Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Balita

 Read this article in English

Limang sandata, nasamsam sa reyd sa Negros Oriental

Tatlong M16, isang M14 at isang kalibre .45 pistola ang nasamsam ng 15-kataong yunit ng Bagong Hukbong Bayan nang salakayin nila ang isang detatsment ng Philippine National Police sa Barangay Masulog, Canlaon City, Negros Oriental noong umaga ng Mayo 6.

Naisagawa na opensiba sa kabila ng pagtatambak ng dagdag na pwersang militar at pulis sa isla.

10th IB, pinalalayas ng taumbayan sa Misamis Occidental

PINALALAYAS ng taumbayan sa Misamis Occidental ang mga abusadong tropa ng 10th IB ng Philippine Army na pinamumunuan ng isang Lt. Col. Libertino.

Ipinahayag nila ito sa isang pulong na dinaluhan ng 100 lider magsasaka sa walong baryo noong Abril 19 sa Barangay Lower Bautista, Sapang Dalaga. Dito inilahad ng mga magsasaka mula sa mga baryong Lower Bautista, Masubong, San Agustin, Ventura, Guinabot, Dapacan, Alto, Siloy at Bonifacio ang kanilang malagim na mga karanasan nang tugisin ng 10th IB ang yunit ng BHB na nakaengkwentro nito noong Marso 14.

Nangulimbat, nanira ng kagamitan at nanakot sa mga baryo ang mga sundalo ng "B" Coy. Inireklamo ng mga magsasaka ang pagnakaw ng mga sundalo sa kanilang mga alagang hayop at iba pang ari-arian.

Isang magsasaka ang pinilit ngunit tumangging maggiya sa operasyon ng militar. Isa pang magsasaka ang tinutukan ng baril ng apat na sundalo at pilit ipinalalabas ang kanya umanong ripleng M14 dahil siya raw ay kasapi ng BHB.

Ipinaabot ng KARAPATAN-Western Mindanao sa pamunuan ng 10th IB ang mga reklamo. Ngunit ang mga ito ay itinanggi ng isang nagngangalang Capt. Toraino, bagay na ikinagagalit ng mga biktima.

Samantala, sa Compostela Valley, iginigiit ng mga kamag-anak ang agarang pagpapalaya kina Jordan Donillo, 32, ng Barangay Cabuyuan, at Rexan Esperanza, 17, ng Barangay New Leyte, kapwa sa bayan ng Mabini. Ang dalawa ay dinakip ng mga tropa ng "C" Coy ng 60th IB noong Abril 25 sa Sityo Palawan, Barangay Magpalusong, Mabini.

Ikinulong sila ng 60th IB at dinadala sa operasyon. Ayon kay Col. Edgardo Gonzales, hepe ng 10th IB, palalayain lamang nila ang mga detenido kung mangangako silang hindi na babalik sa armadong kilusan. Ayon sa kamag-anakan ng mga bilanggo, may mga bakas ng tortyur sa mga katawan ng dalawa.

Pandaigdigang araw ng Paggawa, ginunita ng ilanmpung libong manggagawa sa buong bansa

Isang malaking insulto. Ito ang reaksyon ng mga manggagawa sa alok ni Gloria Arroyo na libreng sakay sa MRT, konsyerto, tiket sa palarong basketbol at diskwento sa iba-ibang tindahan sa okasyon ng Araw ng Paggawa. Sa halip na matuwa, nagmartsa ang ilampung libong manggagawa sa mga plasa, lansangan at pampublikong lugar noong Mayo 1 upang muling igiit ang P125 dagdag na sahod at pagtigil sa mga kontra-manggagawang patakaran ng rehimen. Itinaon din nila sa okasyon ang koordinadong miting de abanse ng partidong Anakpawis sa iba't ibang dako ng bansa.

Sa Metro Manila, umabot sa 30,000 manggagawa ang nagtipon sa Liwasang Bonifacio.

Habang nagpapabango si Arroyo sa ilang manggagawa sa Laguna, 5,000 manggagawa naman ang nagtipon sa Calamba City, Laguna upang batikusin ang kanyang mga patakaran. Nagkaroon din ng katulad na mga pagkilos sa iba pang lunsod sa Luzon. Sa kabuuan ng Visayas, umabot sa 40,000 manggagawa ang lumahok sa mga aksyong protesta. Libu-libo rin ang tumugon sa panawagan ng Kilusang Mayo Uno at Anakpawis sa Mindanao.

Tumatanggi ang rehimeng Arroyo na harapin ang makatarungang hinaing ng mga manggagawa. Sa buong panahon ng kanyang panunungkulan, wala ni isang sentimong umentong natanggap ang mga manggagawa mula sa kanyang rehimen. Sa kabila ito ng tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga batayang pangangailangan at serbisyo. Ayon sa pag-aaral ng mga manggagawa, bumagsak na nang P51.80 ang tunay na halaga ng sahod mula 1999. Ibig sabihin, ang kasalukuyang P280 minimum na sahod ay katumbas na lamang ng P229.

Panonortyur ng mga sundalong Amerikano at British sa Iraq, nabunyag

IBAYONG nahubaran ng maskara ang mga tropang mananakop sa Iraq nang tumampok ang malupit na panonortyur, pambababoy at panghihiya ng mga sundalong Amerikano at British sa mga nadarakip nilang Iraqi.

