TUTULAN ANG PANGGIGIPIT KAY KA JOEMA SISON!
Pahayag ni Gregorio �Ka Roger� Rosal Tagapagsalita, Partido Komunista ng Pilipinas Setyembre 21, 2002
Kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas ang papatinding panggigipit kay Kasamang Jose Maria Sison at mga tauhan ng NDFP na nakabase sa The Netherlands.
Una�y inipit ang joint current account ng mag-asawang Sison, kung saan idinedeposito ng gubyernong Dutch ang maliit na alawans na ipinagkakaloob sa kanilang pamilya alinsunod sa pagkilala nito mula 1992 sa katayuan ni Ka Joema bilang political refugee. Sinundan ito ng pagsuspindi sa subsidyo sa kanila ng gubyerno sa pabahay at kalusugan. Pinakahuli ang pagtanggal sa katayuan ni Ka Joema bilang political refugee noong Setyembre 16 tungo sa pagturing sa kanya bilang ordinaryong kriminal.
Ang lahat ng ito�y pagtalima ng gubyernong Dutch sa kahilingan ng US na gipitin si Ka Joema at mga tauhan ng NDFP dahil arbitraryo at walang batayang itinuturing ng US na terorista ang Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan.
Walang batayan at malisyoso ang bintang na ito sa PKP at BHB. At lalo namang malupit at hindi makatarungang gamitin ang bintang na ito upang pagkaitan ng mga batayang pangangailangan sa buhay at labagin ang batayang karapatang mabuhay ng pamilyang Sison at iba pa nilang mga kasamahan doon.
Higit dito, nakaamba rin kay Ka Joema ang panganib na sapilitang arestuhin ng gubyernong US para litisin sa US sa ilalim ng kanilang marahas at malupit na US Patriot Act at alinsunod sa Guidelines on Human Rights and Fighting Terrorism na inilabas ng Committee of Ministers of the Council of Europe.
Para bigyan ito ng mistulang batayang ligal, nakaamba rin ang pagsasampa ng rehimeng Macapagal-Arroyo ng gawa-gawang kasong rebelyon laban kay Ka Joema para magamit itong sangkalan ng US sa paghiling ng kanyang ekstradisyon mula sa gubyerno ng The Netherlands.
Mariing kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng buong rebolusyonaryong kilusan ang pagsasama ng US sa PKP-BHB sa listahan nito ng mga foreign terrorist organization at sa pagsusulsol nito sa mga gubyerno sa Europe na sumunod sa kanilang patakarang gipitin ang mga tauhan ng NDFP sa Europe. Kinukundena rin ng PKP kasabay nito, ang papet na gubyernong Macapagal-Arroyo sa pakikipagsabwatan nito sa panggigipit kina Ka Joema.
Sa paggigipit kay Ka Joema, na may napakalaking naitulong sa pagsusulong ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas at ng NDFP, walang ibang layunin ang rehimeng Macapagal-Arroyo kundi ang tuluyan nang wasakin ang usapang pang-kapayapaan at palargahin nang todo ang kontra-rebolusyonaryong digma laban sa PKP, BHB at buong sambayanang Pilipino. Magkakaroon na rin ng dagdag na sangkalan ang US sa paglulunsad ng direktang interbensyong militar sa Pilipinas.
Ang lahat ng ito ay bahagi ng pangkalahatang layunin ng US na durugin ang sinumang naglalayong wakasan ang imperyalistang pagsasamantala, pang-aapi at kalupitan na nagsasadlak sa milyun-milyong mamamayan ng daigdig sa pagdarahop at paghihirap.
Malaking kahangalang ituring na terorista si Ka Joema at ang ibang tulad niya na nangangahas na mulatin at organisahin ang aping mamamayan ng kani-kanilang mga bansa laban sa imperyalismong US at mga papet na rehimen nito.
Malinaw sa rekord ng imperyalismong US na ito ang pinakamalaking terorista dahil ang patakaran nitong mang-upat ng gera at iba pang kaguluhan sa mundo para salbahin sa krisis ang ekonomya ng US at matugunan ang kahayukan nitong magkamal ng superganansya ay kumikitil sa buhay ng milyun-milyong mamamayan ng daigdig. Hindi nga ba�t ganito ang ginagawa ng US ngayon sa Iraq?
Malinaw ang katotohanan. Naghahasik ng kasinungalingan ang imperyalismong US tungkol kina Ka Joema para pagtakpan ang karumal-dumal nitong rekord.
Nananawagan ang Partido Komunista ng Pilipinas at buong rebolusyonaryong kilusan sa mamamayang Pilipino na tutulan sa iba�t ibang paraan ang pinag-ibayong pananalakay at panggigipit ng gubyernong US at papet nitong gubyernong Macapagal-Arroyo sa mga lehitimong nakikibaka para sa karapatan at kagalingan ng mamamayan. Oras na mahayaang magtagumpay ang US at papet nitong rehimen sa kagustuhan nito, hindi si Ka Joema ang huling bibiktimahin ng gayong panunupil.
Partikular sa gubyerno ng The Netherlands, nananawagan din kami, sa mga batayang makatarungan at makatao, na huwag pagkaitan ng kanyang mga karapatan si Ka Joema at huwag lumuhod sa presyur ng imperyalismong US. Nananawagan kami na humanay ang gubyerno ng The Netherlands sa lumalaking bilang ng mga bansa sa buong daigdig na masusing kumikilatis sa makasariling interes ng imperyalismong US at nangangahas na labanan ang kagustuhan ng US na sagasaan ang soberanya ng kahit anong bansa sa mundo.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|