Matatagumpay na opensiba ng BHB
Mga sundalo inambus sa Capiz
NAPATAY ang sarhentong timlider ng isang siyam kataong iskwad ng 12th IB na nagsasagawa ng "recon patrol" nang tambangan sila ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Barangay Abangay, Tapaz, Capiz noong Hulyo 31. Sugatan din ang isang sundalo.
Kilala ang mga sundalo sa pagiging abusado. Isang araw bago ang pananambang, kinumpiska ng tim na ito ang pitong bangka ng mga magsasaka na ibebenta sana sa Roxas City.
7 riple nasamsam sa reyd ng BHB sa Camarines Sur
PITONG M16 ang nasamsam nang salakayin ng BHB ang himpilan ng pulisya sa Cabusao, Camarines Sur noong Hulyo 25. Nakumpiska rin ang dalawang 9 mm, isang VHF base radio, mga magasin, mga bala at iba pang kagamitang militar. Isang pulis ang napatay at isa pa ang nasugatan sa 15-minutong labanan.
Ayon sa mga ulat koresponsal, bago pa makarating ang reimporsment ng kaaway ay ligtas nang nakaatras ang BHB. Masaya silang sinalubong at binati ng masa dahil sa matagumpay na taktikal na opensiba.
SOT tinambangan ng BHB sa Abra
INAMBUS ng Agustin Begnalen Command ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Abra ang pinagsanib na pwersa ng 17th IB at 503rd Bde na bumubuo ng isang special operations team sa Sityo Tapayen, Alaoa, Tineg, Abra. Isang sundalo ang namatay at isa ang sugatan sa pananambang. Kasalukuyang inilulunsad ng SOT ang "Oplan Alaoa" nang ito ay ambusin.
Ayon sa pahayag ni Ka Diego Wadagan, tagapagsalita ng BHB sa Abra, pinarusahan nila ang 17th IB dahil nagsisilbi itong pribadong hukbo ng pamilyang Benwaren, isang angkan ng nga warlord-pulitiko na matagal nang naghahari sa Tineg. "Nagsasagawa ng mga teroristang atake (ang 17th IB) sa mamamayang di sumasang-ayon sa warlordismo sa Tineg," ani Ka Diego. Mula nang ilunsad ang Oplan Alaoa noong Marso, 10 magsasakang inaakusahang myembro ng BHB ang sinampahan ng kasong arson kaugnay ng pagkakasunog ng isang resort na pagmamay-ari ng pamilyang Benwaren noong Nobyembre 2002.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|