Mga kilos-protesta sa Pilipinas laban sa bantang gera ng US sa Iraq, lumalawak
Palawak nang palawak ang pagkakaisa ng mamamayang Pilipino laban sa pagbabanta ng US na salakayin ang Iraq.
Kabilang sa pinakahuling nagpahayag ng paninindigan laban sa gera ng US ay ang Simbahang Katoliko. "Hindi kami anti-Amerikano. Kami ay kontra sa gera," ang deklarasyon ni Jaime Cardinal Sin sa kanyang sulat-pastoral na binasa sa "Stand for Peace", isang prayer-rally sa Plaza Miranda, Quiapo, Maynila noong Enero 31. Binalaan din ng arsobispo ng Maynila ang rehimeng Macapagal-Arroyo na huwag sumuporta sa balakin ng gubyernong Bush.
"Manindigan tayo para sa kapayapaan!" pahayag naman ni Bise Presidente Teofisto Guingona. Hinikayat niya ang mamamayang Pilipino na labanan ang anumang tangkang panggegera ng US.
Mahigit 5,000 mula sa sektor ng manggagawa, estudyante, mga taong-simbahan at iba pa ang lumahok sa rali. Kabilang sa mga nagrali ang mga organisasyong kahanay ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), ang Muslim Solidarity for the People of Iraq (MUSPI) at ang Moro-Christian People�s Alliance. Nandoon din ang ilang personahe tulad nina dating Sen. Wigberto Tañada at Arsobispo Casaousa ng Iraq.
Bago ito, nagdaos ng maikling programa ang MUSPI sa Golden Mosque Compound sa Quiapo at Islamic Center at pagkatapos nito ay tumungo sila sa Plaza Miranda para magsindi ng mga kandila para sa kapayapaan, na sabay-sabay na ginawa sa iba�t ibang lunsod at bayan ng bansa.
Noong araw ding iyon, may 500 aktibistang anti-gera ang sumali sa "March Rally for Peace, Freedom, and Sovereignty" sa pangunguna ng BAYAN-Gitnang Luzon. Nagmartsa sila sa mga lansangan ng Angeles City at nagrali sa Clark Special Economic Zone (CSEZ) at Plaza Miranda ng naturang lunsod. Lumahok dito ang mga estudyante, magsasaka at manggagawa mula Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, Bulacan at Bataan.
Binatikos din nila ang rehimeng Macapagal-Arroyo sa patuloy na pagpananatili ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas sa ngalan ng "humanitarian mission" at mga "magkasanib na pagsasanay-militar" tulad ng Bayanihan sa Mindanao at Balance Piston 03-05 sa dating mga base militar ng US sa Luzon.
Samantala, sa Senado, naghain ang apat na senador (Joker Arroyo, Francis Pangilinan, Ralph Recto at Noli de Castro) ng resolusyong nananawagan kay Macapagal-Arroyo na maghinay-hinay sa usapin ng US at Iraq. Pinuna ni Senador Arroyo ang gubyerno ng Pilipinas dahil ito ang tanging gubyerno sa buong Asia na nag-iingay tungkol sa pagsuporta sa gera ng US sa Iraq.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|