Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Krisis sa pulitika, matabang lupa para sa rebolusyon

 Read this article in English

Napipinto ang pagsambulat ng maigting na krisis pampulitika sa naghaharing sistema. Ang dati nang maigting na tunggalian ng mga magkakaribal na reaksyunaryong paksyon ay lalo pang pinatitindi ng naganap na pinakamadaya, pinakamarahas at pinakamagulong eleksyon sa kasaysayan ng Pilipinas at ng sobra-sobrang panggigipit sa mga progresibo. Di mapapanatag ang mauupong rehimen.

Dinala ng nagdaang halalan sa napakataas na antas ang bangayan sa hanay ng mga reaksyunaryo. Ang pandaraya, panggigipit at pandarahas sa mga lumahok na progresibong partido at kandidato, laluna't mahigit sangkatlo ng mga pinatay sa panahon ng eleksyon ay mga kandidato, lider at organisador ng mga progresibong partido ay lalong nagpasidhi sa galit ng mamamayan sa gubyerno, sa mga sandatahang pwersa nito at sa mga sagad-sagarang reaksyunaryo.

Pinalalabas ngayon ng kampong Arroyo na nakaungos pa rin siya sa pangunahin niyang karibal sa eleksyon, sa kabila ng malawakang pagtakwil sa kanya ng mamamayan. Ginamit niya ang mga tauhan at malaking pondo at rekurso ng gubyerno, kabilang ang mahigpit na kontrol sa COMELEC, AFP at iba pang armadong pwersa ng reaksyunaryong estado, upang manipulahin ang resulta ng halalan. Hindi ito matanggap-tanggap ng mga naging pangunahing kalaban ni Arroyo. Hindi rin ito malunok ng mamamayang suklam na suklam sa rehimeng Arroyo.

Sabay na naggigiit ng kani-kanyang pagkapanalo ang pangkating Arroyo at pangkatin ni Fernando Poe Jr. Dahil sa higpit ng girian sa pagbibilang ng pinagsanib na kongreso sa mga boto para sa presidente at bise-presidente, lubhang magtatagal pa bago pormal na maiproklama ang nanalo sa eleksyong pampanguluhan. Tuluy-tuloy ding nagmamaniobra ang mga reaksyunaryong oposisyon at naririyan ang posibilidad na humantong ito sa kabiguang makapagproklama ng nanalong presidente at bise-presidente pagsapit ng nalalapit nang dedlayn sa Hunyo 30.

Sa buong kasaysayan ng mga reaksyunaryong eleksyon sa Pilipinas, pinakapuno ng pagtatalo at pinakamabagal ang eleksyong ito sa paglutas kung sino ang nanalo sa pagkapresidente.

Dahil hawak ng pangkating Arroyo ang mayorya sa kongreso, maaaring maipilit pa rin ang kanyang proklamasyon. Magkagayon man, ang pagkakalantad ng sistematiko at malawakang dayaan, ang napakanipis na pagitan sa bilang ng boto ni Arroyo at Poe at ang mga bagong kaso ng pandarambong at mga anomalya na nalalantad ngayon laban sa rehimeng Arroyo ay mag-iiwan lamang ng malaking duda sa pagkalehitimo ng patuloy niyang paghawak sa kapangyarihan.

Hindi kailanman matatahimik at hindi mapapalagay ang rehimeng Arroyo sa pag-upo nito sa Malakanyang. Mananatili itong saligang kahinaan ng paghahari ni Gloria Arroyo hanggang sa maibagsak siya sa kalaunan.

Ang lahat ng ito ay nagbabadya ng malaking kaguluhan sa pulitika. Nagsisilbi itong kundisyon sa lalong pag-igting ng hidwaan at pag-udyok ng marahas na salpukan sa hanay ng mga reaksyunaryo.

Hindi tatantanan ng mga karibal ni Arroyo ang bawat puwang para paigtingin ang mga pag-atake at pagpapabagsak sa kanyang paghahari. Patuloy na malalagay ang naghaharing rehimen sa depensibong pusisyon at pangangailangang magtanggol sa napakaalanganing pusisyon nito.

Dapat puspusang ilantad at samantalahin ng mga rebolusyonaryong pwersa at ng mamamayan ang ganitong kalagayan ng reaksyunaryong mga naghaharing uri at gubyerno upang mas epektibong malabanan ang kabuuan ng reaksyunaryong paghahari at maisulong ang rebolusyonaryong pakikibaka.

Higit pang mahalaga'y nagsisilbing kundisyon din ito para ibayong makapagpalakas ang mga rebolusyonaryong pwersa, makapagpalawak ng rebolusyonaryong nagkakaisang prente at mga taktikal na alyansa, makapagsulong ng mga pagkilos at pakikibakang armado at di armado, makakamit ng mas maraming mga bentaheng taktikal at malayong makaabante ang mga pakikibaka ng rebolusyonaryong pwersa at ng mamamayan.

 


 Back to topNext article

07 Hunyo 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Krisis sa pulitika, matabang lupa para sa rebolusyon
Mga kaso ng pandaraya at pandarahas sa eleksyon
NDF, nagbabalang aatras sa usapang pangkapayapaan
Ibayong pagtindi ng krisis pangkabuhayan
Panandaliang ilusyon ng pag-unlad
Malawakang paghihikahos: Ilang tampok na datos
Sumisirit ang presyo ng langis
Ang matinding kaapihan ng kababaihang magbubukid
Sa ibayong dagat:
Upisyal na patakaran ng US ang paggamit ng tortyur

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.