tumitindi nilang pangamba sa sumasambulat na mga problema at krisis ng imperyalismo at reaksyon. Kabaligtaran ang mga pangyayari sa inaasam-asam nina Bush at Macapagal-Arroyo na tuluyan nang mahihiwalay at manghihina ang rebolusyonaryong kilusan dahil sa deklarasyong "terorista" ito. May ibayong determinasyon ang rebolusyonaryong kilusan na ipagtanggol ang integridad nito laban sa paninira at panlalait ng imperyalismong US at papet na rehimeng Macapagal-Arroyo. Sa ibayong dagat, kapuri-puri ang ibayong paglakas at paglawak din ng mga pakikibakang pangkabuhayan, mga pakikibakang anti-gera at iba pang pakikibaka ng mamamayan, bagay na lalong yumayanig sa sistemang kapitalista at nagbabadya ng pag-usbong at muling pagbangon ng pandaigdigang kilusang proletaryo. Ang nakaraang tatlong taon ay kinakitaan ng makabuluhan at tuluy-tuloy na pagpapanibagong-lakas ng rebolusyonaryong kilusan sa batayan ng mga tagumpay ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto noong 1992-1998. Lubos nang nakabawi ang Partido at rebolusyonaryong kilusan mula sa malalaking pinsala at pag-atras. Habang sumusulong ang Partido, mulat na pinanghahawakan ang mga aral ng kilusang pagwawasto upang maiwasang muling lumihis sa wastong daan. Ang kasalukuyang bilang ng organisadong baseng masa at ng saklaw na mga baryo at bayan at ang lakas ng Partido ay halos kapantay kung hindi man nakalampas na sa inabot na rurok nito noong kalagitnaan ng dekada 1980. Tuluy-tuloy pang palalawakin at pasisinsinin ang latag ng mga larangang gerilya, na sa ngayo�y bumibilang ng mahigit 120 at mahusay na nakapakat sa halos lahat ng rehiyon at malaking mayorya ng mga prubinsya sa Pilipinas. Pangkalahatang layunin ngayon ng Partido at rebolusyonaryong kilusan na pag-ibayuhin pa ang pakikibaka laban sa reaksyunaryo, papet, mapanupil at bulok na naghaharing rehimeng Macapagal-Arroyo at sa amo nitong imperyalismong US na walang habas na nanghuhuthot at nanghihimasok sa bansa. Nakahanda at mahusay na nakapakat ang Partido at mga rebolusyonaryong pwersa para sa lahatang-panig at ibayong pagpapalakas sa baseng masa, BHB, Partido at nagkakaisang prente sa kanayunan at kalunsuran sa lahat ng rehiyon, at sa higit pang pagpapabilis ng pagsulong ng mga pangunahing larangan ng pakikibaka. Patuloy na bibigyan ng Partido at rebolusyonaryong kilusan ng pinakamataas na pagpapahalaga ang pagpapalakas ng mga organisasyon at pakikibaka ng masang magsasaka at manggagawa at iba pang maralita sa nayon at syudad. Kabilang dito ang sumusunod:
Susuportahan din ng PKP ang mga lokal na negosyante, laluna ang mga panggitnang kapitalista, na ngayon ay may lumalakas na pagtutol at pagkilos laban sa labis na pananalanta ng "globalisasyon ng malayang pamilihan". Sa darating na taon at mga susunod pa, asahan ang ibayong paglakas ng BHB at mga opensibang militar nito matapos resolbahin ang mga suliraning sumagka sa mas mabilis na pagsulong ng rebolusyonaryong armadong kilusan. Tulad ng naipakita nitong huling bahagi ng 2002, determinado at matatag na pinasisigla ang mga taktikal na opensiba. Malakas na kahilingan ng masang magsasaka at iba pang maralita na palakasin ang rebolusyonaryong pakikibaka, armado man at di armado. Mas dadami, mas dadalas at mas lalaganap ang mga taktikal na opensiba laban sa mga yunit ng AFP at PNP at mga pwersang paramilitar na pinakamatitindi ang pang-aabuso sa mamamayan. Target din ang pinakamasasahol na nanghuhuthot, nagpapahirap at nanunupil sa mga nagdarahop at karaniwang mamamayan. Ang lalong pagpapaigting ng armadong rebolusyon at iba�t ibang anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka ng bayan ang makatarungan at tamang tugon sa walang habas na imperyalista at terorismo, imperyalistang interbensyon at walang-awang pagpiga sa masa ng sambayanan. Binubuo natin ngayon ang pinakamalawak na pagkakaisa ng mga pwersang progresibo at demokratiko sa harap ng napakalalang krisis at pananalasa ng imperyalismo at reaksyon. Ipinahahayag natin ang kahandaang makipagkaisa sa lahat ng sinserong pwersa at elementong tumututol at lumalaban sa pananalasa ng imperyalistang globalisasyon, imperyalistang interbensyon at agresyon, pasismo at pandarambong sa gubyerno. Nakikinikinita nating magiging napakaigting ng krisis sa bansa ngayong 2003 at mga susunod pang taon, na magiging brutal at walang habas ang pananalasa ng imperyalismo at reaksyon. Pero tiwala rin tayo na ibayong lalawak at titindi ang mga pakikibakang bayan. Mabilis na aanihin ng sabwatang Bush-Macapagal-Arroyo ang bagyong bunga ng itinanim nilang masamang hangin. ![]()
| |||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|