Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Central Cordillera Agricultural Programme:
Pagsasamantala sa likod ng "tulong pangkaunlaran"

 Read this article in English

Isa sa mga "tulong pangkaunlaran" na nanlilinlang at nagsasamantala sa mamamayan sa Cordillera ang Central Cordillera Agricultural Programme o CECAP. Ibayong pagkalugmok sa kahirapan ang hatid ng programang ito na taliwas sa sinasabi nitong pag-angat ng kabuhayan ng mga mamamayan.

Ang CECAP ay bahagi ng mas malaking disenyo ng European Union (EU) sa pagtataguyod ng pang-ekonomya at pampulitikang interes nito sa bansa.

Sinimulang ipatupad ang CECAP sa panahon ng rehimeng Aquino, nagpatuloy sa ilalim ng mga rehimeng Ramos at Estrada at hanggang sa kasalukuyang administrasyon. Pinaglaanan ito ng pondong inutang sa IMF-World Bank. Umabot sa P32 milyon ang winaldas dito ng rehimeng Aquino at P148.5 milyon naman ng rehimeng Ramos. Walang ipinakikitang hakbang ang rehimeng Macapagal-Arroyo upang patigilin ang mga operasyon ng mga anti-mamamayang programang tulad nito.

Katulad ng iba pang mga programang dala ng mga imperyalista, nakakonteksto ang CECAP sa kontra-rebolusyunaryong programa ng reaksyunaryong gubyerno. Ipinatutupad ito bilang psywar laban sa masa at kontra-propaganda sa rebolusyunaryong kilusan. Sinisikap ng mga programang tulad ng CECAP na buhusan ng malamig na tubig ang maalab na adhikain ng mamamayan para sa makabuluhang pangekonomyangpagbabago. Sakop ng mga operasyon at proyekto nito ang mga prubinsya ng Abra, Ifugao, Kalinga at Mountain Province.

Pagpapatindi ng malapyudal na pagsasamantala

Layunin ng CECAP na palaganapin at paunlarin ang komersyal na agrikultura sa mga komunidad ng Cordillera. Ibayo nitong iginagapos ang tradisyunal na agrikultura ng Cordillera sa ekonomyang nakabatay-sa-salapi (cash-based) at di maisusustine. Layunin ng CECAP na palitan ang mga katutubong pananim at gawing tambakan ng abono at pestisidyo na gawa ng mga imperyalistang kumpanyang Europeo ang mga komunidad sa Cordillera.

Malawakang pinapalitan ng mga komersyal na binhi ang mga tradisyunal na palay. Bukod rito, isinagawa ang malawakang kumbersyon ng mga palayan patungong komersyal na gulayan at taniman ng mga prutas na nagbunga sa pagbagsak ng produksyon ng palay.

Ginamit ding lunsaran ng eksperimento ng mga bagong binhi na galing sa Ireland at Germany ang Cordillera upang iiwas sa masasamang resulta ang mga pananim sa Europa. Nagpalaganap ito ng sakit at peste sa Benguet, Ifugao at Mountain Province at nagresulta sa pagkawasak ng mga lokal na pananim at sa pagkalugi ng mga magsasaka.

Inilalatag ng CECAP ang isang sistemang pampinansya sa kanayunan, network ng mga grupo sa produksyon at network ng pamilihan na binubuo ng mga lokal na komersyante at mga piling kooperatiba.

Ang mga kooperatibang itinatatag ng CECAP sa mga baryo ay ipinaiilalim lahat sa itinatayo rin nitong mga mother cooperative mula antas bayan hanggang antas prubinsya. Hinihimok din nitong magpailalim sa kanilang mga mother cooperative ang mga nadadatnan nilang kooperatiba sa baryo. Bilang pang-akit, pinauutang nila ang mga binubuo at iniimbitang kooperatiba sa baryo. Obligadong sa mga mother cooperative lamang ng CECAP bumili ang hawak nilang mga kooperatiba ng mga produkto, sa presyong idinidikta ng CECAP.

Ibayong iginagapos ng CECAP ang tradisyunal na agrikultura ng Cordillera sa ekonomyang nakabatay-sa salapi (cashbased) at di maisusustine.

Bumubuo rin ang CECAP ng mga savings and loan group (SLG) na bawat isa ay may lima hanggang 10 kasapi. Nakapaloob ang mga SLG sa kooperatiba ng CECAP sa baryo kung saan idinedeposito ang perang inihulog ng mga kasapi at kung saan din sila humihiram ng pera. Pang-akit ng SLG sa mga mamamayan ng Cordillera na maaari raw makahiram ang mga myembro ng doble ng halagang naimpok nila rito.

Obligadong maghulog ng P50 bilang butaw at ng regular na impok na P5-20 kada linggo ang kasapian ng mga grupong ito. Kapag umutang ang isang myembro, 15% ang kaagad na kinakaltas dito para sa taunang interes, bayad-serbisyo at sa "pondong pang-emergency". Kung tutuusin, 30% ang interes dahil karaniwa�y kalahati ng inuutang na halaga ng bawat myembro ay perang nauna na niyang naihulog sa SLG. Dagdag pa rito ang 2% buwanang multa sa mga hindi kaagad makapagbayad ng amortisasyon. Kailangang bayaran ang utang sa loob ng 50 linggo. Kolateral ng mga myembro sa pag-utang ng kapital sa kooperatiba ang kanilang mga pananim.

Kapag nabuwag ang SLG, magiging pag-aari na ng CECAP at ng kooperatiba ang kabuuang naimpok na "pondong pang-emergency" ng mga kasapi.

