Balita
Huwad na pagpapasurender sa Negros, kinundena
Pinabulaanan ng Roger Mahinay Front (RMF, larangang gerilya sa timog-kanlurang Negros) ang balita na 11 mandirigma ng BHB mula sa kanilang larangan ang sumurender sa kaaway nitong Setyembre 12. Sa isang pahayag nitong Setyembre 14, sinabi ni Nilo Magtanggol, tagapagsalita ng RMF, na mga ordinaryong magsasaka lamang ang mga ipinresentang surenderi nina Col. Jeffrey Sodusta ng 303rd Bde at ni Gob. Joseph Mara�on ng Negros Occidental sa kapitolyo ng prubinsya sa Bacolod City.
Hindi ito ang unang pagkakataon na binaluktot ng kaaway ang mga tunay na pangyayari, ani Magtanggol. Ibinunyag niya na dalawang elemento ng composite team ng Scout Rangers, Philippine Army at RPA-ABB ang namatay at dalawa ang sugatan nang maka-engkwentro nila ang mga Pulang mandirigma noong Agosto 17 sa Sityo Mambut-oy, Barangay Locotan, Kabankalan City. Walang pinsala ang BHB. Kabaligtaran ito ng ibinalita ng kaaway na maraming nalagas sa hanay ng BHB at walang natamong kaswalti ang mga tropang militar.
Bago ito, iniulat din ng militar bilang engkwentro ang istraping na ginawa ng mga sundalo laban sa mga sibilyan sa Sityo Buyog, Barangay Nabulao, Sipalay City noong Hunyo 22.
Martir pinarangalan sa Cagayan Valley
Pinarangalan ng mga rebolusyonaryong pwersa at masa sa Cagayan Valley si Valeriano �Nonoy� Susa, isang kadre ng Partido Komunista sa rehiyon na namatay sa sakit na lukemya nitong Agosto 30.
Si Susa, na nakilala bilang Ka Gani, Ka Diego at Ka Dasig, ay kagawad ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa Hilagang Silangang Luzon at namumunong kadre ng Venerando Villacillo Command at Benito Tesorio Front ng BHB bago siya namatay.
Dinakip si Susa ng mga elemento ng 5th ID at PNP noong Hulyo habang nagpapagamot sa Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City. Maghapon at magdamag siyang ininteroga, pinanatiling nakaupo, di pinayagagang matulog at di pinainom ng gamot kahit alam ng kaaway na terminal na ang kanyang karamdaman.
Sa kabila nito ay nagpakita ng katatagan si Susa. Nakatakas siya pagkatapos ng ilang araw at muling nakaugnay sa mga kasama. Inilipat siya sa isang pagamutan sa Metro Manila kung saan niya nakapiling ang kanyang mga kasama at kamag-anak sa kanyang mga huling sandali.
NDFP nagpugay kay Bishop La Verne Mercado
Nagpugay ang negotiating panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa alaala ni Bishop La Verne Mercado, Pangkalahatang Kalihim ng National Council of Churches of the Philippines (NCCP). Namatay si Bishop Mercado noong Hulyo.
Sa isang pahayag noong Hulyo 24, pinarangalan ng NDFP si Bishop Mercado dahil sa kanyang matapang na paglaban sa diktadurang Marcos at mainit na pagsuporta sa mga bilanggong pulitikal at iba pang biktima ng paglabag sa karapatang-tao.
Anang NDFP, ipinakita ni Bishop Mercado na ang mga taong simbahan ay dapat manindigan para sa mga inaapi at pinagsasamantalahan at makiisa sa kanilang pakikibaka laban sa inhustisya.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|