Umani ng malawak na pagkundena mula sa mamamayang Amerikano at laluna sa mga Iraqi at iba pang mamamayang Arabo nang ipalabas noong Abril 28 sa telebisyon sa US ang mga larawan ng mga bihag na Iraqi habang tinotortyur ng mga sundalong Amerikano sa bilangguang Abu Ghraib, malapit sa Baghdad. Sa isang larawan, makikita ang isang detenidong Iraqi na nakatayo sa isang kahon, hubo't hubad, may suklob ang mukha at natatalian ng kawad ang mga kamay. Sa isa pang larawan, makikita ang maraming bilanggong Iraqi na hubo't hubad rin at magkakapatong habang kinakantyawan at pinagtatawanan ng mga lalaki at babaeng sundalong Amerikano. Ang mga sundalong Amerikano rin mismo ang kumuha ng mga litrato.

Dalawang sundalo naman sa ilalim ng Queen's Lancashire Regiment ng British Royal Army ang nagbigay sa pahayagang Daily Mirror sa London, United Kingdom ng mga larawan ng pang-aabuso ng mga sundalong British sa mga bihag na Iraqi. Sa isang litrato ay makikitang iniihian ng isang sundalong British ang isang detenidong Iraqi. Ayon sa dalawang sundalong British, gawi na ng mga kasamahan nila sa Iraq ang magpalitan ng mga larawan ng kanilang mga inaabusong bilanggo.

Magugunitang noong Enero ay nabunyag naman ang pahirap na dinanas ng walong bilanggong Iraqi sa kamay ng mga sundalong British. Pinagsisipa sila ng mga sundalo hanggang mamatay ang isa sa kanila. Ayon sa isang ulat, umaabot na sa 25 detenido ang namamatay sa iba't ibang kulungan sa Iraq at Afghanistan na hawak ng mga mananakop na pwersang pinamumunuan ng US.

Ang dose-dosenang litratong ipinakita rin sa marami pang istasyon ng telebisyon at inilathala sa mga pahayagan sa iba pang panig ng mundo. Lumalakas ngayon ang paggigiit na ituring ang mga pang-aabuso bilang krimen sa gera at paimbestigahan ito sa mga independyenteng organisasyon sa karapatang-tao.

Dahil dito, napilitan ang US at UK na maglunsad ng mga imbestigasyon. Kinumpirma mismo ng imbestigasyon ng militar ng US ang laganap na mga kaso ng pambubugbog, pagkuha ng litrato at video ng mga pinaghubo't hubad na detenidong babae at lalaki, pamimilit sa mga detenido na gumawa ng sari-saring kalaswaan, panggagahasa at iba pang sekswal na pang-aabuso sa mga bihag at iba pang kahayupan. Napilitan ding magpahayag sa mga bansang Arabo si Pres. George W. Bush at iba pang upisyal ng gubyerno at militar ng US para ipaliwanag umano ang mga pangyayari. Subalit sa halip humingi ng paumanhin, nagpahayag pa si Bush ng lubos na pagtitiwala sa mga upisyal ng militar ng US na aniya'y may malaking naitutulong sa mamamayang Iraqi.

Sa kabila ng kalubhaan ng mga ginawang paglabag sa karapatang-tao, pinuna lamang si Gen. Janis Karpinsky, tagapangasiwa noon ng mga bilangguan ng US sa Iraq, at pangaral lamang ang iginawad sa anim na tauhan ng Military Police na napatunayang nanortyur sa mga bilanggo. Wala ni isa sa kanila ang tinanggal o pinagbitiw sa pwesto. Inamin ni Gen. Karpinski na nalaman niya ang tungkol sa mga pang-aabuso noon pang isang taon at di raw niya naatim ang mga ito. Ngunit sinabi niyang ang mga ito ay iniatas ng mga upisyal ng military intelligence na may kontrol sa mga selda kung saan naganap ang mga abuso.

Paparami ang tumututol sa US Patriot Act

Dumarami ngayon ang bumabatikos sa US Patriot Act habang nangangampanya si Pres. George W. Bush na gawin na itong permanenteng batas. May 300 lokal na gubyerno na ang tumututol dito batay sa huling ulat ng Bill of Rights Defense Committee at Americal Civil Liberties Union.

Ang pinakahuling lokal na gubyernong nagpasa ng resolusyon laban sa Patriot Act ay ang Martha's Vineyard sa Tinsbury, Massachusetts. Nauna nang nagpahayag ng pagtutol ang Alaska, Hawaii, Maine, Vermont, mga syudad ng Philadelphia, Baltimore, Detroit, Dallas, Denver, San Jose, Seattle, San Francisco, Milwaukee, Washington, D.C., Pittsburgh at El Paso, at ang tatlong syudad na may pinakamalaking populasyon, ang New York, Los Angeles at Chicago.

Mariing kinundena ng mga lokal na gubyernong ito ang sobra-sobrang kapangyarihang ibinibigay ng US Patriot Act sa Department of Justice para mang-aresto, magdeteni, at magpatalsik ng mga dayuhan nang walang isinasampang kaso.

 


Previous articleBack to top 

07 Mayo 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Walang pundamental na pagbabagong idudulot ang eleksyon sa Mayo 10

Panggigipit sa mga progresibong partido:
Walang tigil ang paninira at pamamaslang

Mga kandidatong lumabag sa PTC, dinisarmahan ng BHB
Imperyalismong US, nanghihimasok sa eleksyon
Koleksyon ng mga litrato ng BHB, inilunsad
Itakwil ang mga gumagamit sa OPML para walang tigil na siraan ang Partido —Ka Basil
Mga ulat koresponsal:
Mga tulisan, instrumento ng AFP sa Northeastern Mindanao

Mga ulat koresponsal:
Cordillera Day 2004:

Kasaysayan ng magiting na pakikibaka sa Cordillera, ipinagbunyi

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.