Upang matiyak na makakamal ng CECAP ang tubo sa perang galing sa mga SLG, ginawa nilang utang ng buong grupo ang utang ng bawat kasapi. Kapag lumampas sa tatlong buwan na hindi nababayaran ng kasapi ang kanyang utang, ibabawas ito sa "pondong pang-emergency" ng SLG. Kung kulang ang pondong ito para sa utang, ibabawas sa kabuuang naimpok ng grupo ang utang ng isa. Nagdudulot ito ng mga alitan sa hanay ng mga myembro.

Maliban sa SLG, itinayo rin ang mga grupo sa produksyon. Kinundisyon ang mga kasapi nito na magtanim ng mga ipinasok na komersyal na pananim at inobliga silang gumamit ng mga itinakda ng CECAP na komersyal na abono at pestisidyo.

Malawakang korupsyon

Isang pangunahing pinanggagalingan ng korupsyon sa CECAP ay ang malaking komisyon ng mga tagapangasiwa nito sa pagbebenta ng mga komersyal na abono at pestisidyo sa mga komunidad kasabay ng pagpapasok nila ng mga bagong binhi. Isa pa ang malaking tubo sa pagsusuplay ng mga bilihin sa hawak nilang mga kooperatiba sa pamamagitan ng mga mother cooperative. Kapag nagpapasok sila ng mga proyekto sa pag-aalaga ng mga hayop, tulad ng manok at kambing, inoobliga rin nilang tumanggap ang mamamayan ng ayudang teknikal mula sa CECAP. May nakalaang pondo para sa ayudang teknikal subalit sinisingil pa rin ang mga nakatatanggap ng gayong tulong dahil madalas na kinukupit ng mga nangangasiwa ang nakalaang pondo.

Batbat din ng korupsyon ang konstruksyon ng mga imprastrukturang itinatayo ng CECAP sa mga baryo, tulad ng ilang foot bridges at farm-to-market roads, loading platforms, trading stations, at mga istruktura para sa pagsasalansan ng mga produkto (baggage decks) sa tabi ng mga kalsada. Walang ibinibigay na sahod at pagkain sa masang naghahakot ng mga materyales papasok sa mga mabundok na lugar at nagtatrabaho sa mga proyektong imprastruktura. Ito�y sa kabila ng malaking badyet na nakalaan para rito. Ang mga diumano�y nagastos dito ay isinasama pa rin sa mga pampinansyang report ng mga nangangasiwa sa CECAP.

Malaganap ang pagnanakaw ng mga nangangasiwa sa CECAP sa mga materyales sa konstruksyon at ang pangungupit sa pamimili ng mga ito. Halimbawa, ang presyo ng semento ay pinapatungan ng P30 bawat bag sa tinatagurian na ng mga tindahan ng hardware na "CECAP pricing". Talo pa nito nang tatlong ulit ang tinatawag nilang "DPWH pricing" na P10 patong sa bawat bag ng semento. Hindi rin iilang burukrata ang nakikinabang sa pagkamal ng pondo mula sa mga proyekto ng CECAP sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan at mga maniobra.

Labanan ang CECAP at iba pang katulad na programa!

Panlilinlang, higit na pagpapatindi ng pagsasamantalang malapyudal, pagkakasira ng balansyado at agrikulturang kayang isustine (sustainable agriculture) ng mga mamamayan sa Cordillera at pangungurakot ng mga tagapangasiwa ang pangunahing maaasahan ng mga magsasaka sa Cordillera mula sa CECAP. Dapat puspusang ilantad na ang tunay na layunin ng CECAP ay hindi ang pag-angat ng kabuhayan ng mga mamamayan sa Cordillera kundi ang pagtataguyod sa interes ng mga imperyalista sa Europe.

Sa harap ng pagsasamantala at panloloko nito at ng iba pang programang tulad ng Cordillera Highland Agricultural Resource Management (CHARM) at Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (CIDSS), nararapat lamang na palakasin ng mamamayan sa Cordillera ang kanilang pagkakaisa at pataasin ang kanilang militansya upang epektibong malabanan ang mga ito.

Kailangang ipagpatuloy at palawakin ang mga nasimulan nang pakikibaka ng mamamayan sa ilang lugar sa Cordillera laban sa mga programang nabanggit.

Nararapat na ilantad ang pakikipagsabwatan sa mga pasimuno ng mga programang ito ng malalaking burgesyang kumprador at ng reaksyunaryong gubyerno sa pamamagitan ng mga ahensya nito. Kailangan ding ilantad ang korupsyon sa mga operasyon nito pati na ang masasamang epekto sa kalikasan at kalusugan ng mga abono at pestisidyong ipinapasok ng mga ito sa bansa.

Habang nananatili ang bulok na naghaharing sistema, patuloy na magsusulputan ang mga programang anti-mamamayan. Walang ibang tunay na kakalag sa pagkagapos ng mamamayan sa pangaapi at pagsasamantala kundi ang pagkakamit ng mga saligang pagbabagong pangekonomya at pampulitika sa pamamagitan ng paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan.

 


Previous articleBack to topNext article

Abril 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo:
Paghandaan ang mas malalaki pang laban, kamtin ang mas malalaki pang tagumpay!

Sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo:
Patuloy na dumadausdos ang pambansang ekonomya

Sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo:
Tunggalian at aregluhan sa hanay ng naghaharing uri

Sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo:
Mainit ang pagtanggap ng mamamayan sa pag-aresto kay Estrada
Pahayag ni Gregorio "Ka Roger" Rosal
Pambansang Tagapagsalita,
Partido Komunista ng Pilipinas
Abril 26, 2001

Sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo:
Nagpapatuloy ang pananalanta ng pasistang estado

Central Cordillera Agricultural Programme:
Pagsasamantala sa likod ng "tulong pangkaunlaran"
Maj. Noel Buan:
Bihag ng digma, pinalaya ng BHB

Mga Balita ng Pakikibaka
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.